Sunday, September 27, 2020

Kapit Sa Patalim 10 (Last Chapter)

 

HULING KABANATA



        MULA sa siwang ng pinto ng aparador ay kitang-kita ni Jane ang nangyayari sa kwarto ng magkakapatid. Gustuhin man niyang lumabas at tulungan ang dalawa mula sa White-Masked Killer ay hindi niya magawa. Kailangan din kasi niyang protektahan si Baby Toby. Kapag lumabas siya sa kaniyang pinagtataguan ay malaki ang posibilidad na makita ng killer si Baby Toby at pati iyon ay saktan o kaya ay patayin. At hinding-hindi niya iyon papahintulutan na mangyari.

Mula sa pagkakatayo sa pinto ay nakita niyang naglakad ang killer papunta sa kama kung saan nakatali si Calvin. Nagpupumiglas si Calvin habang pilit na sumisigaw pero hindi ito makasigaw dahil sa busal sa bibig. Nakatitig lang dito ang killer nang walang anu-ano’y malakas na hinampas nito sa ulo si Calvin gamit ang maso! Kitang-kita ni Jane ang pag-agos ng dugo mula sa ulo ni Calvin. Nawalan na ito ng lakas na kumilos. Gising pa ito pero parang nanghihina na. Namumungay na ang mata nito na parang anumang oras ay makakatulog na.

Wala talagang awa ang White-Masked Killer. Kung noon ay pinatay nito ang mga alaga niya sa mga Brillantes ngayon naman ay ang sa Sanchez naman ang bibiktimahin nito!

Maya maya pa ay ipinatong ng killer ang maso sa ibabaw ng kama ni Calvin. May kinuha ito sa loob ng dala nitong kulay itim na bag. Isang plais! Bigla nitong inalis ang busal sa bibig ng nanghihinang si Calvin. Pinisil nito ang bibig nito gamit lamang ang isang kamay kaya ngumanga si Calvin nang malaki. Ipinasok ng killer ang plais sa loob ng bibig ni Calvin at kita niya na inipit nito gamit iyon ang isang ngipin ni Calvin at malakas iyong hinila! Tumalsik pa kasama ang dugo mula sa bagang ni Calvin.

Tanging ungol na lang ang nagawa ng kawawang si Calvin ngunit nababanaag niya sa mukha nito ang labis na sakit. Hindi pa doon natapos ang lahat dahil pumwesto naman ang killer sa may paanan ni Calvin at sa pamamagitan ng plais ay isa-isa nitong tinuklap at tinanggal ang mga kuko sa paa nito. Impit siyang napaiyak sa kaniyang nasasaksihan na pagpapahirap ng killer kay Calvin.

Labis ang awa na nararamdaman niya habang pinapanood ang lahat. Nakakapanghina ang paghihirap na nakikita niya sa mukha ni Calvin ngunit wala man lang siyang magawa dahil sa takot. Isa pa, ano ang kalaban-laban niya sa isang taong sanay pumatay at halang ang kaluluwa?

“T-tulong… Tulungan niyo kami!” sigaw ni Calvin kahit halatang nahihirapan itong magsalita.

Tila hindi nagustuhan ng killer ang ginawang pagsigaw ni Calvin kaya muli nitong kinuha ang maso at nang makita niyang hahampasin nito iyon si Calvin ay inilayo niya ang mata sa siwang at pumikit. Kahit nakapikit na siya ay dinig na dinig niya pa rin ang pagtama ng maso sa ulo ni Calvin. Pati ang pagkadurog ng bungo. Nagwawala na si Cristine habang umuungol sa pag-iyak. Alam niyang awang-awa din ito sa kapatid at natatakot din ito sa gagawin dito ng naturang killer.

Tahimik na umiyak si Jane. Inihiga muna niya si Baby Toby sa tabi niya at tinakpan niya ang kaniyang mga tenga gamit ang dalawang kamay upang hindi marinig ang kalunus-lunos na nangyayari sa labas ng aparador.

Hanggang sa huminto na ang tunog ng paghampas ng maso ng killer. Muli siyang sumilip sa siwang at halos bumaligtad ang sikmura niya nang makita na nagkalat ang dugo sa kama ni Calvin. Durog na durog ang ulo nito at nagkalat maging ang nadurog nitong utak.

Maya maya ay bumaling ang killer sa takot na takot na si Cristine. Halos madurog ang puso ni Jane dahil hindi niya magawang tulungan ito. May kinuha ulit ang lalaki sa bag nito. Isang malaking gunting!

Kitang-kita niya ang pagmamakaawa sa mukha ni Cristine habang papalapit dito ang killer na may tangan na gunting. Wala itong nagawa kundi ang umiling habang umiiyak.

Hinawakan ng killer ang damit ni Cristine at gamit ang gunting ay winasak nito ang damit. Pati ang bra nito ay sinira rin ng killer. Kaya lumantad ang dibdib ni Cristine. Ang buong akala ni Jane ay pagsasamantalahan ng killer si Cristine pero ganoon na lang ang gulat niya nang biglang gupitin ng killer ang mga nipples ni Cristine! Bumulwak ang masaganang dugo mula sa dibdib nito. Nakatingin lang dito ang killer habang namimilipit ito sa sakit.

At tinapos na nga ng killer ang buhay ni Cristine sa pamamagitan nang pagtarak ng nakabukang gunting sa noo nito. Agad na huminto si Cristine sa paggalaw at namatay na nakadilat ang mga mata.

Pigil ni Jane ang paghagulhol kahit gusto niyang umiyak nang malakas sa labis na awa sa dalawang bata. Hindi niya maipaliwanag ang sakit at hirap na naranasan ng mga ito bago bawian ng buhay. Napasandal na lang siya sa loob ng aparador nang makita niyang papalabas na ng kwartong iyon ang killer.

Ngunit bigla namang umiyak si Baby Toby. Gumapang ang kaba kay Jane dahil alam niyang maririnig ng killer ang pag-iyak ng kasama niyang sanggol. Kukunin niya sana si Baby Toby para patahanin ngunit naisip niya na huli na ang lahat. Kailangan niyang mag-isip ng paraan para hindi siya mapatay ng killer!

Tumayo siya at naghanap ng pwede niyang magamit na pangprotekta sa sarili. Pero puro damit na nakahanger lang ang nandoon! Ano naman ang pwede niyang magamit sa mga iyon?

Mabilis na pinagana ni Jane ang kaniyang utak at isang ideya ang kaniyang naisip. Kinuha niya ang hanger na yari sa bakal. Pinutol niya iyon para magkaroon ng matulis na dulo ang pinagputulan. Itinuwid niya iyon gamit ang mga kamay at hinawakan niya iyon nang mahigpit. Matuwid siyang tumayo at hinintay na buksan ng killer ang pinto ng aparador saka siya aatake.

Bumaba ang mata niya sa may siwang. May anino siyang nakikita na papalapit sa aparador.

Humanda ka sa aking hayop ka! Matapang niyang turan.

Hindi na dapat siya matakot. Walang mangyayari kung matatakot siya. Naisip niya rin na hindi siya maililigtas ng kaniyang takot kaya mas makakabuti kung lalaban siya hanggang kamatayan. Kesa sa wala siyang ginawa.

Palapit na nang palapit ang anino. Patuloy pa rin sa pag-iyak si Baby Toby.

Inihanda na ni Jane ang sarili. Nang biglang buksan ng may-ari ng anino ang aparador ay malakas siyang sumigaw sabay saksak ng dulo ng pinutol na hanger sa mata ng taong iyon. Tumagos ang dulo ng hanger sa maskara ng lalaki. Ipinagdiinan pa ni Jane ang pagkakabaon ng hanger hanggang sa may makita siyang umaagos na dugo sa leeg ng lalaki.

Malakas niya itong itinulak at nang matumba ay mabilis niyang kinuha ang gunting na nakabaon sa noo ni Cristine at binalikan ang lalaki. Walang pagdadalawang-isip na isinaksak niya iyon sa leeg nito ng maraming beses. Hindi talaga siya tumigil hangga’t hindi siya sigurado na patay na ito. Puno na ng dugo ang buong mukha niya at mga kamay. Humihingal na itinapon niya ang gunting.

Doon na niya pinakawalan ang paghagulhol na kanina pa niya pinipigilan. Umiyak siya nang umiyak. Inilabas niya ang lahat ng paghihinagpis niya dahil sa pangalawang pagkakataon ay hindi niya nagawang iligtas ang dalawa sa mga batang ipinagkatiwala sa kaniya ng mga magulang nito.

Ngunit iyon na ang huling batang mamamatay sa kamay ng White-Masked Killer dahil napatay na niya ito. Hindi na ito makakapangbiktima pa dahil siguradong mapupunta sa impyerno ang kaluluwa nito!

Maya maya ay kinuha na niya si Baby Toby mula sa aparador. Umiiyak pa rin ito. Paalis na sana siya sa silid na iyon nang makita niya sa ibabaw ng kama ni Cristine ang bag na dala ng killer. Hindi niya maintindihan sa sarili kung bakit tila gusto niyang malaman pa kung ano ang laman niyon.

Pansamantala niyang inilagay si Baby Toby sa crib at kinuha ang bag. Medyo mabigat iyon. Binuksan niya ang zipper at itinaktak sa ibabaw ng kama ang laman. At ganoon na lang ang pagkagimbal niya nang may malaglag na pugot na ulo mula sa loob ng bag. Ang mas lalong nagpagimbal kay Jane ay nang makilala niya kung kaninong ulo iyon!

“Princeee!!!” Palahaw ni Jane. Hindi niya malaman kung dadamputin ang pugot na ulo ng kaniyang nobyo na may sariwa pang dugo o hahayaan na lang iyon. Napaupo na lang siya sa sahig habang umiiyak.

Kung ganoon ay naging biktima rin ng White-Masked Killer si Prince bago ito nagtungo sa bahay ng mga Sanchez? Kaya pala wala siyang natatanggap na text o tawag dito dahil pinatay na pala ito ng hayop na killer na iyon!

Ang pag-iyak ni Jane ay naantala nang may marinig siyang yabag ng sapatos na papalapit sa kwartong iyon. Napatingin siya sa nakabukas na pintuan. Kinakabahan niyang hinihintay kung sino ang susulpot doon. Hanggang isang tao ang nakita niyang pumasok sa kwarto. Nakasuot din ito ng puting maskara ngunit ang katawan nito ay halatang sa babae.

Dalawa ang White-Masked Killer? Hindi makapaniwalang tanong niya sa sarili. Ngunit bakit tila babae ang pangalawang killer?

Biglang sumigaw ang babaeng nakasuot ng puting maskara nang makita nito ang pinatay niyang lalaki. “Kristoff!!!” Umiiyak na dinaluhan ng babaeng nakamaskara ang duguang lalaki.

Tama ba ang pagkakadinig niya? Kristoff ang pangalan ng lalaking pinatay niya? Naguguluhang napatayo si Jane habang pinapanood ang pagdadalamhati ng babae. Kung ganoon ay sino ito?

Hindi makapaniwala si Jane nang maalis ang maskara ng lalaki dahil sa pagkakayakap ng babae at lumantad ang mukha nito. Para siyang mababaliw nang malaman na si Kristoff Brillantes ang lalaking pinatay niya! Kung gayon, ang babaeng iyon ay walang iba kundi si…

“M-ma’am Yvonne?” tawag ni Jane sa babaeng nakamaskara.

Huminto ito sa pag-iyak at marahang tumayo. “Hayop ka! Pinatay mo ang asawa ko!” At nakumpirma niyang si Yvonne nga ito nang alisin nito ang suot na maskara.

Napaatras si Jane sa labis na pagkabigla. “B-bakit?” Naguguluhan niyang tanong.

“Bakit?!” Puno ng poot nitong sigaw. “Ikaw ang dapat kong tanungin niyan, Jane! Bakit?! Bakit mo nagawa iyon sa pamilya ko?! Bakiiit?!” Tila nababaliw nitong sigaw.

Sa pagkakataon na iyon ay bumalik sa alaala ni Jane ang totoong nangyari pagkatapos niyang magtago sa closet noong nasa bahay siya ng mga Brillantes…

Halos maputol na ang braso ni Jane sa lakas ng pagkakahila ng lalaking nakasuot ng puting maskara. Matagumpay siya nitong nailabas sa closet. Nagpumiglas siya. Kailangan niyang makawala mula dito dahil kung hindi ay papatayin din siya nito! Kaya naman nang magkaroon siya ng pagkakataon ay tinuhod niya ang lalaki sa pagkalalaki nito. Nabitawan siya nito at nagkaroon na siya ng tiyansa na makatakbo. Ngunit nang malapit na siya sa pinto palabas ng kwarto ay bigla siyang tinawag ng killer…

“Jane! S-sandali. A-ako ito!” Natitilihan na napahinto si Jane. Kilala niya ang boses na iyon.

Marahan siyang humarap at nakita niyang inalis ng lalaki ang maskara nito. Gulat na gulat siya nang malaman na si Prince pala ang lalaking iyon!

“P-prince?” Hindi makapaniwalang bulalas ni Jane.

“S-sandali…” paika-ika itong naglakad palapit sa kaniya habang sapo ang nasaktang pagkalalaki.

Napaatras si Jane nang akmang hahawakan siya nito. Naguguluhan siya. Paanong si Prince ang White-Masked Killer?

“A-anong ginawa mo? Bakit mo sila pinatay, Prince?!”

“N-napilitan lang ako. Magnanakaw lang naman ako kaya ako nandito. Ginagamit ko lang ang maskara ng White-Masked Killer para siya ang mapagbintangan kapag nagsumbong na kayo sa pulis. Kaya lang nanlaban kasi iyong katulong tapos naalis niya ang maskara ko. Nakita niya ang mukha ko. Sa takot ko ay pinatay ko na lang siya. Tapos iyong batang lalaki. Nakita niya rin ako. Nakasilip siya sa pinto ng kwarto niya kaya pinatay ko din siya. Jane, h-hindi ko intensiyon na pumatay ng tao. Wala lang akong pagpipilian!”

“K-kung ganoon ay iyan ang raket mo? Ang magnakaw? K-kaya mo ba ako pinipilit na magtrabaho dito ay para malaman mo kung anu-ano ang pwedeng nakawin dito?” Tumango si Prince at yumuko. Sa galit ni Jane ay pinagsasampal niya ito. “Hayop ka! Hayop ka!”

Hinawakan ni Prince ang dalawa niyang kamay upang pigilan siya sa pagsampal dito. “Ginagawa ko lang ito para sa atin, Jane! Nag-iipon ako para mapakasalan na kita! Paatwarin mo ako! Napilitan lang akong pumatay! Kaya sana ay tulungan mo ako, Jane! Parang awa mo na! A-ayokong makulong. Mahal mo naman ako, `di ba? Jane?” Mangiyak-ngiyak na wika ni Prince.

At dahil sa pagmamahal ni Jane sa kaniyang nobyo ay pumayag siya sa naisip nitong plano. Nagsinungaling siya sa ikwenento niya sa mga pulis. Pero ang totoong nangyari ay dinala siya ni Prince sa guest room at doon ay sinaksak siya nito ng dalawang beses at iyon ay may pagpayag niya. Iyon ay para magmukhang biktima din siya. Napagbintangan ang White-Masked Killer dahil sinabi niya na iyon ang umatake sa kanila. Nagnakaw din si Prince sa bahay ng mga Brillantes bago ito umalis kaya nagtataka si Jane kung bakit sinabi ng mag-asawang Brillantes na walang nawalang gamit sa mga ito ng gabing iyon.

Nagsinungaling siya sa mga pulis upang hindi makulong ang kaniyang nobyo.

“Hindi mo ba alam na puno ng CCTV camera ang bahay namin, Jane?” Tigam sa luha si Yvonne. Nakakuyom ang dalawang kamay nito. “Kaya alam namin ni Kristoff na ang boyfriend mo ang pumasok sa bahay namin at hindi ang White-Masked Killer! Plinano namin ito ng asawa ko—ang pagganti sa iyo at sa walanghiya mong nobyo! Hindi namin sinabi na nawalan kami ng gamit upang ang mapagbintangan ay ang White-Masked Killer dahil ang gusto namin ay kami mismo ni Kristoff ang pumatay sa inyong dalawa! Kinailangan nga lang namin patayin ang dalawang bata dito upang bumalik ang trauma mo! Para takot na takot ka habang pinapatay ka namin! Matagal namin itong hinintay, Jane! Ang gabing ito upang maipaghiganti namin ang kamatayan ng tatlo naming anak!”

Napaluhod ulit si Jane sa kaniyang nalaman. Walang tigil ang pag-agos ng luha sa kaniyang pisngi. “P-patawarin ninyo po ako!” Hagulhol niya.

“At pagkatapos, ang asawa ko naman ang pinatay mong hayop ka! Hindi kita mapapatawad, Jane! Hindi mo kilala ang binangga mo! You messed with the wrong family!” Biglang nanlisik ang mga mata ni Yvonne. “Alam mo ba kung bakit gabi-gabi kaming umaalis ni Kristoff sa bahay? Iyon ay dahil um-attend kami ng isang Human Auction! Bumibili kami ng tao sa auction na iyon at kapag nananalo kami sa bidding ay dinadala namin ang taong iyon sa secret mansion namin at doon namin iyon pinaglalaruan at pinapatay! Kaya humanda ka na, Jane! Ikaw na ang susunod sa boyfriend mo!”

Mula sa likod ni Yvonne ay naglabas ito ng matalim na kutsilyo. Sumigaw ito at sinugod siya. Pero bago pa siya nito masaksak ay nadampot na niya ang maso sa ibabaw ng kama ni Calvin at malakas niyang inihataw iyon sa binti ni Yvonne. Umusli ang butong naputol sa binti ni Yvonne. Natumba ito at napaluhod.

Sinamantala na ni Jane ang pagkakataong walang kalaban-laban si Yvonne. Tumayo siya sa harapan nito. Itinaas niya ang maso sa ere.

Nanlaki ang mata ni Yvonne nang makita nito ang gagawin niya. “Nooo!!!” sigaw nito na may kasamang takot.

“You messed with the wrong babysitter!” aniya at ubod lakas niyang ipinukpok ang maso sa ibabaw ng ulo ni Yvonne. Sa lakas niyon ay halos mayupi ang buong mukha nito. Nagtalsikan ang dugo sa kung saan-saan at walang buhay na bumagsak si Yvonne sa sahig.

Pagkatapos niyon ay parang tinakasan ng tapang si Jane. Hindi siya makapaniwala na magagawa niya ang lahat ng ito. Nabitawan niya ang maso at pinuntahan niya si Baby Toby na tahimik na nakahiga sa crib.

“Baby Toby!” Napaiyak siya dahil ligtas ito. Binuhat niya ito at niyakap nang mahigpit.

Kailangan na nilang lumabas upang humingi ng tulong. At ang naisipan niyang puntahan ay ang kapitbahay ng mga Sanchez. Pagkalabas nila ni Baby Toby ng bahay ay tumakbo siya sa kabilang bahay kahit wala siyang suot na sapin sa paa.

Tamang-tama dahil nakabukas ang gate sa kabilang bahay kaya nakapasok siya agad. Maging ang main door ay bukas din. Pagkapasok ni Jane ay agad siyang nagtawag sa mga tao na naroon ng tulong pero walang sumasagot sa kaniya. Hanggang sa may marinig siyang kaluskos sa kusina. Pumunta siya doon at nagtaka siya nang makita na nakatali ang mga kamay at paa ng mga nakatira doon. Ang mag-asawa at dalawang anak pati na ang dalawang kasambahay. Bukod sa nakatali ang mga kamay at paa ay may busal din sa bibig ang lahat. Umiiyak ang mga ito.

Bakit parang may gustong sabihin ang mga ito sa kaniya?

Nagtataka man ay lumapit siya sa mga ito at inalis ang busal ng isa sa mga kasambahay.

“Umalis ka na! Hindi ka na dapat nagpunta dito! Nandiyan na siya! Nandito siya!” Naghihisterikal nitong sigaw.

Kumunot ang noo ni Jane. Magtatanong pa sana siya nang marinig niya ang pagsara ng main door. Hanggang sa may marinig siyang yabag ng mga paa. Huminto iyon at naramdaman niya ang isang presensiya ng tao sa kaniyang likuran.

Natatakot man ay pinili pa rin niyang humarap sa kaniyang likuran. Doon ay nakita niya ang isang lalaki na nakasuot ng puting maskara habang may dalang matalim na kutsilyo.

“Nahanap din kita! Ngayon, papatayi na kita!” Nakakapangilabot na sabi ng White-Masked Killer—ang totoong White-Masked Killer!

 

WAKAS

No comments:

Post a Comment