TITLE: Kapit Sa Patalim
AUTHOR: Soju
GENRE: Thriller, Horror
All Rights Reserved.
NAGISING si
Jane sa sunud-sunod at malalakas na katok sa pinto ng apartment na kaniyang
tinutuluyan ng umagang iyon. Noong una ay hindi niya iyon pinapansin. Humablot
pa siya ng isang unan, tumagilid at ginamit na pangtakip sa tenga ang unan.
Mariin niyang ipinikit ang mga mata at inisip na wala siyang naririnig na
ingay.
Maliit
lang ang apartment unit na tinitirahan ni Jane. Studio-type iyon at ang
kagandahan ay meron siyang sariling banyo at lababo. Wala siyang kama kaya
naglalatag lang siya ng manipis na kutson sa sahig at doon natutulog. Mag-isa
lang siya sa unit na tinutuluyan. Pang-isahang tao lang naman talaga iyon at
kapag dalawa na ay masikip na. Bukod sa manipis na kutson ay meron siyang
electric fan na simula ng tumira siya doon dalawang taon na ang nakakaraan ay
hindi pa niya napapalitan. Minsan lang niya iyon malinisan kaya kulapol na ang
alikabok sa blade at iba pang parte ng bentilador.
Nagtatrabaho
sa isang factory ng potato chips si Jane. Isa siyang production operator. Minimum
ang sweldo. Hindi sapat para sa sarili niya at pamilya niya sa probinsiya. Siya
na lang kasi ang walang asawa sa limang magkakapatid. Pang-apat siya. Naunahan
pa siyang mag-asawa ng bunso nila. Sa totoo lang ay wala pa sa isip niya ang
paglagay sa tahimik kahit dalawang taon na lang ay wala na sa kalendaryo ang
edad niya.
Dahil
wala pang asawa ay siya na lang ang inaasahan ng mga magulang niya na matatanda
na. Tanging pagtatanim ng gulay at pagbebenta niyon ang pinagkakaabalahan ng
mga ito. Maliit din ang kita sa ganoon dahil hindi naman malaki ang taniman ng
mga ito kaya kailangan pa rin talaga ng tulong niya.
Sa
madaling salita, galing siya sa isang mahirap na pamilya.
Taga-Albay
talaga siya sa Bicol. Lumuwas siya ng Laguna dahil ayon sa mga kakilala niya na
nagtatrabaho dito ay marami daw factory dito. Marami nga naman. Kahit ang high
school graduate na katulad niya ay nakakapasok ng trabaho nang hindi
nahihirapan.
Totoo
naman ang mga sinabi ng kakilala niya. Wala pang isang linggo simula nang
dumating siya sa Laguna ay nakahanap agad siya ng trabaho. Una niyang trabaho
ay sa isang electronics company. Natapos ang kontrata niya at hindi siya
na-regular. Humanap ulit siya nakapasok na siya sa factory ng potato chips na
hanggang ngayon ay doon pa rin siya nagtatrabaho.
Hindi
biro ang trabaho ni Jane. Ilang oras siyang nakatayo at nagpa-pack ng mga
potato chips sa kahon. Isinasalansan pa niya iyon ng maayos. Masakit sa likod,
binti at paa pero kinakaya niya para lang kumita ng pera. Siya rin naman ang
talo kapag sumuko siya. Hindi lang siya kundi pati na ang pamilyang umaasa sa
kaniya.
May
nobyo naman siya—si Prince. Magka-edad lang sila. Parehas silang twenty seven
years old. Dati niya itong katrabaho sa una niyang trabaho. Doon sila
nagkakilala. Niligawan siya nito kaya lang binasted niya. Isip-bata kasi ito at
masyadong maloko. Barumbado at palaaway. Nakaaway nga nito ang supervisor nila
dahil napikon ito sa paraan ng pagkakatingin ng supervisor nila noon. Natanggal
ito sa trabaho. Pero gwapo naman si Prince. Tama lang ang kulay, matangkad at
maganda ang built ng katawan. Maangas ang mukha nito. Bad boy, kumbaga.
Ang
akala niya ay doon na matatapos ang ugnayan nila ni Prince pero hindi pa pala.
Dahil kahit wala na ito sa trabaho ay inaabangan pa rin siya nito sa pag-uwi
niya. Inihahatid siya pauwi ng apartment. Nagtiyaga ito sa kaniya hanggang sa
naramdaman na lang niya na mahal na niya si Prince. Kaya nang ligawan siya nito
ulit ay hindi na niya ito pinahirapan pa. Sinagot na niya ito at sa kasalukuyan
ay dalawang taon na silang magkarelasyon.
Napaungot
si Jane nang magpatuloy ang pagkatok sa pinto. Sa totoo lang ay inaantok pa
siya. Kulang pa siya ng tulog. Kulang na kulang! Nag-out siya ng alas diyes ng
gabi. Nakauwi siya sa apartment ng halos ala una na ng madaling araw dahil
birthday ng supervisor nila. Nilibre sila sa labas. Uminom ng kaunti.
“Ano,
Jane?! Putang ina! Alam kong nandiyan ka sa loob kaya huwag kang
magbingi-bingihan! Baka gusto mong gibain ko na itong pinto?!” Ang matinis at
malakas na boses ng landlady nila na si Manang Elsa ang nagpabangon sa kaniya.
Pupungas-pungas
na tumayo si Jane. Sabay kamot sa puwitan. Naka-panty lang siya at ang
pang-itaas ay ang blouse na suot niya nang umuwi. Nakainom kasi siya at medyo
nahihilo. Ang pantalon na lang ang nahubad niya tapos bumagsak na siya ng
higaan at nakatulog.
Balak
niya sanang matulog maghapon tutal ay rest day niya ngayon. Kaya lang malabo
nang mangyari iyon dahil kay Manang Elsa na ala sais pa lang yata ng umaga ay
nambubulabog na.
Napipilitan
man ay binuksan na lang niya ang pinto. Ang galit na galit na si Manang Elsa
ang bumulaga sa kaniya. Nakapameywang ito at kulang na lang ay umusok ang ilong
na parang dragon. May katabaan si Manang Elsa. Maputi ito at maliit na babae.
“Mabuti
naman at binuksan mo!” angil nito.
Isinandal
niya ang balikat sa gilid ng pintuan. “Manang Elsa, ang aga niyo namang mambulabog.
Kakaunting oras pa lang po ang naitutulog ko, e,” ungot niya. Halata sa
pagsasalita niya ang antok.
“Ako?
Kakaunti na ang pasensiya ko sa iyo! Aba, `asan na ang bayad mo? Tatlong buwan
ka nang walang bayad sa upa, Jane! Nangako ka na bukas ay magbabayad ka na.
Luging-lugi na ako sa iyong babae ka!” Malakas nitong turan na may kasama pang
panduduro.
Kung
hindi lang kawalang-galang ay tinakpan na niya ang bunganga ni Manang Elsa.
Paano’y ang lakas ng pagsasalita nito. Paniguradong naririnig iyong ng ibang
nangungupahan sa apartment nito. Nakakahiya.
“Manang
Elsa, okay lang ba na hinaan ninyo ang boses ninyo? Ang aga po. Baka magising
iyong iba ninyong tenant. Sabihin nila, `yong landlady pala dito ay bratatat
ang bunganga—”
“Ah,
wala akong pakialam! Magbayad ka na para tumahimik na ako!” Inilahad nito ang
isang kamay. “Six thousand ko! Akin na!”
Totoo.
Tatlong buwan na siyang hindi nakakapagbayad sa upa kay Manang Elsa. Hindi niya
iyon kasalanan. Kapag sumasahod siya ay nagtatabi siya palagi ng para sa bayad
sa upa. Dalawang libo kada buwan kasi ang bayad sa upa kaya kapag sumasahod
siya kada-kinsenas at katapusan ay nagtatabi siya ng isang libo. Kaya lang
iyong naitabi niya ay naipadala niya sa pamilya niya dahil nagkasakit ang nanay
nila. Ilang linggo din ito na nasa ospital kaya panay ang padala niya. Hanggang
sa nangungutang na siya sa mga katrabahho niya.
Nakalabas
na naman ang nanay niya sa ospital. Iyong sinasahod niya ay napupunta halos sa
pagbabayad ng utang niya. Sinisingil na kasi siya ng mga katrabaho niya at ayaw
niyang masira sa mga ito kaya iyon muna ang kaniyang inuuna.
Kaya
naiintindihan niya kung bakit galit na galit si Manang Elsa sa kaniya.
Ubod
tamis na nginitian ni Jane ang kanilang landlady. “Manang, huwag mainit ang ulo
ninyo. Alam niyo ba na nakakataba kapag high blood ang isang tao? Sayang naman
ang pagda-diet ninyo. Kayo din…” Pambobola niya.
“Ah!
Hindi mo ako madadala sa mga pambobola mo, Jane! Sawang-sawa na akong pagbigyan
ka!”
“Manang
Elsa naman—”
“Manang
Elsa mo mukha mo! Magbayad ka ngayon o papalayasin kita!”
“Hindi
naman po kita binobola, e. Effective kaya sa inyo ang no-rice diet. Ang payat
niyo na ngayon. Tungkol sa promise ko na magbabayad ako kahapon, pasensiya na
kayo, Manang Elsa. Kasalanan kasi ng accounting ng company namin. Late na naman
ang pasahod! Nakakaloka nga po, e!”
Dinuro
ulit siya ni Manang Elsa. “Sawang-sawa na ako sa palusot mo, Jane. Sabihin mo
lang kung hindi ka makakapagbigay ngayon dahil papalayasin na kita! Papaupahan
ko na lang `yan sa marunong magbayad!” Kulang na lang ay sapukin siya nito sa
sobrang gigil.
“`Wag
naman ganiyan, Manang Elsa. Bigyan niyo pa ako ng kaunting palugit. Sige na
po,” pagmamakaawa niya.
“Naku!
Marami na akong palugit na ibinigay sa iyo. Kung tutuusin nga ay mabait pa ako
sa iyo! Kaya humanda ka nang lumayas kapag hindi ka nakapagbigay sa akin
ngayon. Tapos ang usapan!” Inirapan siya ni Manang Elsa sabay talikod.
“Manang
Elsa!” tawag niya sa landlady ngunit tuloy lang ito sa paglalakad palayo.
Nanghihinang
isinara ni Jane ang pinto. Sumandal siya doon at sandaling pumikit. Saan naman
siya kukuha ng perang pambayad sa upa? Iyong sinahod niya ay ibinayad niya sa
mga utang niya at nagpadala siya sa kanila sa probinsiya kaya wala na halos
natira sa kaniya. Meron kaya lang kulang iyon na pambayad kay Manang Elsa.
Hindi
rin niya masisisi ang landlady nila. Nagne-negosyo ito. Mukhang hindi na niya
ito kayang daanin sa pambobola. Dama niya na seryoso ito sa sinabi nitong
papalayasin siya kapag hindi siya nakabayad ngayong araw.
Padabog
na bumalik si Jane sa higaan. Tuliro ang utak. Nag-iisip siya kung saan siya
kukuha ng pera kung puro na siya utang.
Doon
na pumasok sa isip niya si Prince. Makakautang kaya siya dito? E, sa
pagkakaalam niya ay wala itong trabaho. Anito, may mga raket ito pero hindi
naman sinasabi sa kaniya kung ano. Ang alam niya ay marunong tumugtog ng gitara
si Prince kaya iniisip niya na baka tumutugtog ito sa mga bar tuwing gabi.
Minsan kasi ay inililibre siya nito kaya nagtataka siya kung saan ito kumukuha
ng pera.
Bahala
na nga. Desperada na siyang magkaroon ng perang pambayad kay Manang Elsa. Ayaw
niyang mapalayas dahil wala siyang matutuluyan. Alangan naman kung sa kalye
siya matutulog.
Kaya
naligo na si Jane at nagbihis. Nagmamadali siyang umalis. Pumara siya ng jeep
at sumakay. Papunta siya sa bahay nina Prince na isang sakay lang ng jeep ang
layo mula sa tinitirahan niya. Habang nasa biyahe ay tinext niya ang nobyo.
Tinanong niya kung nasaan ito. Sumagot ito agad at sinabing nasa bahay lang.
JANE: Papunta ako diyan.
OTW na ako.
PRINCE: Bakit? Miss
mo na ako? Hehe!
JANE: Basta. Sige
na. Later na lang…
Nakatulala
na lang si Jane nang ilagay niya sa bulsa ang cellphone. Humugot siya sa wallet
ng barya at nagbayad sa driver. Ilang sandali lang ay bumaba na siya. Naglakad
siya papasok sa isang kalye hanggang sa marating na niya ang bahay nina Prince.
Bungalow
style ang bahay nina Prince. Yari sa semento at yero. Hindi ganoon kalaki pero
hindi din maliit. Sakto lang. Nakakapunta siya doon minsan kaya alam niyang
kasama nito doon na naninirahan ang nanay at tatay nito. Ang tatlo nitong
kapatid ay naroon din. Iyong dalawang babae ay may asawa na at doon din
nakatira ang asawa’t mga anak ng mga iyon. Kaya maraming tao ang nakatira doon.
Nakita
niya agad si Prince na nakatambay sa labas ng bahay ng mga ito. Wala itong
pang-itaas at shorts lang ang suot. Ang damit nito ay nakasampay sa kaliwang
balikat nito. Nagyoyosi. Panay ang buga ng usok.
Ngumiti
ito nang malaki nang makita siya. Kumaway ito at sinalubong siya.
“O,
bakit ka nandito? `Di mo sinabi sa text kung bakit.” Hinalikan siya nito sa
labi. Inakbayan siya at sabay na silang naglakad papunta sa bahay nito.
“May
problema ako, e.” Matipid na sagot ni Jane.
“Sa
loob na tayo mag-usap. Teka, nag-almusal ka na ba?” Umiling siya. “Tamang-tama!
May pagkain pa sa amin. Kumain ka muna at sasabayan kita kahit kumain na ako.”
Pagkapasok
nila ay naroon sa salas ang dalawang pamangkin ni Prince pati ang nanay ng
nobyo niya na si Perla. Agad itong sumimangot nang makita siya. Hindi kasi siya
nito gusto para sa anak nito. Hindi man nito iyon sinasabi ay nararamdaman at
nakikita niya sa kilos at pakikitungo nito sa kaniya.
“Good
morning po, tita,” bati ni Jane kay Perla.
“Ano
naman ang ginagawa niyang girlfriend mo dito ng ganito kaaga?” Malamig nitong
tanong kay Prince.
“Dinadalaw
lang ako, mama. May pagkain pa sa kusina, `di ba? Hindi pa kasi kumakain si
Jane.”
“Meron.
Pero kay Popoy na iyon. Tulog pa at hindi pa iyon nakain! Magagalit na naman
iyon kapag wala siyang pagkain paggising niya!”
Si
Popoy ang bunsong kapatid ni Prince. Pang-tatlo si Prince sa apat na
magkakapatid.
“Edi,
bumili na lang siya. Kasalanan niya at tanghali na siya gumising. Basketball
kasi nang basketball kahit gabi na!”
May
kasamang panggigigil na nagkamot ng ulo ang nanay ni Prince. “Ah, putang ina!
Bahala kayo sa kapatid mo kapag nagwala na naman iyon dahil walang pagkain!
Bakit kasi dito pa makikikain iyang babae mo? Wala ba `yang pambili ng
almusal?” galit pa nitong sabi.
Tumango
si Prince sa kaniya at hinila siya papunta sa kusina. Pinaupo siya nito at
pinagtimpla pa ng kape. Inihain nito sa kaniya ang pandesal, itlog at sinangag.
Parang nag-aalangan tuloy siyang kumain dahil sa sinabi ni Aling Perla kanina.
Maging kasalanan pa niya kapag walang nakain ang bunso nitong anak na si Popoy.
“Prince,
hindi na lang ako kakain. Okay na ako dito sa kape. Hindi na ako nagugutom,”
pabulong niyang sabi.
Kumunot
ang noo ni Prince. “Anong hindi gutom? Sabi mo, hindi ka pa nag-aalmusal. Kaya
hindi mo ako maloloko na hindi ka na gutom. Kumain ka. Huwag mong isipin ang
sinabi mama. Mainit ang ulo no’n kasi may hinala siya na may ibang babae si
papa!” Tumawa pa ito na parang wala lang dito ang dahilan kung bakit mainit ang
ulo ng nanay nito.
“Paano
si Popoy?”
“Ibibili
ko siya kapag nagising na. May pera pa ako dito. Saka huwag siyang magsisiga sa
akin at bubugbugin ko siya!”
“Prince!”
“Joke
lang!” Nag-peace sign ito. “Kailan ba ang nanakit ng kapatid? Sige na, kumain
ka na. Sasaluhan na kita para hindi ka mahiya.”
Nagsinungaling
siya nang sabihin niyang hindi na siya nagugutom dahil ang totoo ay nanghihina
na siya dahil sa gutom. Parang kinakain na ng malaki niyang bituka ang maliliit
niyang bituka. Kaya nilunok na lang ni Jane ang hiya ng oras na iyon at kumuha
na ng pinggan at naglagay ng sinangag na kanin at ulam na itlog.
Sinaluhan
siya doon ni Prince. Sinusubuan pa siya nito.
“Oo
nga pala. Ano ba `yong problema mo?” tanong niya sa gitna ng pagkain.
Nilunok
muna ni Jane ang nasa bibig niya at humigop ng kape bago sumagot. “Kailangan ko
ng pera.” Diretso niyang sagot.
“Lahat
naman tayo kailangan ng pera.” Tawa ni Prince.
“Seryoso
ako. Papalayasin ako ni Manang Elsa kapag hindi ako nakapagbayad sa kaniya
ngayon ng anim na libo.” Tumingin siya nang mataman kay Prince. “Prince,
kakapalan ko na ang mukha ko. Uutang sana ako sa iyo ng pera kung meron ka.”
Hindi
agad nakasagot ang nobyo niya. “Grabe naman iyang Manang Elsa na `yan. Gusto
mo, itumba ko na iyon, e! Joke lang!” Tumawa na naman ito sabay kamot sa likod
ng ulo. “Sige, mamaya ay ibibigay ko sa iyo ang hinihiram mo.”
“Talaga?!”
Hindi makapaniwalang bulalas ni Jane.
“Oo
naman, `no! Papabayaan ko bang mapalayas ng Manang Elsa na iyon ang girlfriend
ko? Siyempre, hindi. Saka huwag niyang inaapi ang mahal ko dahil may kakalagyan
siya sa aking baboy siya!”
“Ano
ka ba? Huwag ka ngang magsalita ng ganiyan. Baka kapag narinig ng iba, baka
isipin nila ay seryoso ka.”
“Ganito
kasi ako magsalita talaga. Hayaan mo na. Teka, dito ka lang. Kukunin ko lang
`yong pera.” Bago umalis si Prince ay nagawa pa nitong pagnakawan siya ng isang
mabilis na halik sa labi.
“Prince,
ano ba?!” Kinikilig niyang turan.
Kinindatan
lang siya nito at tuluyan nang iniwan siya sa kusina.
Napapailing
na napapangiti si Jane nang umalis si Prince. Kahit barumbado ito at maloko ay
hindi siya nito kayang pabayaan. Talagang mahal na mahal siya ng kaniyang
nobyo.
Kumuha
si Jane ng isang pandesal at kumurot ng malaki. Isinawsaw niya iyon sa kape at
nang isusubo na niya ay siyang pagdating naman ng nanay ni Prince sa kusina.
Naibaba niya tuloy ang hawak na tinapay dahil sa nahiya siya. Pati ang malaking
ngiti niya ay nawala din dahil nameywang ang nanay ni Prince habang nakatingin
sa kaniya. Nasa may tabi lang niya ito.
“Kain
po tayo, Tita Perla,” alok ni Jane.
“Ang
saya mo rin, ano? Ang saya-saya mo dahil ang swerte mo sa anak ko. At ang
lungkot ko dahil malas siya sa iyo. Mahirap na nga kami, nag-syota pa siya ng
mas mahirap! Pwe!” Kung makapagsalita naman ito ay parang may nagawa siya
ditong hindi maganda.
Hindi
na lang nagsalita si Jane. Hinayaan na lang niyang magsalita si Perla sa kaniya
kahit masakit na mga salita. Nanay pa rin ito ng kaniyang boyfriend at hindi
magandang tingnan kung papatulan niya ito.
“Talagang
dito ka pa nakikain. Wala ka bang pambili kahit dalawang pisong pandesal?
Inagawa mo pa ng almusal ang bunso ko. Patay-gutom kang babae!” Patuloy nitong
pang-aalipusta sa kaniya. Tahimik lang siya habang nakayuko. “O, bakit hindi ka
makapagsalita diyan, Jane? Guilty lang?!”
Tumingin
si Jane sa babae. “Tita Perla, hindi naman po—”
“Kita
mo na! Sumasagot ka pa! Walang ugali. Demonyita!” At dinuru-duro pa siya nito.
Napa-
“ha” na lang si Jane sa sarili niya dahil naguguluhan siya sa nanay ni Prince.
“E, tita, kasi sabi ninyo baka guilty ako kaya hindi ako nagsasalita. Pero nang
magsasalita na ako, sinabihan ninyong sumasagot ako. Ano po ba talaga, tita?
Kasi hindi ko na kayo maintindihan, e! Ang sakit sa bangs!” Hindi na niya
napigilang sagutin ng pabalang si Perla.
Sumagot
o hindi. Ganoon pa rin ang ending. Isa pa rin siyang masamang girlfriend para
kay Prince. Iyon ang tingin nito sa kaniya kahit ano ang gawin niya.
Patuloy
ito sa pagduro sa kaniya. “Nakita mo na! Walang modo! Hindi ka talaga bagay sa
anak ko. Palasagot ka sa nakakatanda!” Kulang na lang ay bumuga ng apoy ang
bunganga nito dahil sa inis.
Hindi
na nakatiis si Jane. Tumayo na siya at hinarap ang nanay ni Prince. “Kung
maayos lang sana kayong makipag-usap sa akin, edi, maganda. Tao akong pumunta
dito kaya sana ay ituring ninyo akong tao. Kayo ang walang paggalang sa
nakakaganda, tita!” At tinaasan pa niya ito ng kilay.
“Bastos!”
At isang malakas na sampal ang iginawad nito sa kaliwa niyang pisngi.
Sa
laki ng kamay nito at lakas ng sampal ay parang nakakita si Jane ng mga ibon na
nagliliparan sa itaas ng kaniyang ulo. Ipinilig niya ang ulo at doon na
dumating sa Prince.
“Anong
nangyayari dito?” buong pagtatakang tanong ni Prince pagkalapit sa kanilang
dalawa.
Biglang
umarte si Perla na akala mo ay aping-api ito. Paiyak-iyak kahit walang luha at
may paghawak pa sa malaking dibdib. “Si Jane! Sinasagot-sagot ako!
Pinagsalitaan pa niya ako ng masasakit na salita! Pinapakain na nga siya, siya
pa itong mataas! Hindi ko kaya ang ugali ng nobya mo, anak! Hindi ko kaya!” May
pagsigaw pa ito na akala mo ay kinakatay na baboy.
ITUTULOY...
No comments:
Post a Comment