CHAPTER TWO
SWIPE left… Swipe
left… Swipe left…
Mabigat
na ang talukap ng mga mata ni Susan. Halos duling na siya sa sobrang antok
kaka-swipe left sa mga pictures na nakikita niya sa Tinder. Wala pa ring
pumupukaw sa kaniyang atensiyon sa mga lalaking kaniyang nakikita. Kahit ang
dami nang gwapo ay wala pa rin talaga siyang natitipuhan. Hindi naman siya
iyong uri ng babae na basta gwapo ay type na agad.
Hinahanap
niya iyong unang kita pa lang niya, kahit sa picture lang ay tatalon na agad
ang puso niya. Iyong mahuhuli agad nito ang kaniyang mata. `Yong ganoong level!
Hindi na
talaga kayang paglabanan ni Susan ang antok. Kaya naman hinayaan na lang niyang
pumikit ang kaniyang mga mata. Nakatulog siya na hawak ang kaniyang cellphone.
ISANG kamay ang tumakip sa bibig ni Susan na
ikinagulat niya. Sino ba naman ang hindi magugulat na habang natutulog ay may
kamay na lang natatakip sa bibig mo. Sa laki ng kamay ay halos sinakop na iyon
pati ang kaniyang ilong. Nanlaki ang mata niya dahil sa takot.
“Anak, ako ito…” Agad din na naglaho
ang takot niya nang malaman niyang nanay niya iyon base sa boses nito. Madilim
kasi sa kwarto nila kaya hindi niya ito nakilala. “Aalisin ko ang kamay ko pero
huwag kang maingay, ha?” Halos pabulong na sabi nito sa kaniya.
Tumango siya at marahang inalis nito
ang kamay sa bibig niya.
Napasimangot ang dalagitang si
Susan. “Ang baho naman ng kamay mo, `nay! Amoy tae!” Napadura pa siya sa
pandidiri. Ayaw kasing maalis ng amoy na iyon sa dulo ng ilong niya.
“Ang arte mo talaga! Papatayin na
lang tayo, nag-iinarte ka pa!”
Pabirong binatukan ni Susan ang
nanay niya. “Whoo! Ito namang si nanay, masyadong joker! Ano bang papatayin
sinasabi ninyo diyan? Ginising niyo lang ba talaga ako para ipaamoy kung gaano
kabaho `yang kamay ninyo—”
“Tumigil ka nga diyan, sabi! Magtago
ka! Bilis! O kaya umalis ka na! Tumakas ka na!”
“`Nay, `yong totoo? Naka-drugs ba
kayo?” Hindi niya kasi maintindihan kung bakit nagsasabi ito ng ganoon.
“Tama na ang satsat!” anito sabay
hila sa kaniya patayo.
Wala nang nagawa si Susan nang
dalhin siya nito sa nakabukas na bintana ng kanilang bahay at pilit siya nitong
pinalabas doon. Naguguluhan man ay sumunod na lang siya. Umakyat na siya sa
bintana at lumabas ng kanilang bahay sa pamamagitan niyon.
Laking gulat niya nang isarado iyon
ng nanay niya. Pinapalayas na ba siya nito? Wala naman siyang matandaan na
nagawa niyang kasalanan para palayasin siya. Isa pa, mag-isa na nga lang siyang
anak ng mga ito tapos papalayasin pa siya? Medyo matanda na kasi ang mga
magulang niya nang mabuo siya kaya hindi na siya nagawa pang sundan.
Aba, kung pinapalayas man siya ng
mga ito ay hindi naman siya papayag na hindi malaman ang dahilan. Kailangan
nilang mag-usap.
Hindi pa man siya nakakalayo sa may
bintana ay nakarinig na siya ng sigawan sa loob ng kanilang bahay. Nagmamadali
siyang bumalik sa bintana at sumilip sa maliit na siwang. At ganoon na lang ang
kilabot at takot na naramdaman niya sa kaniyang nakita sa loob ng kwartong
kaniyang pinanggalingan.
Nakaluhod ang nanay at tatay niya sa
harapan ng tatlong lalaki. Ang isa ay may dalang itak habang iyong nasa gitna
at katabi nito sa kaliwa ay baril.
“Matigas talaga kayo! Ayaw niyo pang
ipagbenta ang lupa ninyo sa amo namin!” sigaw ng lalaking nasa gitna.
“Ito na lang ang meron kami kaya
hindi namin ito ibebenta!” matapang na sigaw ng tatayi ni Susan. Matalim ang
tingin nito sa tatlong lalaki.
“Maawa kayo! Huwag niyo kaming
sasaktan!” umiiyak namang pakiusap ng nanay niya.
“Pare, ang sabi ni boss, kapag ayaw
pumayag ay patayin na lang natin,” ani ng nasa kanan ng nasa gitnang lalaki.
“Okay. Madali naman akong kausap!”
At walang babala na tinagpas ng lalaking nasa gitna ang leeg ng tatay niya.
Sa muling pag-angat ng itak ng
lalaki ay sa dibdib naman ng nanay niya iyon sunod na tumarak. Walang awang
pinagtataga ng dalawa ang mga magulang niya.
Muntik nang mapasigaw si Susan kaya
naman agad niyang tinakpan ang bibig gamit ang mga kamay. Hindi siya pwedeng
makita ng mga lalaking iyon dahil sasapitin din niya ang kalunos-lunos na nangyari
sa mga magulang niya. Ang tanging nagawa na lang niya ay ang tahimik na umiyak.
Gustuhin man niyang tulungan ang
nanay at tatay niya ay wala din naman siyang magagawa. Mag-isa lang siya, tatlo
ang mga ito.
Sa takot na baka makita siya ng
tatlong lalaki ay inisip niyang dapat umalis na siya doon. Kaya tahimik siyang
naglakad palayo sa kanilang bahay kahit labag sa kalooban niya na iwanan ang
mga magulang sa ganoong sitwasyon. Nang malayo na siya ay saka siya tumakbo.
Dumaan siya sa maputik na palayan hanggang sa makarating na siya sa kabahayan
na malayo sa kanilang bahay…
MALALALIM at sunud-sunod ang
paghinga ni Susan nang magising siya mula sa masamang panaginip na iyon. Ah,
hindi pala iyon panaginip. Totoo iyong nangyari ilang taon na ang nakakalipas.
Iyon ang pinaka masakit na parte ng kaniyang nakaraan—ang masaksihan ng
kaniyang sariling mga mata ang pagpatay sa kaniyang nanay at tatay.
Sa buwan
ng Pebrero, bago ang Valentine’s Day rin pinatay ang mga magulang niya kaya
naman naaalala niya ang mga ito kapag ganitong nalalapit na ang Araw Ng Mga
Puso. Ganitong buwan din niya napapanaginipan ng madalas ang nangyaring
kurumal-dumal sa mga ito. Hula niya ay nagpapadalaw ang dalawa sa sementeryo.
Bumaba ng
higaan niya si Susan at bumaba sa kusina para uminom ng tubig. Nagtimpla siya
ng gatas dahil nawala ang antok niya. Bumalik siya sa kwarto na dala ang
mainit-init na isang baso ng gatas. Umupo siya sa gilid ng kama at inumpisahan
iyong inumin.
Inabot
niya ang cellphone para libangin ang sarili. Baka sakaling malimutan niya kahit
sandali ang napanaginipan niya gamit ang bagay na iyon.
Sa
pagtingin niya sa cellphone ay nalaman niya na ilang minuto pa lang ang
nakakalipas matapos ang alas dose ng hatinggabi. Kaunting oras lang pala ang
naitulog niya.
Tumingin
siya sa kaniyang paligid. “Nanay, tatay, bakit niyo naman ako ginising ng
ganito kaaga? Oo na, dadalawin ko kayo bukas…” aniya na para bang naririnig
talaga siya ng mga ito.
Inubos na
niya ang gatas at saka bumalik sa kusina. Hinugasan na niya agad iyon at baka
ipisin pa kung papabayaan lang niya sa lababo. Habang sinasabon niya ang baso
ay naisipan niyang dapat ay agahan niya ang pagpunta sa sementeryo dahil
alas-otso siya nagbubukas ng internet shop.
Pagkatapos
niyang hugasan ang baso ay inilagay na niya iyon sa dish dispenser. Akmang
paalis na siya sa kusina nang mapahinto siya dahil isang bagay ang kaniyang
nakita…
KAUNTING
oras lang ang naitulog ni Susan matapos niyang magising. Nag-alarm kasi siya ng
ala-singko ng umaga upang maaga niyang mapuntahan sa sementeryo ang mga
magulang niya. Baka kasi hindi siya patahimikin ng mga ito sa panaginip kapag
hindi pa siya pumunta doon agad-agad. Dumaan rin muna siya sa bahay ng tita
niya. May tanim kasing santan sa harapan ng bahay nito. Pumitas siya ng ilang
para ialay sa mga magulang niya. May dala na rin siyang dalawang kandila at
posporo. Meron naman niyon sa bahay na kaniyang binabantayan.
Hindi
naman ganoon kalayo ang sementeryo sa bahay na binabantayan niya kaya naglakad
lang siya. Wala pang sampung minuto ay narating na niya ang pupuntahan. Medyo
madilim pa at bahagya pa lang na nakasilip ang araw. Walang katakot-takot
siyang pumasok sa sementeryo. Hindi naman kasi siya matatakutin na tao.
Sinabi
rin kasi sa kaniya ng tatay niya noong buhay pa ito na mas dapat siyang matakot
sa buhay kesa sa patay. E, puro patay na naman nandito sa sementeryo kaya wala
siyang dapat ikatakot. Tama rin naman ang tatay niya, napagtanto niya. Buhay na
tao nga pala ang pumatay dito at sa nanay niya.
Luma na
ang sementeryong pinaglibingan sa mga magulang niya. Basag na ang ibang nitso
at nilulumot na. Mataas na rin ang mga damo sa ilang bahagi niyon. Sa may
padulo pa ang nitso ng mga magulang niya kaya nahirapan siyang puntahan iyon.
Dikit-dikit na kasi ang mga nitso doon kaya kailangan niyang tumuntong sa mga
iyon kapag wala na siyang madaanan. Nae-e-excuse naman siya kaya sa tingin niya
ay ayos lang iyon.
Sa wakas ay
narating na niya ang nitso ng nanay at tatay niya. Medyo malapad iyon dahil
ipinagsama na lang sa iisang nitso ang kabaong ng dalawa. Wala kasi siyang
budget. Nagpapasalamat na lang talaga siya dahil tinulungan siya ng tita niya
para maipalibing ng maayos ang dalawa.
Pagkalagay
ni Susan ng bulaklak sa tapat ng nitso ng nanay at tatay niya ay may napansin
siyang tila kulay pulang likido sa likuran ng nitso. Ipinagkibit-balikat lang
niya iyon dahil baka natunaw lang na kandila tapos kulay pula. May nitso din
kasi sa likuran ng nitso ng mga magulang niya. Baka dumalaw iyong pamilya o
kakilala ng nakalibing doon.
Pero ang
weird lang dahil kulay pula ang kandila.
“Sabagay,
malapit na ang Valentines,” turan na lang niya.
Inilagay
na niya ang kandila at sinindihan iyon. Nag-sign of the cross na siya at
inumpisahan nang kausapin ang mga magulang. “Nanay, tatay, kumusta naman kayo
diyan? Hanggang ngayon, hindi ko pa rin alam kung nasa heaven o hell ba kayong
dalawa. Pero sana nasa heaven kayo… Kung ako naman ay hindi ako okay. Paano ba
naman ay ginambala niyo na naman ako sa panaginip ko! Hindi niyo na naman po
iyon kailangang gawin. Matik na naman na kapag February ay dinadalaw ko kayong
dalawa dito dahil ito ang buwan kung kailan niyo ako iniwan…” Huminto siya
saglit upang punasan ang luhang nagbabadyang kumawala sa kaniyang dalawang
mata. Bumalik na naman kasi sa alaala niya kung paano pinatay ng tatlong lalaki
ang mga ito.
“Ang
tagal niyo na po palang wala pero… kinakaya ko naman po. `Andiyan naman po si
tita. Tinutulungan naman po niya ako kahit paano,” pagpapatuloy ni Susan.
Matapos
ang pagdadasal ay umupo muna siya saglit sa tapat ng nitso ng mga magulang
niya. Nakatitig lang siya doon. Ganoon lang ang ginawa niya ng ilang minuto.
Nang maramdam ng pagkangalay ay tumayo na siya.
“Nanay,
tatay, aalis na ako, ha. Papasok na kasi ako sa trabaho.” Bahagyang
nagliliwanag na ang paligid. “Babalik na lang po ulit ako. Promise!”
Pagharap
niya sa likuran ay malakas siyang napasigaw dahil may nakita siyang nakakatakot
na nilalang na nakatayo doon. “Putang ina! Aswaaang!!!” tili ni Susan.
Susuntukin niya sana ang nasa harapan nang bigla itong magsalita.
“Wow!
Hiyang-hiya naman ako! Maka-aswang sa akin, ha!”
Nawala
ang takot ni Susan nang mapagtanto niya na si Mariposa lang pala iyon. Paano ay
medyo madilim pa kaya hindi niya ito nakilala agad. Tapos bigla na lang itong
sumulpot sa likuran niya nang hindi man lang niya nararamdaman.
Naiinis
na hinampas niya sa balikat ang baklang kaibigan. “Akala ko kung sino na! Saka
parang aswang ka naman talaga! Hindi ko man lang naramdaman na nandiyan ka na.
Bakit ka ba nandito? May dinadalaw ka rin ba?” Napahawak siya sa dibdib dahil
ang lakas ng kabog ng puso niya.
“Kasalanan
ko bang nagjo-jogging ako para mas sumexy ako tapos nakita kita? Sinundan kita
dito at nang na-sight kong tapos ka nang mag-moment ay saka ako lumapit!”
“Sa
susunod, humuni ka naman para alam ko na paparating ka,” biro niya sa kaibigan.
“Ano ako,
tiktik?! Grabe ka talaga sa akin, Susan! Atleast, ako may date na sa
Valentine’s Day. E, ikaw ba? Wala!” At malakas itong tumawa na akala mo ay
nanalo na ito sa pustahan nila.
“Confident
na confident ka rin naman talaga na mananalo ka, `no?” Inilabas niya ang
cellphone niya at ipinakita dito ang application na Tinder. “Magdamag akong
nagganito. Malakas talaga ang kutob ko na dito ako makakakita ng date—” Biglang
inagaw sa kaniya ni Mariposa ang cellphone niya at lumayo ito sa kaniya ng
ilang dipa. “Hoy, bakla ka! Akin na iyan!”
Alam
niyang tinitingnan nito ang Tinder account niya. “Ano ba naman ito, Susan?!
Paano ka magkakaroon ng date sa 14, e, kahit isa wala ka pang nakaka-match!
Ganito kasi iyan dapat! Swipe right! Swipe right! Swipe right!” Nakita niya sa
kilos ng daliri nito na puro swipe right nga ang ginagawa nito.
“Hoy!
`Wag mong i-swipe right lahat! Bwisit ka talaga!”
“`Ayan!
May naka-match ka na! Isa nga lang! Kung magpapaka-choosy ka, hindi ka talaga
mananalo sa pustahan natin!” At patuloy pa rin ito sa pag-swipe right.
“Itigil
mo yan, sabi!” Malalaki ang hakbang na nilapitan niya si Mariposa para agawin
dito ang cellphone niya. Pero nang aabutin na niya ang kamay nito ay bigla
nitong itinapon sa kung saan ang kaniyang cellphone.
“Oopsie!
Hindi ko sinasadya. Sorry—”
“Ang aga
mo talagang manira ng araw, Mariposa!”
Nakita
niya ang cellphone niya doon sa likurang bahagi ng nitso ng kaniyang mga
magulang. Malapit ito doon sa parang kulay pulang kandila na natunaw.
Akmang
maglalakad na siya para kunin ang cellphone nang pigilan siya ni Mariposa.
“Wait. Ako na ang kukuha. Baka sabihin mo naman ay bad friend ako! Sorry na kasi!”
At malaki itong ngumiti sa kaniya bago ito pumunta sa kinaroroonan ng kaniyang
cellphone.
“Kapag
talaga iyan nasira, papalitan mo iyan, Mariposa!” Naiinis pa rin niyang sabi.
“Papalitan
agad? Hindi ba pwedeng ipapaayos na lang—”
Tila
natigilan si Mariposa nang makapunta na ito sa likuran ng nitso ng mga magulang
niya. Napansin niya na nakatulala ito at nanlalaki ang mata na para bang may
nakita itong nakakatakot.
“Bakla,
anong nangyari sa iyo diyan?” Nagtataka at natatawang tanong niya. Nakakatawa kasi
ang reaksyon ng mukha nito.
Nagulat
si Susan nang bigla na lang sumigaw si Mariposa. Sa tingin niya ay hindi ito
nagbibiro kaya nakaramdam na rin siya ng kaba. Nagmamadali siyang lumapit sa
kaibigan at pati siya ay napasigaw na rin nang makita niya ang dahilan ng
pagsigaw nito.
May isang bangkay ng lalaki sa
likod ng nitso ng mga magulang niya! Wakwak ang dibdib nito at wala na ang
puso. Ang pulang likido na inakala niyang natunaw na kandila ay dugo pala nito.
Sariwa pa iyon kaya nahinuha niyang kakapatay pa lang sa naturang lalaki.
Sa sobrang takot nilang dalawa
ay nagsisigaw na lang sila. Nang makita niyang manghihimatay si Mariposa ay
malakas niya itong sinampal. Nagising naman ito agad bago pa mawalan ng malay.
Takot na takot na parang hinahabol ng killer na nagtatakbo silang dalawa
palabas ng sementeryo!
AGAD na sinabi nina Susan at
Mariposa sa mga tao ang nakita nilang patay na lalaki sa sementeryo. Tumawag
naman ng mga pulis ang kabaranggay nila upang i-report ang patay na lalaki.
Hindi nga nagtagal ay napuno na ng nag-usyuso ang sementeryo habang
nag-iimbestiga ang mga pulis.
Halos hindi naman sila makausap
ni Mariposa dahil hanggang ngayon ay nanginginig pa rin sila sa takot. Wala
ngang nakuhang matinong sagot ang mga pulis sa kanilang dalawa nang tinatanong
sila. Sila kasi ang tinanong dahil sila ang nakakita.
“Umaatake na naman si Heart
Snatcher Killer! Pebrero na naman, e!” Palatak ng isang pulis.
Sa tingin ni Susan ay ang
naturang killer ang pumatay sa lalaki. Ganoon kasi ang uri ng pagpatay nito.
Tinatadtad ng saksak ang biktima tapos wawakwakin ang dibdib para kunin ang
puso.
Umugong ang bulungan ng mga tao
nang marinig ng mga ito ang sinabi ng pulis.
“Sino kaya si Heart Snatcher
Killer, `no?” tanong ng isang payat na babae sa matabang babae na katabi nito.
“Ang sabi, aswang daw iyan.
Ginagawang kuwintas iyong mga puso na kinukuha niya!” sagot ng matabang babae
sa payat na babae.
“Hoy, hindi kaya!” singit naman
ng isang lalaking maitim. “Na-broken hearted iyan kasi na-seenzoned ng crush
niya. Kaya nagalit sa mundo. `Ayon, pumapatay na lang ng tao! Bitter iyan sa
Valentine’s Day kaya tuwing February pumapatay.”
“Na-seenzoned lang, naging
killer na? Ang babaw naman no’n!” pakli ng matabang babae.
“Aling Badang, ganoon na talaga
ang mga millennium ngayon,” katwiran pa ng maitim na lalaki.
“Anong millenium? Baka
millenials!” Pagtatama ng payat ng babae.
“Sa amin, millenium ang tawag,
e. Nangingialam ka diyan? Saka magkatunog naman!”
Nilapitan ni Susan ang isa sa
mga pulis upang itanong dito kung pwede na silang umuwi ni Mariposa. Pwede na
naman daw dahil wala naman daw silang matinong sagot. Wala naman daw mapapala
sa kanila. Kaya inaya na niya si Mariposa na umuwi na.
“Doon muna ako sa bahay ninyo,
Susan. `Di ko talaga keri iyong nakita nating patay!” takot na turan ni
Mariposa.
Pumayag naman siya pero bago
siya umuwi sa binabantayang bahay ay dumaan muna siya sa bahay ng tita niya.
Nagpaalam siya dito na baka bukas na lang siya magbabantay sa internet shop.
Kahit bawasan na lang ang sahod niya. Mabuti na lang at pumayag ito. Sa palagay
niya kasi ay hindi rin siya makakapag-concentrate sa pagtatrabaho. Kailangan
muna niyang alisin sa isip niya iyong hitsura ng pinatay sa sementeryo.
Pagdating niya sa binabantayang
bahay ay umupo agad sila sa sofa ni Mariposa. Nakatulala lang sila at walang
imikan.
“Susan, painom ako, ha. Nauuhaw
ako, e,” ani Mariposa sabay tayo.
“O, saan ka pupunta?”
“Ah, iinom ako, `di ba? Siguro
sa banyo? Baka mas masarap ang lasa ng tubig sa inidoro, e. Tubol flavor!” pilosopong
sagot ng bakla. “Malamang sa kusina. Nandoon ang ref, `di ba?”
“Ako na! Diyan ka na lang!”
aniya kay Mariposa at siya na ang pumunta sa kusina para kumuha ng tubig para
dito.
Binuksan niya ang ref at kinuha
ang isang pitsel. Kumuha na rin siya ng dalawang baso at nagsalin siya ng tubig
doon. Saka siya bumalik sa salas. Inabot niya kay Mariposa ang isang baso at
sabay nilang ininom iyon.
“Nakakatakot na talaga ang
February sa lugar natin, `no? Hangga’t hindi nahuhuli ang killer na iyon, hindi
mawawala ang bad vibes feels ko sa month na ito. Parang hindi mag-a-araw ng mga
puso!” pakli ni Mariposa matapos nitong uminom.
“Sinabi mo pa! Kaya dapat
marunong tayo ng self-defense! Dapat kaya nating protektahan ang ating mga
sarili kahit na babae tayo,” napangiwi siya. “Ah, e… ako lang pala. Bakla ka
pala.”
“Hay naku! Protektahan nga ang
puso ko sa taong nanakit nito hindi ko kaya, sa killer pa kaya na iyan? Afraid
much na talaga ako!” Maarteng sabi ni Mariposa na akala mo ay isa itong babae
talaga.
“Ang arte mong bakla ka!”
naiiritang sambit ni Susan.
Hello sir! Nagsusulat ka pa ba? Invite sana kita sa Toodat.com. Community kami ng writers and avid readers ng mga ganitong kuwento na active sa pagbibigay ng feedback at pag-swap ng tips. You can email us at community[at]toodat[dot]com if you're interested.
ReplyDelete