Monday, September 28, 2020

V-DAY 01

 

V-DAY

written by Soju


Genre: Thriller, Horror



CHAPTER ONE



SWIPE left. Swipe left… Swipe left.

            Halos isang oras na ang ginugugol ni Susan sa dating application sa kaniyang cellphone na kung tawagin ay Tinder. Kahapon niya lang dinownload sa Playstore ang naturang aplikasyon para gamitin sa pagpatay ng oras kapag ganitong walang masyadong tao sa internet shop na kaniyang binabantayan. Sa tiyahin niya ang internet shop at dahil sa naghahanap siya noon ng trabaho nang maulilang lubos siya ay nag-offer ito na siya na lang ang magbantay ng shop nito. Hindi na siya nag-inarte dahil sa katulad niyang hindi natapos kahit ang high school ay mahirap talaga ang maghanap ng trabaho. Ayos naman ang sahod kaya tinanggap na rin niya. Isa pa, malapit lang dito ang bahay kung saan siya nakatira. Naglalakad lang siya pauwi. Malaki ang natitipid niya kung ikukumpara sa trabahong malayo.

            Ang bahay naman na kaniyang tinitirahan ay hindi sa kaniya. Naghahanap kasi iyong matandang kapitbahay nila ng tiyahin niya ng magbabantay sa medyo malaking bahay nito. Pupunta na kasi ito ng ibang bansa dahil doon na ito titira. Siya ang ibinigay ng tiyahin niya. Maliit lang kasi ang bahay ng tiyahin niya. Kasama nito doon ang tatlo nitong anak at isang asawa. Kung makikisiksik pa siya sa mga ito ay mistulang sardinas na sila doon.

            Sa bahay ng matanda siya natutulog sa gabi. Sa umaga naman ay pumapasok siya sa shop ng tiyahin niya. Kapag day off niya ay naglilinis siya sa bahay. May suweldo din naman siya sa pagbabantay ng bahay. Iyon nga lang ay hindi ganoon kalaki. Pero ganoon pa man ay nakakapag-ipon pa rin naman siya kahit papaano.

            Nag-iipon siya dahil pangarap niya ang magkaroon ng sariling bahay. Kahit maliit lang basta masasabi niyang sa kaniya. Nais din niya na magtayo ng negosyo. Iyong makakaya siyang mabuhay o kahit makaraos man lang sa araw-araw.

            “Ate, extend pa! One hour!” sigaw ng batang lalaki sa dulo na may nilalarong online games.

            Dinagdagan niya ng isang oras ang ginagamit na computer ng bata gamit ang main computer na kaharap niya. Malapit sa pinto ang puwesto ni Susan para nakikita niya ang lahat ng nasa shop.

            Dalawang tao lang ang naroon bukod sa kaniya. Iyong bata sa dulo at isang babae na hindi kagandahan. Sa babae tumuon ang pansin ni Susan. Tila kilig na kilig kasi ito sa kinakausap nito. Na-curious tuloy siya.

            Umalis siya sandali sa kaniyang puwesto at nagkunwaring may inaayos sa likod ng system unit ng computer na kalapit no’ng babae. Sinilip niya ang monitor ng computer nito at doon ay nalaman niya na meron itong ka-video call na gwapong foreigner.

            “OMG! Oh, really? You coming for me? Oh, yes! My excited is awesome! I am exciting to seeing you, my love! I will waiting shed for you, my love! I love you!” Akala mo ay may kaaway ang naturang babae sa lakas ng boses nito. Hindi naman siguro bingi ang foreigner para lakasan nito ang pagsasalita.

            `Buti pa siya kahit chaka at mali-mali ang English, may jowang gwapo! Naiinggit na bulong ni Susan sa sarili.

            Sa totoo lang, sa edad niya ngayon na bente-siyete ay hindi pa rin niya nararanasan kung paano ang magkaroon ng nobyo. Hindi naman siya pangit, hindi rin naman maganda. Sakto lang. Sadyang hindi lang siguro siya gustuhin kaya kahit minsan ay walang nanliligaw sa kaniya. Nag-aayos naman siya, naliligo araw-araw pero wala pa rin. May kalakihan din naman ang dede niya pero wala pa ring lalaki ang nagpaparamdam na gusto siya. Kasi kung meron ay hindi na nito kailangang manligaw. Susunggaban niya agad ito! Hindi na siya magpapaka-chossy!

            Natatakot din naman siya na baka kapag lumagpas na sa kalendaryo ang edad niya ay mas mahirapan siyang makahanap ng mapapangasawa. Wala naman siyang balak na tumanda. Ngunit kung iyon ang kapalaran niya ay may plano na naman siya. Kaya nga siya nag-iipon para magkaroon ng bahay at negosyo ay upang kapag hindi siya makapag-asawa ay mabubuhay pa rin siya. Mag-aampon na lang siguro siya ng mga aso at pusa kung sakali.

            “What? You will bring me much much money—” Napahinto ang babae sa pagsasalita nang tila maramdaman nitong pinapanood niya ito.

            Bigla itong lumingon sa kaniya. Matalim ang mata nito na ikinagulat niya.

            “Hoy! Nakikinig ka ba sa pinag-uusapan namin ng my loves ko?! You over hearing us! Get away ka nga diyan and just do your jobstreet dot com!”

            “H-hindi! May inaayos lang ako dito. Talk to your jowa na. Go!” Itinuro pa niya ang monitor. Umalis na siya at baka magkagulo pa. Mukhang war freak pa naman iyong babae. Baka magkaroon ng sabunutan at sampalan dito. Mahirap na. Siya na lang ang iiwas.

            Bumalik na lang siya sa puwesto niya at ipinagpatuloy ang pag-ti-Tinder.

            Puro swipe left ang ginagawa niya sa mga picture ng mga lalaking naroon. Kapag swipe left kasi, ibig sabihin ay hindi mo gusto iyong lalaki sa picture. Kapag swipe right naman, gusto mo siya. At kapag ni-swipe right ninyo ang isa’t isa, ang ibig sabihin no’n ay gusto ninyo ang isa’t isa. May super like pa ngang tinatawag. Iyon naman ay kapag gusto mo talaga iyong nasa picture.

            Pero dahil sa wala talaga siyang magustuhan ay panay ang swipe left niya.

            Huminto saglit si Susan sa ginagawa. Ipinahinga muna niya ang daliri sa pagdutdot sa kaniyang cellphone. Hindi sinasadyang napatingin siya sa maliit na kalendaryo. Nakapatong iyon sa kaniyang lamesa. May katabi iyong lumang mug na lalagyan niya ng ballpen at kung anu-anong maliliit na gamit.

            Sa isang date lang nakatuon ang mata ni Susan. Sa February 14. Limang araw na lang pala at Valentine’s Day na. Ang dahilan niya talaga kung bakit naghahanap siya ng lalaking makaka-match sa Tinder ay dahil may pustahan sila ng kaibigan niyang bakla na si Mariposa.

            Ganito ang pustahan nila. Kapag wala siyang date sa Valentine’s Day ay bibigyan niya ito ng isang libong piso at kapag meron naman ay ito ang magbibigay sa kaniya ng ganoong halaga. Nagsimula ang pustahan nila nang tudyuin siya ni Mariposa dahil wala na naman siyang date sa Araw Ng Mga Puso na darating. Samantalang ito ay meron. Nobyo nito iyong tambay na mukhang hindi naliligo sa kanilang lugar. Para namang mauubusan ng lalaki si Mariposa sa parteng iyon. Hindi man lang ito pumili ng maayos-ayos na lalaki. Naniniwala kasi siya na kahit bakla si Mariposa ay nararapat lamang na magkaroon ito ng maayos na kasintahan. Isa pa, malakas ang kutob niya na pineperahan lang ang kaibigan niya ng lalaking iyon. Palaging nangungutang sa kaniya si Mariposa nitong huli. Kapag tinatanong niya, ang palaging sagot ay kailangan ng “baby” nito.

            Sa katulad niya na hindi naman kumikita ng malaki ay malaking halaga na ang isang libong piso. Kaya naman gagawin niya ang lahat para magkaroon ng date sa darating na Valentine’s Day!

 

            ALAS DIYES na ng gabi. Dumating na rin ang oras para isarado na ni Susan ang internet shop ng tiyahin niya. Nakwenta na niya ang kinita ng shop ngayong araw at hindi naman kulang ang pera. Nasa dulo pa rin iyong batang naglalaro.

            “Ate, extend pa! Tatlong oras—”

            “Magsasara na ako. Bumalik ka na lang bukas. Saka umuwi ka na, kanina ka pa diyan, a. Hindi ka ba hinahanap ng nanay mo?”

            “Kahit isang oras na lang, ate. Tapusin ko lang ito,” pilit ng bata.

            “Hindi! Tama na iyan. Umuwi ka na. Gabi na!”

            “Ate naman, e. KJ nito!” Kakamot-kamot sa ulo na tumayo iyong bata sa kinauupuan nito. Hindi na ito nakipagtalo sa kaniya. Umalis na ito.

            “Iisahan mo pa ako, ha. Tatlong oras mo mukha mo. Wala namang bayad OT ko dito, uy—” Biglang natigilan si Susan nang maalala niya na hindi pa pala nagbabayad iyong bata.

Nagmamadali siyang tumakbo sa labas sa pag-asang baka maabutan pa niya iyong bata pero hindi na niya ito nakita pa. “Bwisit iyon, a! Naisahan ako!” siya naman ang napakamot sa ulo.

Tatandaan na lang niya ang pagmumukha ng batang iyon para kapag bumalik ay masingil niya. Pero duda siya na babalik pa ito. Hindi na nga nagbayad, e.

Bumalik si Susan sa loob ng shop. Nilagyan niya ng mga puting tela ang mga computer para hindi iyon magkaroon ng alikabok. Pinatay niya ang lahat ng nakabukas na computer pati na ang aircon.

Handa na siya para umuwi.

Pinatay na niya ang ilaw at isinara ang pinto. Bago tuluyang umalis ay siniguro niyang naka-lock ang pinto ng shop. Hindi niya iyon kinakalimutan dahil uso ang mga magnanakaw sa kanilang lugar.

Wala nang tao na nakatambay sa labas nang naglalakad na si Susan pauwi. Wala naman siyang nararamdamang takot kahit madilim at walang tao sa kaniyang nilalakaran dahil sanay na siya. Limang taon na siya sa lugar na iyon, hindi pa ba siya masasanay?

Nang paliko na siya sa kanto kung saan naroon ang bahay ng tiyahin niya ay may naramdaman siyang kakaiba sa kaniyang likuran. Pakiramdam niya ay may sumusunod sa kaniya. May naririnig siyang tsinelas na kumukuskos sa semento.

Binagalan ni Susan ang paglalakad. Hinigpitan niya ang pagkakahawak sa handbag kung saan nakalagay ang perang kinita ng shop para sa araw na iyon. Palihim niyang inilabas ang maliit na balisong sa kaniyang bulsa. Dala niya palagi ang bagay na iyon para kung sakali na kailangan niyang depensahan ang sarili ay may magagamit siya.

Kung sino ka mang hinayupak ka, kung magnanakaw ka man, hindi ka sasantuhin ng balisong ko! Matapang niyang sabi sa sarili.

Huminto na siya sa paglalakad. Papalapit na sa kaniya ang yabag. Alam niyang nasa likuran na lang niya ang taong sumusunod sa kaniya.

Inihand niya ang kaniyang sarili. Mabilis siyang humarap sa kaniyang likuran at isang tao ang nakita niya doon. Akmang sasaksakin niya ito gamit ang balisong ngunit napasigaw siya sa takot. Paano ay isang tao na puting-puti ang mukha na ang akala niya ay multo ang nakita niya. Pati ito ay napasigaw na rin dahil sa balisong na nakatutok sa mukha nito.

“Susan! Ano ba?! This is me! Mariposa! It’s me!”

“Mariposa?” Pinakatitigan niya ang mukha ng tao.

Bumaba ang mata niya sa katawan nito. Payat, maitim, maitim ang tuhod at nakasuot ng spaghetti strap na damit at maikling short. Dry ang buhok na hanggang balikat.

Tama! Ito nga ang kaibigan niyang si Mariposa!

“Ako nga! The one and only!” Takot pa rin itong nakatingin sa balisong. “Pwede ba, ilayo mo nga ang bagay na iyan. Baka masaksak mo ang mala-dyosa kong mukha! Afraid!!!”

“Ay, sorry!” Ibinaba na niya ang balisong at ibinalik iyon sa bulsa. “Bakit ganiyan ang mukha mo? Para kang multo! Ang puti!”

“Gaga! Face mask ito, `no. Fifteen minutes ko daw ilagay sa mukha ko bago alisin.”

“Para saan naman iyan? Bakla ka! Mukha kang tanga!”

“Pampaganda lalo. Naghahanda na rin ako sa date namin ng baby ko sa Valentine’s! Speaking of Valentine’s… ano na? May nahanap ka na bang ka-date?” Umiling siya bilang pagsagot. Malakas na tumawa si Mariposa na akala mo ay kinikiliti ang singit. “Alam mo, Susan, kung ako sa’yo, gagamit din ako ng face mask na ginagamit ko. Pampa-pres! Baka sakaling magkaroon ka kahit one percent na chance na manalo sa pustahan natin!” Muli itong tumawa ng malakas.

Nagtahulan tuloy ang mga aso dahil sa tawa ni Mariposa.

“`Wag kang masyadong kampante, bakla! Malalagasan ka talaga ng isang libo sa February 14!”

“Wow! Confident! Paano naman mangyayari iyon, e, wala ka pa ngang nahahanap na ka-date? Five days na lang kaya. Kaya mo pa ba?”

“Oo naman, `no! Nag-ti-Tinder na kaya ako! Doon ako naghahanap.”

“Well, good luck na lang sa iyom girl. Kung matalo ka naman at wala kang ka-date sa Valentine’s Day, pwede ka namang sumama sa amin ng baby ko para third wheel ka namin. Keri?”

“Hindi iyang mangyayari. Makakahanap ako ng ka-date bago ang 14!” giit niya. “Teka nga, bakit ba sinusundan mo ako? May kailangan ka ba?”

Maarteng itinirik ni Mariposa ang mata nito sabay pilantik ng mga daliri. “OA? Wala, `no. Nagkataon lang na lumabas ako ng house ko at nagpapabili ng siopao iyong baby ko. Nagugutom. Kawawa naman. E, nakita kita. Kaya nilapitan kita. Ikaw naman itong akala mo ay magagahasa at may pagtutok pa ng balisong! Katakot ka, girl! Kaya siguro walang lalaking naglalakas-loob na ligawan ko dahil sa may baon kang balisong!” iiling-iling na sabi ni Mariposa.

“Ang dami mong sinasabi! Diyan ka na nga. Kailangan ko nang umuwi at isusulit ko pa itong kita ng shop kay tita.” Matapos magpaalam kay Mariposa ay muli na siyang naglakad pauwi sa bahay ng kaniyang tiyahin.

Pagpihit niya ng door knob ng pinto ng bahay ng tiyahin niya ay nagtaka siya nang naka-lock iyon. Madalas naman kasi ay nakabukas iyon kaya nakakapasok siya agad. Kaya kumatok muna siya bago siya pinagbuksan ng kaniyang tita.

“Bakit naka-lock, tita?” tanong dito ni Susan. “`Eto na po pala iyong kinita ngayon. Two thousand three hundred po lahat.” Inabot niya dito ang handbag.

Umupo sila sa sofa ng magkatabi. Nakita niyang natutulog na sa likod ng sofa ang mga anak nito. Ang asawa naman ng tita niya ay wala pa. Mamaya pa ito uuwi galing ng trabaho.

“Nag-iingat lang. Nabuhay na naman iyong Heart Snatcher Killer noong nakaraang linggo, a. Isang babae at isang lalaki agad ang nabiktima. Papalapit na naman kasi ang Valentine’s Day kaya umaatake na naman ang killer na iyon,” sagot ng tita niya habang binibilang nito ang pera.

Natatandaan ni Susan ang sinasabing killer ng tita niya. Halos apat na taon na rin na nagbibigay ng takot ang naturang seriel killer sa lugar na malapit sa kanila dahil tuwing malapit na ang Araw Ng Mga Puso ay umaatake ito. Pagkatapos naman ng araw na iyon ay parang bula na itong nawawala. Babalik na lang kapag Pebrero na ulit.

Babae, lalaki, magkasintahan o mag-asawa ay binibiktima nito. Wala itong sini-sino. At ang nakakatakot pa sa ginagawa nito, matapos nitong patayin ang biktima nito ay winawakwak nito ang dibdib at kinukuha ang puso. Kaya naman lahat ng biktima nito ay wala nang puso kapag natatagpuan. Doon nanggaling ang bansag dito na Heart Snatcher Killer.

Kahit na apat na taon na simula ang unang biktima ng Heart Snatcher Killer, hanggang ngayon ay wala pa ring lead ang mga pulis kung sino ba ang nasa likod ng naturang serial killer.

Ikinibit lang ni Susan ang balikat. “Huwag kayong mag-alala, hindi naman kayo mabibiktima ng serial killer na iyon,” balewalang sabi niya.

“Mabuti na ang nag-iingat, Susan. Kaya ikaw, mag-ingat ka rin. Bago ka matulog ay siguraduhin mong naka-lock lahat ng pinto at bintana sa bahay sa kabila. Ang kapal pa naman ng dingding ng bahay ng matandang iyon kaya kahit sumigaw ka kapag nasa loob ay walang makakarinig sa iyo. Hindi ka namin maririnig kapag hihingi ka ng tulong.”

“Ang paranoid niyo naman, tita. Hindi makakapasok ang killer na iyon sa bahay. Saka palagi ko namang ini-lo-lock ang pinto at bintana bago ako matulog. Hindi ko iyon nakakalimutan.”

“Mabuti naman kung ganoon. Okay na itong pera. Kumpleto. Teka, sweldo mo na pala sa fifteen, `no? Gusto mo bang mag-advance?”

Napaisip si Susan. Mukhang kailangan nga niyang mag-advance. Paano kung makahanap siya ng date bago ang Valentine’s Day? Siyempre, kailangan niya ng pera para pampa-parlor. Bibili din siya ng bagong damit para naman ma-impress sa kaniya ang magiging ka-date niya. Aba, baka hindi lang sa date matapos ang lahat kung sakali. Mamaya ay ligawan pa siya ng lalaking makaka-date niya. Tapos sasagutin niya ito at magpapakasal na sila!

“Nakakakilig…” Wala sa sarili na bulalas ni Susan habang parang luka-lukang nakangiti sa kawalan.

“Hoy, Susan! Ano bang sinasabi mong nakakakilig diyan?” untag ng tita niya. “Tinatanong kita kung mag-a-advance ka ba? Baka kasi kailangan mo ng pera.”

Bahagya niyang ipinilig ang kaniyang ulo. Masyado naman siyang nadala sa kaniyang imahinasyon. “Opo, tita. Kahit sana tatlong libo muna. Sa 13 ko na lang kukunin,” sagot ni Susan.

Isang makahulugang tingin ang ipinukol ng tita niya sa kaniya. “Hmm… Teka, `wag mong sabihin na may ka-date ka sa 14, Susan? Umamin ka nga. May boypren ka na ba?” Akala mo ay isang imbestigador na tanong nito sa kaniya.

“T-tita, wala pa po…” Nahihiya siyang ngumiti.

“E, bakit kailangan mo ng pera sa 13? Para sa 14? May date ka nga!”

“Ang totoo po niyan ay naghahanap pa ako. May pustahan kasi kami ni Mariposa. Kapag wala akong date, may one thousand siya sa akin. Kapag meron naman, ako ay may one thousand sa kaniya.”

“Naku, kayong dalawa talaga na magkaibigan. Puro kayo kalokohan! Bakit kasi hindi mo pa gawing boypren iyong anak no’ng sa tapat natin. Aba, kung makatingin sa iyo iyon ay para kang hinuhubaran palagi. Ang lagkit!”

“Ayaw ko po sa mas bata sa akin, tita.” Sa pagkakaalam niya kasi ay first year college pa lang ang tinutukoy nitong lalaki. Ang gusto naman niya ay iyong mas matanda sa kaniya ng ilang taon. Mas naa-attract kasi siya kapag mas may edad ang lalaki sa kaniya.

Umiling-iling ang tita ni Susan. “Kung masyado kang mapili, magsasara na iyang pekpek mo! Virgin ka pa yata, e. Twenty seven ka na, Susan, baka nakakalimutan mo. Tatlong buwan na lang at twenty eight ka na. Kung sa babae, okay lang ang wala pang asawa ng ganiyang edad. Pero sa ating mga babae, hindi na okay. Dapat nga ay may nobyo ka na ngayon, e. Alam mo ba, seventeen pa lang ay hindi na ako virgin! Oo, totoo iyan. Iyang asawa ko, winasak ang hymen ko tapos nabuntis ako. Kita mo naman, tatlo na agad ang anak namin ngayon. Huwag mo nang hintayin na umabot ka ng treinta, Susan. Sinasabi ko sa iyo, mahihirapan ka nang humanap ng asawa.” Mahabang litanya ng tita niya.

“Opo.” Matipid niyang sagot. “Sige po, pupunta na ako sa kabilang bahay. Inaantok na rin po ako, e. Maaga pa akong magbubukas ng shop bukas.”

“Okay. Sige. Mag-iingat ka. Pasensiya ka na sa bunganga ko at ayaw ko lang naman na tatanda ka na walang asawa. Mahirap ang mag-isa kapag matanda ka na. Ikaw ang lahat gagawa ng gawaing bahay. Wala kang maaasahan kapag—”

“Aalis na ako, tita.” Pinutol na niya ang pagsasalita nito at paniguradong mapapahaba pa iyon. Baka mamayang madaling araw na siya makauwi kapag nagkataon.

“Siya, sige. Mag-iingat ka.”

“Bye po…” Tumayo na si Susan at lumabas.

Pagdating niya sa bahay na kaniyang binabantayan ay siniguro niyang naka-lock ang lahat ng bintana bago siya pumanhik sa ikalawang palapag. Naroon ang kwartong tinutulugan niya. Isang malaking guest room ang ipinahiram ng matandang may-ari ng bahay para tulugan niya.

Naligo lang siya ng mabilis at nagtoothbrush bago humiga sa malaking kama. Kasya doon ang tatlong tao sa sobrang laki.

Pagkahiga niya ay tila birong nawala ang antok na kanina ay nararamdaman niya. Ipinikit niya ang kaniyang mata, tumagilid, tumihaya at dumapa. Papalit-palit siya ng pwesto pero hindi pa rin talaga bumabalik ang antok kay Susan.

Hanggang sa makita niya ang kaniyang cellphone na nasa kaliwang bahagi ng kama. Isang ngiti ang sumilay sa kaniyang labi bago niya kinuha ang naturang gadget…

No comments:

Post a Comment