Monday, October 5, 2020

V-DAY 03

 

CHAPTER THREE




ISANG nilalang ang hindi makatulog ng gabing iyon. Ginagambala siya ng utak niya na samo’t sari ang naglalaro. Mga imaheng hindi maalis-alis doon na para bang kahit anong gawin niya ay hindi na mawawala. Bumangon siya sa kinahihigaan at dumungaw sa bintana. Tumingin siya sa madilim na kalangitan. Matagal pa bago lumabas ang araw at mahaba pa ang gabi. May gusto siyang gawin na kanina pa isinisigaw ng utak niya.

            Kunin mo ang matalim na kutsilyo. Lumabas ka at humanap na papatayin! Kunin mo ang kaniyang puso gaya ng dati! Mga salitang umaalingawngaw sa loob ng kaniyang ulo.

Paulit-ulit at talagang hindi siya papatulugin. Alam niya iyon. Hindi na bago sa kaniya ang eksenang ito at maging ang mga boses na kaniyang naririnig.

Kunin mo ang matalim na kutsilyo. Lumabas ka at humanap na papatayin! Kunin mo ang kaniyang puso gaya ng dati!

Napahawak ang dalawang kamay niya sa kaniyang ulo. “Oo na! Oo na! Gagawin ko na! Tumigil na kayo!” Napaupo siya sa sahig habang tumatangis. Hindi talaga titigil ang mga boses kapag hindi niya pinagbibigyan sa gustong gawin niya.

Ang pagtangis niya ay unti-unting napalitan ng pagtawa. Tawa na naging halakhak. Kung may ibang tao lamang na makakakita sa kaniya, iisipin na siya ay nasisiraan na ng ulo. Naglaho ang tawa habang marahan siyang tumatayo. Pumunta siya kung nasaan ang kutsilyo—nasa aparador. Natatakpan ng kaniyang mga damit. Kinuha niya ang kutsilyo at akala mo ay isang napakahalagang bagay niya iyong tiningnan. Kumikislap pa ang talim niyon. Halos isa’t kalahating dangkal niya ang haba niyon. Ang tanganan ay kulay itim na yari sa matigas na uri ng plastik. Sakto lamang ang taba niyon sa kaniyang kamay. Hindi dumudulas kapag ganiyang hinahawakan. Alam niya na sobrang talas niyon dahil palagi niya iyong hinahasa. Para handa siya kapag naririnig niya ang ang mga boses.

Nagpalit siya ng damit. Itim na sando na pinatungan niya ng itim na jacket. Pantalong itim at sapatos na ganoon din ang kulay. Inayos niya ang buhok at nagsuot siya ng kulay itim din na cap. Itinago niya ang kutsilyo sa bulsa na nasa loob ng jacket.

Lumabas na siya ng bahay at naglakad-lakad. Wala nang katao-tao sa labas. Nagtahulan ang mga aso nang mapadaan siya sa isang bahay na maraming aso.

Malikot ang kaniyang mga mata at nilalakasan niya ang kaniyang pakiramdam. Kung sino ang unang makita niya ay iyon ang kaniyang bibiktimahin.

Bilisan mo na. Gusto na naming makita na pumapatay ka!

Gamitin mo ang kutsilyo! Pumatay ka!

“Tumigil na kayo! Gagawin ko na nga ang gusto ninyo!” Makailang ulit niyang pinukpok ang ulo gamit ang nakakuyom na kamao bago nawala ang mga boses.

Humihingal siya pagkatapos kahit wala pa naman siyang ginagawa. Marahan siyang umayos ng tayo at may sumilay na nakakatakot na ngiti sa kaniyang labi. Nangangati na ang kamay niya na gamitin ang itinatagong kutsilyo. Gusto na niyang isaksak iyon sa laman ng tao tapos paghugot niya ay may sasamang malapot na dugo sa talim niyon. Kakaibang saya rin ang naibibigay sa kaniya ng nakakangilong tunog kapag kumiskiskis at tumatama ang kutsilyo sa buto ng tao. Pero wala nang mas hihigit pa sa kasiyahan niya sa tuwing winawakwak na niya ang dibdib ng isang tao. Tapos unti-unti niyang hihilahin ang puso nito at isa-isang mapuputol ang ugat na nakakabit doon!

Sandali niyang ipinikit ang mga mata at pinuno ng panggabing hangin ang dibdib. Pagkuwa’y marahan niya iyong ibinuga. Kinakalma niya ang kaniyang sarili. Ilang sandali pa nga ay normal na ang kaniyang paghinga. Nag-umpisa na siyang maglakad-lakad.

Malaki ang naitutulong ng gabi para makakilos siya ayon sa gusto niya. Nagagawa niyang ikubli ang sarili sa kadiliman.

Maya maya lang, habang naglalakad siya sa isang kalsadang walang gaanong bahay ay may nakita siya sa unahan niya na isang lalaki na pagewang-gewang ang paglalakad. Alam niyang lasing ito dahil sa paraan ng lakad nito. Medyo nalungkot siya dahil kapag lasing ang isang tao ay hindi ito nakakalaban nang maayos. Gusto pa rin kasi niya iyong nahihirapan siya kahit papaano. Iyong hahabulin niya ito hanggang sa mapagod ito. Tapos kapag naabutan niya ay brutal niya itong papatayin gamit ang kutsilyo. Pakiramdam niya ay sulit ang pagod niya kapag ganoon.

Wala na rin naman siyang pagpipilian kundi ang lalaking lasing na kaniyang nakikita. Baka kapag pinalampas pa niya ito ay wala na siyang makitang pwede niyang mabiktima ngayong gabi. Paniguradong hindi siya papatulugin ng mga boses kapag hindi siya pumatay ngayon.

Inihanda na niya ang kaniyang sarili. Pumwesto siya sa gilid ng kalsada at isinuot ang hood ng jacket sa kaniyang ulo. Bahagya siyang yumuko pero ang mata niya ay nakatutok sa bibiktimahin. Akala mo ay isa siyang agila na naghihintay ng paglapit ng kaniyang target.

Nang nasa tapat na niya ang lasing na lalaki ay huminto ito at umunahan ang ulo na para bang inaaninag kung sino siya.

“Hoy! Gabing-gabi na, a. Bakit nandito ka pa sa labas? Hindi mo ba alam na may killer na gumagala dito kapag ganitong buwan? Ah… hindi mo siguro alam kasi dayo ka lang dito,” lungange na sa pagsasalita ang lalaki.

Ilang bote kaya ng alak ang nainom nito?

“Alam ko…” sagot niya sa malalim na boses.

“Alam mo naman pala, e. Umuwi ka na. Kung gusto mo, sabay na tayo…”

“Alam ko, dahil ako ang killer na tinutukoy mo.”

Natahimik nang ilang segundo ang lasing pero malakas itong tumawa. “Nakakatawa ka naman! Ang galing mong magbiro!” Iiling-iling pa ito. “Sige nga, kung ikaw `yong killer… saksakin mo ako! Bilis na. Saksakin mo ako!” Dumipa pa ito.

Tumalim ang tingin niya sa lasing na lalaki. Marahan siyang lumapit dito at huminto sa tapat nito. Kinapa niya sa loob ng kaniyang jacket ang kutsilyo. Mabilis niya iyong inilabas at walang babala na itinarak niya iyon sa kaliwang parte ng leeg ng lalaki. Sa haba ng kutsilyo ay tumagos ang talim niyon sa kabilang bahagi ng leeg ng lalaki!

Gulat na gulat ang lalaki sa ginawa niya at hindi na nito nagawang makasigaw. Nanlaki ang mata nito. Paghugot niya ng kutsilyo ay siya ring pagbulwak ng dugo doon. Napahawak ang lalaki sa sugat nito sa leeg. Pilit na pinipigilan ang pagpulandit ng dugo gamit ang mga kamay.

Hindi pa siya nakuntento. Muli niyang sinaksak ang lalaki sa leeg. Dalawang beses!

May dugong tumalsik sa gilid ng kaniyang labi. Gamit ang dila ay inabot niya ang dugo doon at ngumiti ng malaki.

Nanghihinang natumba ang lalaki sa sahig. Akala mo ay isa itong manok na kumikisay dahil ginilitan sa leeg.

Muli niyang itinago ang kutsilyo sa loob ng kaniyang jacket. Yumukod siya at kinuha ang dalawang paa ng lalaki. Hinila niya ito palayo sa lugar na iyon. May nakita siyang sementeryo sa hindi kalayuan at doon niya ito dinala. Pabalang niya itong isiniksik sa likod ng isang nitso.

Inilabas niya ulit ang kutsilyo habang ang lalaki ay tila naghihingalo na. Nakanganga ito na parang isdang pilit na sumasagap ng hangin dahil inalis sa tubig.

Lumuhod siya sa tabi ng lalaki. Itinaas niya ang kutsilyo at isinaksak niya iyon sa dibdib nito. Halos kalahati ng patalim ang ibinaon niya. Gamit ang kutsilyo ay winakwak niya ang dibdib ng lalaking iyon. Nilagari niya ang ribs na nakaharang sa puso at nang magkaroon na ng espasyo na kasya ang kaniyang kamay ay saka niya maingat na dinukot ang puso ng lalaki.

May kasiyahang pinagmasdan niya ang puso sa kaniyang duguang kamay. May madadagdag na naman sa kaniyang koleksiyon! Pagkauwi niya ay ilalagay niya iyon sa garapon at lalagyan ng tubig na may kasamang kemikal para mapreserba iyon.

Parang wala lang na iniwan niya ang lalaki sa sementeryo. Bukas ng umaga ay siguradong pag-uusapan na naman ng mga tao ang kaniyang ginawang ito!

 

“BASTA, Susan, mag-iingat ka, ha! Mag-isa ka pa naman dito palagi,” paalala ni Mariposa kay Susan habang nasa tapat sila ng nakabukas na gate ng binabantayan na bahay.

Tumango si Susan. “Oo naman. Kaya ko namang ipagtanggol ang sarili ko kahit babae ako,” aniya sa kaibigan para hindi na ito mag-alala.

“Tama iyan. Kahit mga babae tayo, we need to know how to defending our body!”

“Ewan ko sa’yo! Ako lang ang babae, hindi ikaw! Feelingera!”

Pabiro siya nitong inirapan. “Sige na. Kailangan ko nang umalis. Nag-text na kasi iyong jowa ko. Gutom na daw. Papakain ko muna ng breakfast para pagkatapos ng breakfast, siya naman ang kakainin ko!” Kinikilig na kumislap ang mata ni Mariposa na para bang ini-imagine nito ang gagawin nito mamaya sa boyfriend nito.

“Ano ba `yan?! Ang balahura naman! Eww!” arte ni Susan.

“Makaarte ka naman diyan! Palibhasa, virgin ka pa! Magsasara na iyang keps mo kasi walang pumapasok!”

“May papasok na dito. Malapit na! Kapag nakahanap ako ng date sa Tinder!”

“Wishing you luck! Bye na nga at napapasarap pa ang kwento natin. Bye, Susan! `Yong pustahan natin, ha. Kapag ako ang nanalo, alam mo na!” ani Mariposa habang kumakaway ito at naglalakad palayo sa kaniya.

“Oo! Mananalo ako doon. Huwag kang feeling! Ingat ka, bakla!” gumanti siya ng kaway sa kaibigan at nang mawala na ito sa paningin niya ay saka lang siya pumasok ulit sa loob ng bahay.

Siniguro niyang naka-lock ang gate. Kahit umaga ay kailangan pa rin nilang mag-ingat dahil hindi naman nila alam kung kailan darating ang panganib o aksidente.

Pagpasok ni Susan sa loob ng bahay ay nanood siya ng TV para mawala sa utak niya iyong imahe ng lalaking pinatay sa sementeryo. Baka kasi hanggang sa pagtulog niya ay maisip niya pa rin iyon at mapanaginipan pa niya.

Panay ang lipat niya ng channel dahil walang palabas ang makakuha ng kaniyang interes. Sana pala ay nagbantay na lang siya sa internet shop ngayon para naman abala ang utak at katawan niya. Pero nakakahiya naman doon sa taong binayaran ng tita niya na magbabantay pansamantala kung papasok siya ngayon.

Tinatamad na humiga si Susan sa sofa at napabuga ng hangin. Tumagilid siya at nakita niya ang kaniyang cellphone na nakapatong sa center table. Mukhang iyon na lang ang bagay na pwede niyang paglibangan sa mga oras na ito.

Pero dahil tinatamad siyang tumayo ay ginamit na lang niya ang kaniyang paa para kunin ang cellphone. Medyo nahirapan siya pero hindi siya sumuko hanggang sa maipit na niya ang cellphone sa daliri sa isang paa. Kinuha na niya iyon at binuksan.

Naisipan niya agad na i-open ang kaniyang Tinder. Maghahanap na lang siya ng ka-match niya doon para may ka-date na siya sa darating na Valentine’s Day. Determinado talaga siyang manalo sa pustahan nila ni Mariposa. Hindi lang dahil sa pera kundi para na rin may lalaki siyang makilala na pwede niyang maging boyfriend. Naiinggit na rin kasi siya talaga kay Mariposa. Kahit bakla ito at hindi naman maganda ay tinalo pa siya. Kaya kung kaya ng isang gaya ni Mariposa ang magkaroon ng boyfriend, dapat ay kaya niya rin!

Nais na rin niyang maramdaman kung ano ba ang pakiramdam ng may boyfriend. Gusto na niyang makipagpuyatan dahil magkatext o magkausap kayo sa cellphone. Iyong magce-celebrate na rin siya ng anniversary, monthsary, weeksary, daysary o kahit hoursary pa iyan at lahat ng -sary! At siyempre, gaya ng sabi ni Mariposa kanina, ayaw din naman niyang mamatay ng virgin kaya gusto niyang maranasan ang mawasak ng isang lalaki. Iyong wasak na wasak! Tipong hindi siya makakalakad ng isang linggo tapos nakabukaka lang siya kapag naglalakad. Ganoon ang gusto niya!

At ang lahat ng iyon ay mararanasan niya kung makakahanap siya ng jowa sa Tinder. Ang naturang application na lang talaga ang pag-asa niya sa ngayon. Hindi naman kasi siya sanay makipag-usap ng personal sa mga lalaki. Mas malakas ang loob niya kapag online muna.

Napakunot ang noo ni Susan nang may makita siyang maliit na kulay pulang bilog sa icon ng inbox sa kaniyang Tinder. Ibig sabihin kasi niyon ay may naka-match siya o kaya ay may nag-message sa kaniya. Matutuwa na sana siya pero bigla niyang naisip na swi-nipe right nga pala lahat ni Mariposa iyong mga lalaki kaya malamang ay may makaka-match siya. Pero okay na rin iyon. Sa tagal niya na nag-ti-tTinder ay ngayon lang siya may naka-match. Sa sobrang pili niya kasi ay pala niyang sina-swipe left ang mga naroon. Ang hiling na lang niya, magustuhan niya sana ang mga naka-match niya.

Napataas ang kilay ni Susan nang may tatlo pala siyang naka-match. Iyong isa ay nag-message sa kaniya. Nag-hello lang naman. Tiningnan niya ang profile. Vergel ang pangalan at thirty years old na. Iyon nga lang isa lang ang picture nito tapos mata lang ang kita niya.

“Ano naman ang gagawin ko sa mata mo?” inis niyang tanong sabay tirik ng mata.

Nawalan na siya ng gana dito. Baka kasi hindi niya gusto ang hitsura nito kaya hindi na lang niya rereplyan. O baka ubod ng pangit kaya mata lang ang kayang ipakita!

Tiningnan na lang niya iyong dalawa pang naka-match niya na lalaki na hindi naman siya minessage. Medyo naiinis lang din siya sa dalawang iyon. Naka-match na nga siya hindi man lang naunang mag-message sa kaniya kahit hi or hello. Mga ibang lalaki talaga ngayon, parang babae na rin. Gusto ay babae na ang mauunang mag-approach!

Inuna niya iyong may pangalan na Ramon. Ka-edad niya lang. twenty seven din. Moreno si Ramon at mukhang batak ang katawan sa gym. Puro sa beach ang picture nito. Average looking kaya pwede na para kay Susan.

            Chinat na niya ito…

            Susan: Hello po.

            Habang naghihintay ng reply dahil baka hindi pa online iyong si Ramon ay iyong isa naman ang tiningnan niya ang profile. James naman ang pangalan at twenty nine years old na. Maputi, gwapo at maganda ang katawan. Mukhang mayaman dahil nakasuot ng amerikana. Parang CEO sa isang malaking company. Sa tatlong naka-match niya ay ito ang pinaka gusto niya. Kaya naman nanginginig ang mga daliri niya sa pagtipa ng mensahe para kay James.

            Susan: Hello. Kumusta ka na? Kumain ka na ba? Ang gwapo mo naman po, koya!

            Sa sobrang excite niya ay napahaba ang message niya para kay James.

            Ngayon pa lang ay kinikilig na siya kung sakaling mag-reply si James sa kaniya. Malakas kasi ang pakiramdam niya na ito na talaga ang magiging ka-date niya sa Valentine’s. Kahit saan siguro siya dalhin nito ay sasama siya.

            Upang hindi masyadong kabahan ay nagtingin-tingin muna siya sa mga piliin ng lalaki. Hanggang sa hindi nga nagtagal ay nagkaroon na naman ng kulay pulang bilog iyong icon ng kaniyang inbox. Kinakabahan na tiningnan niya ang kaniyang inbox at nawala ang excitement niya nang hindi si James ang nagreply kundi si Ramon.

            Ramon: Hello. Kumusta?

            Siguro naman ay okay lang na makipag-chat muna siya kay Ramon habang wala pang reply si James. Pampalipas lang naman ng oras.

            Susan: Okay lang naman ako. Ikaw ba?

            Ramon: `Eto, nililibugan sa’yo. Malaki ba dede mo?

            Susan: Bastos ka!

            Ramon: E, `yang pekpek mo? Matambok ba? Masikip pa ba iyan?

            Hindi na gusto ni Susan ang mga sini-send na mensahe ni Ramon sa kaniya. Napaka manyak naman pala nito. Mukhang mahilig sa sex! Oo, gusto niyang maranasan ang makipag-sex pero hindi naman sa katulad ni Ramon na parang hayok na hayok sa bagay na iyon. Baka puro ganoon na lang ang gawin nila kapag ito ang pinili niyang ka-date. Kaya naman nanginginig pa ang mga daliri ay agad niyang hinanap ang block button at bli-nock niya si Ramon para hindi na siya maperwisyo nito!

            “Iyan ang dapat sa iyo. Manyak!” turan pa niya pagka-block dito.

            Muntik na niyang mabitawan ang kaniyang cellphone nang biglang mag-message si James sa kaniya. Nagmamadali niyang in-open ang chat box nila para replyan ito.

            James: Hi…

            Susan: Salamat naman at nag-reply ka. Alam mo, feeling ko kasi ikaw na ang matagal kong hinihintay na magiging unang jowa ko!

            Pagka-send niya ng mensaheng iyon ay biglang nawala ang chat box nila ni James. Napunta siya sa kaniyang inbox at nagtaka siya dahil wala na roon ang mensahe nila ni James. Wala na rin ito sa listahan ng mga naka-match niya.

            “Anong nangyari? Bakit nawala usapan namin?” Nagtataka niyang tanong sa sarili. ‘May napindot ba ako o ano?”

            Isang tao lang ang agad na pumasok sa isip niya na makakasagot sa katanungan niya. Walang iba kundi si Mariposa. Agad niya itong tinawagan sa number nito at sinabi niya ang nangyari sa pakikipag-chat niya kay James.

            “Naku, Susan. Dalawang bagay lang naman ang pwedeng nangyari kaya nawala si James sa list ng matches mo. Blinock ka niya o kaya ay in-unmatch ka niya!” tumatawang sagot ni Mariposa.

            “Block? Unmatch? Bakit naman niya ako iba-block o i-a-unmatch?”

            “Baka hindi ka niya bet.”

            “Hindi bet? E, nagreply kaya siya sa message ko.”

            “Baka saka lang niya nakita iyong ibang pictures mo sa Tinder mo. May mga ganoon kasi. Kapag nakita iyong unang picture, like ka. Pero kapag nakita na niya iyong iba mong picture, mare-realize nila na hindi ka pala nila type!”

            Labis na nalungkot si Susan sa sinabi ni Mariposa. Baka nga ganoon ang nangyari. Iyong una niya kasing picture ay makinis siya doon dahil over sa brightness at filter. Iyong mga sumunod ay wala nang filter.

            “Siguro, dapat ay lagyan ko na lahat ng filter ng pictures ko sa Tinder…” saad niya.

            “Ay, no, no, no! Don’t! hayaan mong magustuhan ka ng mga boys sa iyong natural look! Kesa naman puro filter ka nga tapos kapag nakita ka sa personal, hindi ka na niya makilala! Gumaya ka sa akin. My motto is, no filter is life!”

            “Hmp! Iniisip ko lang naman na manalo sa pustahan natin.”

            Tumawa si Mariposa. “Well, maghanap ka lang diyan ng boys sa Tinder, girl! Good luck! Big good luck talaga sa iyo!” anito at pinutol na nito ang tawag na iyon.

            Nanlulumong napasandal na lang si Susan sa sofa habang nakatingin sa kaniyang account sa Tinder. Isang lalaki na lang ang nasa listahan ng mga naka-match niya tapos hindi pa niya gusto dahil sa mata lang nasa picture nito.

            “Haaay!!! Matatalo na nga yata ako sa pustahan namin ng mabantot na baklang si Mariposa!” tila nawawalan na ng pag-asa na sigaw niya.

Sunday, October 4, 2020

V-DAY 02

 

CHAPTER TWO



       SWIPE left… Swipe left… Swipe left…

            Mabigat na ang talukap ng mga mata ni Susan. Halos duling na siya sa sobrang antok kaka-swipe left sa mga pictures na nakikita niya sa Tinder. Wala pa ring pumupukaw sa kaniyang atensiyon sa mga lalaking kaniyang nakikita. Kahit ang dami nang gwapo ay wala pa rin talaga siyang natitipuhan. Hindi naman siya iyong uri ng babae na basta gwapo ay type na agad.

            Hinahanap niya iyong unang kita pa lang niya, kahit sa picture lang ay tatalon na agad ang puso niya. Iyong mahuhuli agad nito ang kaniyang mata. `Yong ganoong level!

            Hindi na talaga kayang paglabanan ni Susan ang antok. Kaya naman hinayaan na lang niyang pumikit ang kaniyang mga mata. Nakatulog siya na hawak ang kaniyang cellphone.

 

            ISANG kamay ang tumakip sa bibig ni Susan na ikinagulat niya. Sino ba naman ang hindi magugulat na habang natutulog ay may kamay na lang natatakip sa bibig mo. Sa laki ng kamay ay halos sinakop na iyon pati ang kaniyang ilong. Nanlaki ang mata niya dahil sa takot.

            “Anak, ako ito…” Agad din na naglaho ang takot niya nang malaman niyang nanay niya iyon base sa boses nito. Madilim kasi sa kwarto nila kaya hindi niya ito nakilala. “Aalisin ko ang kamay ko pero huwag kang maingay, ha?” Halos pabulong na sabi nito sa kaniya.

            Tumango siya at marahang inalis nito ang kamay sa bibig niya.

            Napasimangot ang dalagitang si Susan. “Ang baho naman ng kamay mo, `nay! Amoy tae!” Napadura pa siya sa pandidiri. Ayaw kasing maalis ng amoy na iyon sa dulo ng ilong niya.

            “Ang arte mo talaga! Papatayin na lang tayo, nag-iinarte ka pa!”

            Pabirong binatukan ni Susan ang nanay niya. “Whoo! Ito namang si nanay, masyadong joker! Ano bang papatayin sinasabi ninyo diyan? Ginising niyo lang ba talaga ako para ipaamoy kung gaano kabaho `yang kamay ninyo—”

            “Tumigil ka nga diyan, sabi! Magtago ka! Bilis! O kaya umalis ka na! Tumakas ka na!”

            “`Nay, `yong totoo? Naka-drugs ba kayo?” Hindi niya kasi maintindihan kung bakit nagsasabi ito ng ganoon.

            “Tama na ang satsat!” anito sabay hila sa kaniya patayo.

            Wala nang nagawa si Susan nang dalhin siya nito sa nakabukas na bintana ng kanilang bahay at pilit siya nitong pinalabas doon. Naguguluhan man ay sumunod na lang siya. Umakyat na siya sa bintana at lumabas ng kanilang bahay sa pamamagitan niyon.

            Laking gulat niya nang isarado iyon ng nanay niya. Pinapalayas na ba siya nito? Wala naman siyang matandaan na nagawa niyang kasalanan para palayasin siya. Isa pa, mag-isa na nga lang siyang anak ng mga ito tapos papalayasin pa siya? Medyo matanda na kasi ang mga magulang niya nang mabuo siya kaya hindi na siya nagawa pang sundan.

            Aba, kung pinapalayas man siya ng mga ito ay hindi naman siya papayag na hindi malaman ang dahilan. Kailangan nilang mag-usap.

            Hindi pa man siya nakakalayo sa may bintana ay nakarinig na siya ng sigawan sa loob ng kanilang bahay. Nagmamadali siyang bumalik sa bintana at sumilip sa maliit na siwang. At ganoon na lang ang kilabot at takot na naramdaman niya sa kaniyang nakita sa loob ng kwartong kaniyang pinanggalingan.

            Nakaluhod ang nanay at tatay niya sa harapan ng tatlong lalaki. Ang isa ay may dalang itak habang iyong nasa gitna at katabi nito sa kaliwa ay baril.

            “Matigas talaga kayo! Ayaw niyo pang ipagbenta ang lupa ninyo sa amo namin!” sigaw ng lalaking nasa gitna.

            “Ito na lang ang meron kami kaya hindi namin ito ibebenta!” matapang na sigaw ng tatayi ni Susan. Matalim ang tingin nito sa tatlong lalaki.

            “Maawa kayo! Huwag niyo kaming sasaktan!” umiiyak namang pakiusap ng nanay niya.

            “Pare, ang sabi ni boss, kapag ayaw pumayag ay patayin na lang natin,” ani ng nasa kanan ng nasa gitnang lalaki.

            “Okay. Madali naman akong kausap!” At walang babala na tinagpas ng lalaking nasa gitna ang leeg ng tatay niya.

            Sa muling pag-angat ng itak ng lalaki ay sa dibdib naman ng nanay niya iyon sunod na tumarak. Walang awang pinagtataga ng dalawa ang mga magulang niya.

            Muntik nang mapasigaw si Susan kaya naman agad niyang tinakpan ang bibig gamit ang mga kamay. Hindi siya pwedeng makita ng mga lalaking iyon dahil sasapitin din niya ang kalunos-lunos na nangyari sa mga magulang niya. Ang tanging nagawa na lang niya ay ang tahimik na umiyak.

            Gustuhin man niyang tulungan ang nanay at tatay niya ay wala din naman siyang magagawa. Mag-isa lang siya, tatlo ang mga ito.

            Sa takot na baka makita siya ng tatlong lalaki ay inisip niyang dapat umalis na siya doon. Kaya tahimik siyang naglakad palayo sa kanilang bahay kahit labag sa kalooban niya na iwanan ang mga magulang sa ganoong sitwasyon. Nang malayo na siya ay saka siya tumakbo. Dumaan siya sa maputik na palayan hanggang sa makarating na siya sa kabahayan na malayo sa kanilang bahay…

 

            MALALALIM at sunud-sunod ang paghinga ni Susan nang magising siya mula sa masamang panaginip na iyon. Ah, hindi pala iyon panaginip. Totoo iyong nangyari ilang taon na ang nakakalipas. Iyon ang pinaka masakit na parte ng kaniyang nakaraan—ang masaksihan ng kaniyang sariling mga mata ang pagpatay sa kaniyang nanay at tatay.

            Sa buwan ng Pebrero, bago ang Valentine’s Day rin pinatay ang mga magulang niya kaya naman naaalala niya ang mga ito kapag ganitong nalalapit na ang Araw Ng Mga Puso. Ganitong buwan din niya napapanaginipan ng madalas ang nangyaring kurumal-dumal sa mga ito. Hula niya ay nagpapadalaw ang dalawa sa sementeryo.

            Bumaba ng higaan niya si Susan at bumaba sa kusina para uminom ng tubig. Nagtimpla siya ng gatas dahil nawala ang antok niya. Bumalik siya sa kwarto na dala ang mainit-init na isang baso ng gatas. Umupo siya sa gilid ng kama at inumpisahan iyong inumin.

            Inabot niya ang cellphone para libangin ang sarili. Baka sakaling malimutan niya kahit sandali ang napanaginipan niya gamit ang bagay na iyon.

            Sa pagtingin niya sa cellphone ay nalaman niya na ilang minuto pa lang ang nakakalipas matapos ang alas dose ng hatinggabi. Kaunting oras lang pala ang naitulog niya.

            Tumingin siya sa kaniyang paligid. “Nanay, tatay, bakit niyo naman ako ginising ng ganito kaaga? Oo na, dadalawin ko kayo bukas…” aniya na para bang naririnig talaga siya ng mga ito.

            Inubos na niya ang gatas at saka bumalik sa kusina. Hinugasan na niya agad iyon at baka ipisin pa kung papabayaan lang niya sa lababo. Habang sinasabon niya ang baso ay naisipan niyang dapat ay agahan niya ang pagpunta sa sementeryo dahil alas-otso siya nagbubukas ng internet shop.

            Pagkatapos niyang hugasan ang baso ay inilagay na niya iyon sa dish dispenser. Akmang paalis na siya sa kusina nang mapahinto siya dahil isang bagay ang kaniyang nakita…

 

            KAUNTING oras lang ang naitulog ni Susan matapos niyang magising. Nag-alarm kasi siya ng ala-singko ng umaga upang maaga niyang mapuntahan sa sementeryo ang mga magulang niya. Baka kasi hindi siya patahimikin ng mga ito sa panaginip kapag hindi pa siya pumunta doon agad-agad. Dumaan rin muna siya sa bahay ng tita niya. May tanim kasing santan sa harapan ng bahay nito. Pumitas siya ng ilang para ialay sa mga magulang niya. May dala na rin siyang dalawang kandila at posporo. Meron naman niyon sa bahay na kaniyang binabantayan.

            Hindi naman ganoon kalayo ang sementeryo sa bahay na binabantayan niya kaya naglakad lang siya. Wala pang sampung minuto ay narating na niya ang pupuntahan. Medyo madilim pa at bahagya pa lang na nakasilip ang araw. Walang katakot-takot siyang pumasok sa sementeryo. Hindi naman kasi siya matatakutin na tao.

            Sinabi rin kasi sa kaniya ng tatay niya noong buhay pa ito na mas dapat siyang matakot sa buhay kesa sa patay. E, puro patay na naman nandito sa sementeryo kaya wala siyang dapat ikatakot. Tama rin naman ang tatay niya, napagtanto niya. Buhay na tao nga pala ang pumatay dito at sa nanay niya.

            Luma na ang sementeryong pinaglibingan sa mga magulang niya. Basag na ang ibang nitso at nilulumot na. Mataas na rin ang mga damo sa ilang bahagi niyon. Sa may padulo pa ang nitso ng mga magulang niya kaya nahirapan siyang puntahan iyon. Dikit-dikit na kasi ang mga nitso doon kaya kailangan niyang tumuntong sa mga iyon kapag wala na siyang madaanan. Nae-e-excuse naman siya kaya sa tingin niya ay ayos lang iyon.

            Sa wakas ay narating na niya ang nitso ng nanay at tatay niya. Medyo malapad iyon dahil ipinagsama na lang sa iisang nitso ang kabaong ng dalawa. Wala kasi siyang budget. Nagpapasalamat na lang talaga siya dahil tinulungan siya ng tita niya para maipalibing ng maayos ang dalawa.

            Pagkalagay ni Susan ng bulaklak sa tapat ng nitso ng nanay at tatay niya ay may napansin siyang tila kulay pulang likido sa likuran ng nitso. Ipinagkibit-balikat lang niya iyon dahil baka natunaw lang na kandila tapos kulay pula. May nitso din kasi sa likuran ng nitso ng mga magulang niya. Baka dumalaw iyong pamilya o kakilala ng nakalibing doon.

            Pero ang weird lang dahil kulay pula ang kandila.

            “Sabagay, malapit na ang Valentines,” turan na lang niya.

            Inilagay na niya ang kandila at sinindihan iyon. Nag-sign of the cross na siya at inumpisahan nang kausapin ang mga magulang. “Nanay, tatay, kumusta naman kayo diyan? Hanggang ngayon, hindi ko pa rin alam kung nasa heaven o hell ba kayong dalawa. Pero sana nasa heaven kayo… Kung ako naman ay hindi ako okay. Paano ba naman ay ginambala niyo na naman ako sa panaginip ko! Hindi niyo na naman po iyon kailangang gawin. Matik na naman na kapag February ay dinadalaw ko kayong dalawa dito dahil ito ang buwan kung kailan niyo ako iniwan…” Huminto siya saglit upang punasan ang luhang nagbabadyang kumawala sa kaniyang dalawang mata. Bumalik na naman kasi sa alaala niya kung paano pinatay ng tatlong lalaki ang mga ito.

            “Ang tagal niyo na po palang wala pero… kinakaya ko naman po. `Andiyan naman po si tita. Tinutulungan naman po niya ako kahit paano,” pagpapatuloy ni Susan.

            Matapos ang pagdadasal ay umupo muna siya saglit sa tapat ng nitso ng mga magulang niya. Nakatitig lang siya doon. Ganoon lang ang ginawa niya ng ilang minuto. Nang maramdam ng pagkangalay ay tumayo na siya.

            “Nanay, tatay, aalis na ako, ha. Papasok na kasi ako sa trabaho.” Bahagyang nagliliwanag na ang paligid. “Babalik na lang po ulit ako. Promise!”

            Pagharap niya sa likuran ay malakas siyang napasigaw dahil may nakita siyang nakakatakot na nilalang na nakatayo doon. “Putang ina! Aswaaang!!!” tili ni Susan. Susuntukin niya sana ang nasa harapan nang bigla itong magsalita.

            “Wow! Hiyang-hiya naman ako! Maka-aswang sa akin, ha!”

            Nawala ang takot ni Susan nang mapagtanto niya na si Mariposa lang pala iyon. Paano ay medyo madilim pa kaya hindi niya ito nakilala agad. Tapos bigla na lang itong sumulpot sa likuran niya nang hindi man lang niya nararamdaman.

            Naiinis na hinampas niya sa balikat ang baklang kaibigan. “Akala ko kung sino na! Saka parang aswang ka naman talaga! Hindi ko man lang naramdaman na nandiyan ka na. Bakit ka ba nandito? May dinadalaw ka rin ba?” Napahawak siya sa dibdib dahil ang lakas ng kabog ng puso niya.

            “Kasalanan ko bang nagjo-jogging ako para mas sumexy ako tapos nakita kita? Sinundan kita dito at nang na-sight kong tapos ka nang mag-moment ay saka ako lumapit!”

            “Sa susunod, humuni ka naman para alam ko na paparating ka,” biro niya sa kaibigan.

            “Ano ako, tiktik?! Grabe ka talaga sa akin, Susan! Atleast, ako may date na sa Valentine’s Day. E, ikaw ba? Wala!” At malakas itong tumawa na akala mo ay nanalo na ito sa pustahan nila.

            “Confident na confident ka rin naman talaga na mananalo ka, `no?” Inilabas niya ang cellphone niya at ipinakita dito ang application na Tinder. “Magdamag akong nagganito. Malakas talaga ang kutob ko na dito ako makakakita ng date—” Biglang inagaw sa kaniya ni Mariposa ang cellphone niya at lumayo ito sa kaniya ng ilang dipa. “Hoy, bakla ka! Akin na iyan!”

            Alam niyang tinitingnan nito ang Tinder account niya. “Ano ba naman ito, Susan?! Paano ka magkakaroon ng date sa 14, e, kahit isa wala ka pang nakaka-match! Ganito kasi iyan dapat! Swipe right! Swipe right! Swipe right!” Nakita niya sa kilos ng daliri nito na puro swipe right nga ang ginagawa nito.

            “Hoy! `Wag mong i-swipe right lahat! Bwisit ka talaga!”

            “`Ayan! May naka-match ka na! Isa nga lang! Kung magpapaka-choosy ka, hindi ka talaga mananalo sa pustahan natin!” At patuloy pa rin ito sa pag-swipe right.

            “Itigil mo yan, sabi!” Malalaki ang hakbang na nilapitan niya si Mariposa para agawin dito ang cellphone niya. Pero nang aabutin na niya ang kamay nito ay bigla nitong itinapon sa kung saan ang kaniyang cellphone.

            “Oopsie! Hindi ko sinasadya. Sorry—”

            “Ang aga mo talagang manira ng araw, Mariposa!”

            Nakita niya ang cellphone niya doon sa likurang bahagi ng nitso ng kaniyang mga magulang. Malapit ito doon sa parang kulay pulang kandila na natunaw.

            Akmang maglalakad na siya para kunin ang cellphone nang pigilan siya ni Mariposa. “Wait. Ako na ang kukuha. Baka sabihin mo naman ay bad friend ako! Sorry na kasi!” At malaki itong ngumiti sa kaniya bago ito pumunta sa kinaroroonan ng kaniyang cellphone.

            “Kapag talaga iyan nasira, papalitan mo iyan, Mariposa!” Naiinis pa rin niyang sabi.

            “Papalitan agad? Hindi ba pwedeng ipapaayos na lang—”

            Tila natigilan si Mariposa nang makapunta na ito sa likuran ng nitso ng mga magulang niya. Napansin niya na nakatulala ito at nanlalaki ang mata na para bang may nakita itong nakakatakot.

            “Bakla, anong nangyari sa iyo diyan?” Nagtataka at natatawang tanong niya. Nakakatawa kasi ang reaksyon ng mukha nito.

            Nagulat si Susan nang bigla na lang sumigaw si Mariposa. Sa tingin niya ay hindi ito nagbibiro kaya nakaramdam na rin siya ng kaba. Nagmamadali siyang lumapit sa kaibigan at pati siya ay napasigaw na rin nang makita niya ang dahilan ng pagsigaw nito.

May isang bangkay ng lalaki sa likod ng nitso ng mga magulang niya! Wakwak ang dibdib nito at wala na ang puso. Ang pulang likido na inakala niyang natunaw na kandila ay dugo pala nito. Sariwa pa iyon kaya nahinuha niyang kakapatay pa lang sa naturang lalaki.

Sa sobrang takot nilang dalawa ay nagsisigaw na lang sila. Nang makita niyang manghihimatay si Mariposa ay malakas niya itong sinampal. Nagising naman ito agad bago pa mawalan ng malay. Takot na takot na parang hinahabol ng killer na nagtatakbo silang dalawa palabas ng sementeryo!

 

AGAD na sinabi nina Susan at Mariposa sa mga tao ang nakita nilang patay na lalaki sa sementeryo. Tumawag naman ng mga pulis ang kabaranggay nila upang i-report ang patay na lalaki. Hindi nga nagtagal ay napuno na ng nag-usyuso ang sementeryo habang nag-iimbestiga ang mga pulis.

Halos hindi naman sila makausap ni Mariposa dahil hanggang ngayon ay nanginginig pa rin sila sa takot. Wala ngang nakuhang matinong sagot ang mga pulis sa kanilang dalawa nang tinatanong sila. Sila kasi ang tinanong dahil sila ang nakakita.

“Umaatake na naman si Heart Snatcher Killer! Pebrero na naman, e!” Palatak ng isang pulis.

Sa tingin ni Susan ay ang naturang killer ang pumatay sa lalaki. Ganoon kasi ang uri ng pagpatay nito. Tinatadtad ng saksak ang biktima tapos wawakwakin ang dibdib para kunin ang puso.

Umugong ang bulungan ng mga tao nang marinig ng mga ito ang sinabi ng pulis.

“Sino kaya si Heart Snatcher Killer, `no?” tanong ng isang payat na babae sa matabang babae na katabi nito.

“Ang sabi, aswang daw iyan. Ginagawang kuwintas iyong mga puso na kinukuha niya!” sagot ng matabang babae sa payat na babae.

“Hoy, hindi kaya!” singit naman ng isang lalaking maitim. “Na-broken hearted iyan kasi na-seenzoned ng crush niya. Kaya nagalit sa mundo. `Ayon, pumapatay na lang ng tao! Bitter iyan sa Valentine’s Day kaya tuwing February pumapatay.”

“Na-seenzoned lang, naging killer na? Ang babaw naman no’n!” pakli ng matabang babae.

“Aling Badang, ganoon na talaga ang mga millennium ngayon,” katwiran pa ng maitim na lalaki.

“Anong millenium? Baka millenials!” Pagtatama ng payat ng babae.

“Sa amin, millenium ang tawag, e. Nangingialam ka diyan? Saka magkatunog naman!”

Nilapitan ni Susan ang isa sa mga pulis upang itanong dito kung pwede na silang umuwi ni Mariposa. Pwede na naman daw dahil wala naman daw silang matinong sagot. Wala naman daw mapapala sa kanila. Kaya inaya na niya si Mariposa na umuwi na.

“Doon muna ako sa bahay ninyo, Susan. `Di ko talaga keri iyong nakita nating patay!” takot na turan ni Mariposa.

Pumayag naman siya pero bago siya umuwi sa binabantayang bahay ay dumaan muna siya sa bahay ng tita niya. Nagpaalam siya dito na baka bukas na lang siya magbabantay sa internet shop. Kahit bawasan na lang ang sahod niya. Mabuti na lang at pumayag ito. Sa palagay niya kasi ay hindi rin siya makakapag-concentrate sa pagtatrabaho. Kailangan muna niyang alisin sa isip niya iyong hitsura ng pinatay sa sementeryo.

Pagdating niya sa binabantayang bahay ay umupo agad sila sa sofa ni Mariposa. Nakatulala lang sila at walang imikan.

“Susan, painom ako, ha. Nauuhaw ako, e,” ani Mariposa sabay tayo.

“O, saan ka pupunta?”

“Ah, iinom ako, `di ba? Siguro sa banyo? Baka mas masarap ang lasa ng tubig sa inidoro, e. Tubol flavor!” pilosopong sagot ng bakla. “Malamang sa kusina. Nandoon ang ref, `di ba?”

“Ako na! Diyan ka na lang!” aniya kay Mariposa at siya na ang pumunta sa kusina para kumuha ng tubig para dito.

Binuksan niya ang ref at kinuha ang isang pitsel. Kumuha na rin siya ng dalawang baso at nagsalin siya ng tubig doon. Saka siya bumalik sa salas. Inabot niya kay Mariposa ang isang baso at sabay nilang ininom iyon.

“Nakakatakot na talaga ang February sa lugar natin, `no? Hangga’t hindi nahuhuli ang killer na iyon, hindi mawawala ang bad vibes feels ko sa month na ito. Parang hindi mag-a-araw ng mga puso!” pakli ni Mariposa matapos nitong uminom.

“Sinabi mo pa! Kaya dapat marunong tayo ng self-defense! Dapat kaya nating protektahan ang ating mga sarili kahit na babae tayo,” napangiwi siya. “Ah, e… ako lang pala. Bakla ka pala.”

“Hay naku! Protektahan nga ang puso ko sa taong nanakit nito hindi ko kaya, sa killer pa kaya na iyan? Afraid much na talaga ako!” Maarteng sabi ni Mariposa na akala mo ay isa itong babae talaga.

“Ang arte mong bakla ka!” naiiritang sambit ni Susan.

Monday, September 28, 2020

V-DAY 01

 

V-DAY

written by Soju


Genre: Thriller, Horror



CHAPTER ONE



SWIPE left. Swipe left… Swipe left.

            Halos isang oras na ang ginugugol ni Susan sa dating application sa kaniyang cellphone na kung tawagin ay Tinder. Kahapon niya lang dinownload sa Playstore ang naturang aplikasyon para gamitin sa pagpatay ng oras kapag ganitong walang masyadong tao sa internet shop na kaniyang binabantayan. Sa tiyahin niya ang internet shop at dahil sa naghahanap siya noon ng trabaho nang maulilang lubos siya ay nag-offer ito na siya na lang ang magbantay ng shop nito. Hindi na siya nag-inarte dahil sa katulad niyang hindi natapos kahit ang high school ay mahirap talaga ang maghanap ng trabaho. Ayos naman ang sahod kaya tinanggap na rin niya. Isa pa, malapit lang dito ang bahay kung saan siya nakatira. Naglalakad lang siya pauwi. Malaki ang natitipid niya kung ikukumpara sa trabahong malayo.

            Ang bahay naman na kaniyang tinitirahan ay hindi sa kaniya. Naghahanap kasi iyong matandang kapitbahay nila ng tiyahin niya ng magbabantay sa medyo malaking bahay nito. Pupunta na kasi ito ng ibang bansa dahil doon na ito titira. Siya ang ibinigay ng tiyahin niya. Maliit lang kasi ang bahay ng tiyahin niya. Kasama nito doon ang tatlo nitong anak at isang asawa. Kung makikisiksik pa siya sa mga ito ay mistulang sardinas na sila doon.

            Sa bahay ng matanda siya natutulog sa gabi. Sa umaga naman ay pumapasok siya sa shop ng tiyahin niya. Kapag day off niya ay naglilinis siya sa bahay. May suweldo din naman siya sa pagbabantay ng bahay. Iyon nga lang ay hindi ganoon kalaki. Pero ganoon pa man ay nakakapag-ipon pa rin naman siya kahit papaano.

            Nag-iipon siya dahil pangarap niya ang magkaroon ng sariling bahay. Kahit maliit lang basta masasabi niyang sa kaniya. Nais din niya na magtayo ng negosyo. Iyong makakaya siyang mabuhay o kahit makaraos man lang sa araw-araw.

            “Ate, extend pa! One hour!” sigaw ng batang lalaki sa dulo na may nilalarong online games.

            Dinagdagan niya ng isang oras ang ginagamit na computer ng bata gamit ang main computer na kaharap niya. Malapit sa pinto ang puwesto ni Susan para nakikita niya ang lahat ng nasa shop.

            Dalawang tao lang ang naroon bukod sa kaniya. Iyong bata sa dulo at isang babae na hindi kagandahan. Sa babae tumuon ang pansin ni Susan. Tila kilig na kilig kasi ito sa kinakausap nito. Na-curious tuloy siya.

            Umalis siya sandali sa kaniyang puwesto at nagkunwaring may inaayos sa likod ng system unit ng computer na kalapit no’ng babae. Sinilip niya ang monitor ng computer nito at doon ay nalaman niya na meron itong ka-video call na gwapong foreigner.

            “OMG! Oh, really? You coming for me? Oh, yes! My excited is awesome! I am exciting to seeing you, my love! I will waiting shed for you, my love! I love you!” Akala mo ay may kaaway ang naturang babae sa lakas ng boses nito. Hindi naman siguro bingi ang foreigner para lakasan nito ang pagsasalita.

            `Buti pa siya kahit chaka at mali-mali ang English, may jowang gwapo! Naiinggit na bulong ni Susan sa sarili.

            Sa totoo lang, sa edad niya ngayon na bente-siyete ay hindi pa rin niya nararanasan kung paano ang magkaroon ng nobyo. Hindi naman siya pangit, hindi rin naman maganda. Sakto lang. Sadyang hindi lang siguro siya gustuhin kaya kahit minsan ay walang nanliligaw sa kaniya. Nag-aayos naman siya, naliligo araw-araw pero wala pa rin. May kalakihan din naman ang dede niya pero wala pa ring lalaki ang nagpaparamdam na gusto siya. Kasi kung meron ay hindi na nito kailangang manligaw. Susunggaban niya agad ito! Hindi na siya magpapaka-chossy!

            Natatakot din naman siya na baka kapag lumagpas na sa kalendaryo ang edad niya ay mas mahirapan siyang makahanap ng mapapangasawa. Wala naman siyang balak na tumanda. Ngunit kung iyon ang kapalaran niya ay may plano na naman siya. Kaya nga siya nag-iipon para magkaroon ng bahay at negosyo ay upang kapag hindi siya makapag-asawa ay mabubuhay pa rin siya. Mag-aampon na lang siguro siya ng mga aso at pusa kung sakali.

            “What? You will bring me much much money—” Napahinto ang babae sa pagsasalita nang tila maramdaman nitong pinapanood niya ito.

            Bigla itong lumingon sa kaniya. Matalim ang mata nito na ikinagulat niya.

            “Hoy! Nakikinig ka ba sa pinag-uusapan namin ng my loves ko?! You over hearing us! Get away ka nga diyan and just do your jobstreet dot com!”

            “H-hindi! May inaayos lang ako dito. Talk to your jowa na. Go!” Itinuro pa niya ang monitor. Umalis na siya at baka magkagulo pa. Mukhang war freak pa naman iyong babae. Baka magkaroon ng sabunutan at sampalan dito. Mahirap na. Siya na lang ang iiwas.

            Bumalik na lang siya sa puwesto niya at ipinagpatuloy ang pag-ti-Tinder.

            Puro swipe left ang ginagawa niya sa mga picture ng mga lalaking naroon. Kapag swipe left kasi, ibig sabihin ay hindi mo gusto iyong lalaki sa picture. Kapag swipe right naman, gusto mo siya. At kapag ni-swipe right ninyo ang isa’t isa, ang ibig sabihin no’n ay gusto ninyo ang isa’t isa. May super like pa ngang tinatawag. Iyon naman ay kapag gusto mo talaga iyong nasa picture.

            Pero dahil sa wala talaga siyang magustuhan ay panay ang swipe left niya.

            Huminto saglit si Susan sa ginagawa. Ipinahinga muna niya ang daliri sa pagdutdot sa kaniyang cellphone. Hindi sinasadyang napatingin siya sa maliit na kalendaryo. Nakapatong iyon sa kaniyang lamesa. May katabi iyong lumang mug na lalagyan niya ng ballpen at kung anu-anong maliliit na gamit.

            Sa isang date lang nakatuon ang mata ni Susan. Sa February 14. Limang araw na lang pala at Valentine’s Day na. Ang dahilan niya talaga kung bakit naghahanap siya ng lalaking makaka-match sa Tinder ay dahil may pustahan sila ng kaibigan niyang bakla na si Mariposa.

            Ganito ang pustahan nila. Kapag wala siyang date sa Valentine’s Day ay bibigyan niya ito ng isang libong piso at kapag meron naman ay ito ang magbibigay sa kaniya ng ganoong halaga. Nagsimula ang pustahan nila nang tudyuin siya ni Mariposa dahil wala na naman siyang date sa Araw Ng Mga Puso na darating. Samantalang ito ay meron. Nobyo nito iyong tambay na mukhang hindi naliligo sa kanilang lugar. Para namang mauubusan ng lalaki si Mariposa sa parteng iyon. Hindi man lang ito pumili ng maayos-ayos na lalaki. Naniniwala kasi siya na kahit bakla si Mariposa ay nararapat lamang na magkaroon ito ng maayos na kasintahan. Isa pa, malakas ang kutob niya na pineperahan lang ang kaibigan niya ng lalaking iyon. Palaging nangungutang sa kaniya si Mariposa nitong huli. Kapag tinatanong niya, ang palaging sagot ay kailangan ng “baby” nito.

            Sa katulad niya na hindi naman kumikita ng malaki ay malaking halaga na ang isang libong piso. Kaya naman gagawin niya ang lahat para magkaroon ng date sa darating na Valentine’s Day!

 

            ALAS DIYES na ng gabi. Dumating na rin ang oras para isarado na ni Susan ang internet shop ng tiyahin niya. Nakwenta na niya ang kinita ng shop ngayong araw at hindi naman kulang ang pera. Nasa dulo pa rin iyong batang naglalaro.

            “Ate, extend pa! Tatlong oras—”

            “Magsasara na ako. Bumalik ka na lang bukas. Saka umuwi ka na, kanina ka pa diyan, a. Hindi ka ba hinahanap ng nanay mo?”

            “Kahit isang oras na lang, ate. Tapusin ko lang ito,” pilit ng bata.

            “Hindi! Tama na iyan. Umuwi ka na. Gabi na!”

            “Ate naman, e. KJ nito!” Kakamot-kamot sa ulo na tumayo iyong bata sa kinauupuan nito. Hindi na ito nakipagtalo sa kaniya. Umalis na ito.

            “Iisahan mo pa ako, ha. Tatlong oras mo mukha mo. Wala namang bayad OT ko dito, uy—” Biglang natigilan si Susan nang maalala niya na hindi pa pala nagbabayad iyong bata.

Nagmamadali siyang tumakbo sa labas sa pag-asang baka maabutan pa niya iyong bata pero hindi na niya ito nakita pa. “Bwisit iyon, a! Naisahan ako!” siya naman ang napakamot sa ulo.

Tatandaan na lang niya ang pagmumukha ng batang iyon para kapag bumalik ay masingil niya. Pero duda siya na babalik pa ito. Hindi na nga nagbayad, e.

Bumalik si Susan sa loob ng shop. Nilagyan niya ng mga puting tela ang mga computer para hindi iyon magkaroon ng alikabok. Pinatay niya ang lahat ng nakabukas na computer pati na ang aircon.

Handa na siya para umuwi.

Pinatay na niya ang ilaw at isinara ang pinto. Bago tuluyang umalis ay siniguro niyang naka-lock ang pinto ng shop. Hindi niya iyon kinakalimutan dahil uso ang mga magnanakaw sa kanilang lugar.

Wala nang tao na nakatambay sa labas nang naglalakad na si Susan pauwi. Wala naman siyang nararamdamang takot kahit madilim at walang tao sa kaniyang nilalakaran dahil sanay na siya. Limang taon na siya sa lugar na iyon, hindi pa ba siya masasanay?

Nang paliko na siya sa kanto kung saan naroon ang bahay ng tiyahin niya ay may naramdaman siyang kakaiba sa kaniyang likuran. Pakiramdam niya ay may sumusunod sa kaniya. May naririnig siyang tsinelas na kumukuskos sa semento.

Binagalan ni Susan ang paglalakad. Hinigpitan niya ang pagkakahawak sa handbag kung saan nakalagay ang perang kinita ng shop para sa araw na iyon. Palihim niyang inilabas ang maliit na balisong sa kaniyang bulsa. Dala niya palagi ang bagay na iyon para kung sakali na kailangan niyang depensahan ang sarili ay may magagamit siya.

Kung sino ka mang hinayupak ka, kung magnanakaw ka man, hindi ka sasantuhin ng balisong ko! Matapang niyang sabi sa sarili.

Huminto na siya sa paglalakad. Papalapit na sa kaniya ang yabag. Alam niyang nasa likuran na lang niya ang taong sumusunod sa kaniya.

Inihand niya ang kaniyang sarili. Mabilis siyang humarap sa kaniyang likuran at isang tao ang nakita niya doon. Akmang sasaksakin niya ito gamit ang balisong ngunit napasigaw siya sa takot. Paano ay isang tao na puting-puti ang mukha na ang akala niya ay multo ang nakita niya. Pati ito ay napasigaw na rin dahil sa balisong na nakatutok sa mukha nito.

“Susan! Ano ba?! This is me! Mariposa! It’s me!”

“Mariposa?” Pinakatitigan niya ang mukha ng tao.

Bumaba ang mata niya sa katawan nito. Payat, maitim, maitim ang tuhod at nakasuot ng spaghetti strap na damit at maikling short. Dry ang buhok na hanggang balikat.

Tama! Ito nga ang kaibigan niyang si Mariposa!

“Ako nga! The one and only!” Takot pa rin itong nakatingin sa balisong. “Pwede ba, ilayo mo nga ang bagay na iyan. Baka masaksak mo ang mala-dyosa kong mukha! Afraid!!!”

“Ay, sorry!” Ibinaba na niya ang balisong at ibinalik iyon sa bulsa. “Bakit ganiyan ang mukha mo? Para kang multo! Ang puti!”

“Gaga! Face mask ito, `no. Fifteen minutes ko daw ilagay sa mukha ko bago alisin.”

“Para saan naman iyan? Bakla ka! Mukha kang tanga!”

“Pampaganda lalo. Naghahanda na rin ako sa date namin ng baby ko sa Valentine’s! Speaking of Valentine’s… ano na? May nahanap ka na bang ka-date?” Umiling siya bilang pagsagot. Malakas na tumawa si Mariposa na akala mo ay kinikiliti ang singit. “Alam mo, Susan, kung ako sa’yo, gagamit din ako ng face mask na ginagamit ko. Pampa-pres! Baka sakaling magkaroon ka kahit one percent na chance na manalo sa pustahan natin!” Muli itong tumawa ng malakas.

Nagtahulan tuloy ang mga aso dahil sa tawa ni Mariposa.

“`Wag kang masyadong kampante, bakla! Malalagasan ka talaga ng isang libo sa February 14!”

“Wow! Confident! Paano naman mangyayari iyon, e, wala ka pa ngang nahahanap na ka-date? Five days na lang kaya. Kaya mo pa ba?”

“Oo naman, `no! Nag-ti-Tinder na kaya ako! Doon ako naghahanap.”

“Well, good luck na lang sa iyom girl. Kung matalo ka naman at wala kang ka-date sa Valentine’s Day, pwede ka namang sumama sa amin ng baby ko para third wheel ka namin. Keri?”

“Hindi iyang mangyayari. Makakahanap ako ng ka-date bago ang 14!” giit niya. “Teka nga, bakit ba sinusundan mo ako? May kailangan ka ba?”

Maarteng itinirik ni Mariposa ang mata nito sabay pilantik ng mga daliri. “OA? Wala, `no. Nagkataon lang na lumabas ako ng house ko at nagpapabili ng siopao iyong baby ko. Nagugutom. Kawawa naman. E, nakita kita. Kaya nilapitan kita. Ikaw naman itong akala mo ay magagahasa at may pagtutok pa ng balisong! Katakot ka, girl! Kaya siguro walang lalaking naglalakas-loob na ligawan ko dahil sa may baon kang balisong!” iiling-iling na sabi ni Mariposa.

“Ang dami mong sinasabi! Diyan ka na nga. Kailangan ko nang umuwi at isusulit ko pa itong kita ng shop kay tita.” Matapos magpaalam kay Mariposa ay muli na siyang naglakad pauwi sa bahay ng kaniyang tiyahin.

Pagpihit niya ng door knob ng pinto ng bahay ng tiyahin niya ay nagtaka siya nang naka-lock iyon. Madalas naman kasi ay nakabukas iyon kaya nakakapasok siya agad. Kaya kumatok muna siya bago siya pinagbuksan ng kaniyang tita.

“Bakit naka-lock, tita?” tanong dito ni Susan. “`Eto na po pala iyong kinita ngayon. Two thousand three hundred po lahat.” Inabot niya dito ang handbag.

Umupo sila sa sofa ng magkatabi. Nakita niyang natutulog na sa likod ng sofa ang mga anak nito. Ang asawa naman ng tita niya ay wala pa. Mamaya pa ito uuwi galing ng trabaho.

“Nag-iingat lang. Nabuhay na naman iyong Heart Snatcher Killer noong nakaraang linggo, a. Isang babae at isang lalaki agad ang nabiktima. Papalapit na naman kasi ang Valentine’s Day kaya umaatake na naman ang killer na iyon,” sagot ng tita niya habang binibilang nito ang pera.

Natatandaan ni Susan ang sinasabing killer ng tita niya. Halos apat na taon na rin na nagbibigay ng takot ang naturang seriel killer sa lugar na malapit sa kanila dahil tuwing malapit na ang Araw Ng Mga Puso ay umaatake ito. Pagkatapos naman ng araw na iyon ay parang bula na itong nawawala. Babalik na lang kapag Pebrero na ulit.

Babae, lalaki, magkasintahan o mag-asawa ay binibiktima nito. Wala itong sini-sino. At ang nakakatakot pa sa ginagawa nito, matapos nitong patayin ang biktima nito ay winawakwak nito ang dibdib at kinukuha ang puso. Kaya naman lahat ng biktima nito ay wala nang puso kapag natatagpuan. Doon nanggaling ang bansag dito na Heart Snatcher Killer.

Kahit na apat na taon na simula ang unang biktima ng Heart Snatcher Killer, hanggang ngayon ay wala pa ring lead ang mga pulis kung sino ba ang nasa likod ng naturang serial killer.

Ikinibit lang ni Susan ang balikat. “Huwag kayong mag-alala, hindi naman kayo mabibiktima ng serial killer na iyon,” balewalang sabi niya.

“Mabuti na ang nag-iingat, Susan. Kaya ikaw, mag-ingat ka rin. Bago ka matulog ay siguraduhin mong naka-lock lahat ng pinto at bintana sa bahay sa kabila. Ang kapal pa naman ng dingding ng bahay ng matandang iyon kaya kahit sumigaw ka kapag nasa loob ay walang makakarinig sa iyo. Hindi ka namin maririnig kapag hihingi ka ng tulong.”

“Ang paranoid niyo naman, tita. Hindi makakapasok ang killer na iyon sa bahay. Saka palagi ko namang ini-lo-lock ang pinto at bintana bago ako matulog. Hindi ko iyon nakakalimutan.”

“Mabuti naman kung ganoon. Okay na itong pera. Kumpleto. Teka, sweldo mo na pala sa fifteen, `no? Gusto mo bang mag-advance?”

Napaisip si Susan. Mukhang kailangan nga niyang mag-advance. Paano kung makahanap siya ng date bago ang Valentine’s Day? Siyempre, kailangan niya ng pera para pampa-parlor. Bibili din siya ng bagong damit para naman ma-impress sa kaniya ang magiging ka-date niya. Aba, baka hindi lang sa date matapos ang lahat kung sakali. Mamaya ay ligawan pa siya ng lalaking makaka-date niya. Tapos sasagutin niya ito at magpapakasal na sila!

“Nakakakilig…” Wala sa sarili na bulalas ni Susan habang parang luka-lukang nakangiti sa kawalan.

“Hoy, Susan! Ano bang sinasabi mong nakakakilig diyan?” untag ng tita niya. “Tinatanong kita kung mag-a-advance ka ba? Baka kasi kailangan mo ng pera.”

Bahagya niyang ipinilig ang kaniyang ulo. Masyado naman siyang nadala sa kaniyang imahinasyon. “Opo, tita. Kahit sana tatlong libo muna. Sa 13 ko na lang kukunin,” sagot ni Susan.

Isang makahulugang tingin ang ipinukol ng tita niya sa kaniya. “Hmm… Teka, `wag mong sabihin na may ka-date ka sa 14, Susan? Umamin ka nga. May boypren ka na ba?” Akala mo ay isang imbestigador na tanong nito sa kaniya.

“T-tita, wala pa po…” Nahihiya siyang ngumiti.

“E, bakit kailangan mo ng pera sa 13? Para sa 14? May date ka nga!”

“Ang totoo po niyan ay naghahanap pa ako. May pustahan kasi kami ni Mariposa. Kapag wala akong date, may one thousand siya sa akin. Kapag meron naman, ako ay may one thousand sa kaniya.”

“Naku, kayong dalawa talaga na magkaibigan. Puro kayo kalokohan! Bakit kasi hindi mo pa gawing boypren iyong anak no’ng sa tapat natin. Aba, kung makatingin sa iyo iyon ay para kang hinuhubaran palagi. Ang lagkit!”

“Ayaw ko po sa mas bata sa akin, tita.” Sa pagkakaalam niya kasi ay first year college pa lang ang tinutukoy nitong lalaki. Ang gusto naman niya ay iyong mas matanda sa kaniya ng ilang taon. Mas naa-attract kasi siya kapag mas may edad ang lalaki sa kaniya.

Umiling-iling ang tita ni Susan. “Kung masyado kang mapili, magsasara na iyang pekpek mo! Virgin ka pa yata, e. Twenty seven ka na, Susan, baka nakakalimutan mo. Tatlong buwan na lang at twenty eight ka na. Kung sa babae, okay lang ang wala pang asawa ng ganiyang edad. Pero sa ating mga babae, hindi na okay. Dapat nga ay may nobyo ka na ngayon, e. Alam mo ba, seventeen pa lang ay hindi na ako virgin! Oo, totoo iyan. Iyang asawa ko, winasak ang hymen ko tapos nabuntis ako. Kita mo naman, tatlo na agad ang anak namin ngayon. Huwag mo nang hintayin na umabot ka ng treinta, Susan. Sinasabi ko sa iyo, mahihirapan ka nang humanap ng asawa.” Mahabang litanya ng tita niya.

“Opo.” Matipid niyang sagot. “Sige po, pupunta na ako sa kabilang bahay. Inaantok na rin po ako, e. Maaga pa akong magbubukas ng shop bukas.”

“Okay. Sige. Mag-iingat ka. Pasensiya ka na sa bunganga ko at ayaw ko lang naman na tatanda ka na walang asawa. Mahirap ang mag-isa kapag matanda ka na. Ikaw ang lahat gagawa ng gawaing bahay. Wala kang maaasahan kapag—”

“Aalis na ako, tita.” Pinutol na niya ang pagsasalita nito at paniguradong mapapahaba pa iyon. Baka mamayang madaling araw na siya makauwi kapag nagkataon.

“Siya, sige. Mag-iingat ka.”

“Bye po…” Tumayo na si Susan at lumabas.

Pagdating niya sa bahay na kaniyang binabantayan ay siniguro niyang naka-lock ang lahat ng bintana bago siya pumanhik sa ikalawang palapag. Naroon ang kwartong tinutulugan niya. Isang malaking guest room ang ipinahiram ng matandang may-ari ng bahay para tulugan niya.

Naligo lang siya ng mabilis at nagtoothbrush bago humiga sa malaking kama. Kasya doon ang tatlong tao sa sobrang laki.

Pagkahiga niya ay tila birong nawala ang antok na kanina ay nararamdaman niya. Ipinikit niya ang kaniyang mata, tumagilid, tumihaya at dumapa. Papalit-palit siya ng pwesto pero hindi pa rin talaga bumabalik ang antok kay Susan.

Hanggang sa makita niya ang kaniyang cellphone na nasa kaliwang bahagi ng kama. Isang ngiti ang sumilay sa kaniyang labi bago niya kinuha ang naturang gadget…