Monday, September 14, 2020

KAPIT SA PATALIM 02

 

IKALAWANG KABANATA



        “JANE, sandali! Hintayin mo ako. `Yong hinihiram mong pera!” Habol siya ni Prince habang naglalakad palabas ng bahay nito.

Hindi na kinaya pa ni Jane ang mga pinagsasabi ng nanay ng kaniyang nobyo kaya kahit kabastusan ay umalis na lang siya. Tapos pinalabas pa nito na siya ang masama sa kanilang dalawa. Naiintindihan niyang ayaw nito sa kaniya pero huwag naman sanang dumating sa punto na pagsasalitaan siya nito ng ganoon. Pandesal lang ang kinakain niya tapos kung magsalita ito ay parang buong buhay niya ay ito ang nagpapakain at bumubuhay sa kaniya. Nanay nga niya hindi siya napagsasalitaan ng ganoon, e. Saka isa pa, wala siyang natatandaan na may masama siyang nagawa dito. Basta na lang itong umaasta ng ganoon sa kaniya. Kahit nga ramdam niyang ayaw sa kaniya nito ay pinipilit pa rin niyang gumawa ng paraan para magkalapit sila. Tao lang siya. Nasasagad din siya at sagad na sagad na siya. Hindi na niya kayang tiisin ang pagtrato ng nanay ni Prince sa kaniya.

“Jane, ano ba? Kunin mo na itong pera!” habol pa ni Prince.

Nasa may kalsada na sila. Malalaki ang hakbang niya. “Huwag na. baka pati iyan ay isumbat sa akin ng nanay mo. Nakakahiya naman sa kaniya!” Masama ang loob na turan niya. Hindi man lang niya nilingon si Prince.

“Jane!” Naabutan siya nito at hinawakan siya sa kamay.

Naluluha sa sama ng loob na humarap siya dito. “Iyang nanay mo kasi, e. Grabe kung magsalita tapos binabaligtad pa niya ako. Nananahimik akong kumakain tapos sisingitan niya ako ng mga salita niya na para bang pinapalamon niya ako!” Talagang masama ang loob niya.

“Para namang hindi ka pa sanay kay mama. Parang armalite talaga bunganga noon. Kahit nga kami ay sinasabihan no’n ng mas masakit pa.”

“Anak kasi niya kayo. E, ako? Hindi ko siya kadugo pero kung makapagsalita siya sa `kin ay ganoon na lang!”

“Huwag mo na lang pansinin. O, `eto na ang pera. Kailangan mo iyan. Isaksak mo iyan sa baga ng balyena mong landlady, ha. Sabihin mo, balang-araw ay papaulanan natin ng pera ang apartment niya!” Kinuha ni Prince ang isa niyang kamay at pilit nitong isinuksok doon ang pera.

Mariin niyang ikinuyom ang kamay. “Ayoko, sabi. Mas lalong magagalit lang ang mama mo niyang sa akin, e!” giit niya.

“Kunin mo na sabi, e. Kailangan mo `yan!”

“`Wag na, Prince. Ayokong mas dumami ang isusumbat ng mama mo sa akin.”

“`Wag nang mataas ang pride, Jane. Hindi naman kay mama ang pera na ito. Pinaghirapan ko ito. Ako ang kumilos para kitain ito at wala siyang pakialam dito.”

Tigas pa rin ang pag-iling ni Jane. “Hindi na talaga. Salamat na lang. papakiusapan ko na lang si Manang Elsa. Alam kong pagbibigyan pa niya ulit ako dahil matagal na akong nangungupahan sa kaniya. Mabait naman iyon. Baka hindi lang maganda gising niya kanina,” katwiran pa niya.

“Paano kung hindi? Paano kung palayasin ka na niya talaga? Ano ang gagawin mo?”

“Edi, sa kalye ako matutulog! Sanay ako sa hirap. Saka may malalapitan pa ako. Si Betty,” tukoy niya sa kaibigan niya na mula din sa kanilang probinsiya na nangtatrabaho na rin dito sa Laguna.

“`Yong kaibigan mong pokpok? Jane, naman! Baka mapariwara ka sa kaibigan mong `yon!”

“Anong masama kung pokpok ang kaibigan ko? Atleast, hindi siya judgemental!” Inirapan niya ang kaniyang nobyo. “Sige na. Babalik na ako sa apartment ko. Kakausapin ko pa si Manang Elsa!”

“Hindi mo na ba talaga tatanggapin itong pera ko? Sigurado ka na ba talaga?”

Sa totoo lang, duda si Jane na pagbibigyan pa siya ni Manang Elsa na ma-delay na naman ang pagbabayad niya sa upa. Sa ipinakita nito kanina ay talagang imposible. Ayaw niya lang talagang ibaba ang pride at tanggapin ang perang inaalok ni Prince. Pero bahala na talaga. Panigurado kasing makakarating pa rin sa nanay ni Prince ang paghiram niya ng pera at may masasabi na naman itong masasakit na salita sa kaniya. Tama na ang mga sinabi nito kanina. Ayaw na niyang madagdagan pa iyon.

“Hindi na.” Matigas niyang sabi. “Uuwi na ako. Itabi mo na lang iyan. Salamat na lang.”

“Ikaw ang bahala pero kapag nagbago ang isip mo ay magsabi ka agad.”

Isang tango na lang ang isinagot ni Jane at tinalikuran na niya ang nobyo. Malalaki ang mga hakbang na nilisan niya ang lugar na iyon.

 

MABUTI na lang at may barya pa si Jane sa kaniyang pitaka. Kasya pa na pamasahe niya pabalik ng apartment. Bakit kasi hindi siya nakahingi kahit pamasahe kay Prince, e? Sayang din.

Pagbalik niya sa inuupahang apartment ay nabigla siya dahil nasa labas na ng gate ang kaniyang mga gamit. “Ano ito?” Nababahala niyang sabi. Tinotoo na nga ni Manang Elsa ang sinabi nitong papalayasin siya.

Kailangan niyang makausap ang landlady nila! Makikiusap siya dito. Inilabas niya ang susi sa gate pero nang ipasok niya iyon sa padlock ay hindi na niya iyon mabuksan.

“Well, well…” Nagulat siya nang makita si Manang Elsa na papalapit sa kaniya. Naka-headband ito na may dalawang kulay itim na sungay. Nakangisi ito na parang nakakaloko.

“Demonyo?!” gulat na bulalas ni Jane.

“Gaga! Maleficent ang peg ko! May sungay nga ako, `di ba? Duh!” asik nito sabay halukipkip. “Well, well! Hindi mo na mabubuksan iyan dahil pinalitan ko na iyan ng padlock!” Malakas itong tumawa. Kitang-kita niya ang pag-uga ng ngala-ngala nito na parang kampana.

Napakapit si Jane sa rehas ng gate. “Manang Elsa, `wag niyo namang gawin sa akin ito. Please po. Wala pa po akong matutuluyan. Bigyan niyo pa po ako ng chance kahit one week lang.” Pagmamakaawa niya dito.

“One week? No! Tama na, Jane. Enough is enough! Luging-lugi na ako sa iyo!”

“Grabe naman kayo, Manang Elsa! Ano na lang ang mangyayari sa akin kapag wala na titirahan? Saan ako matutulog? Sa kalye? Alam niyo naman na maraming masasama ang loob ngayon. Paano kung mabiktima nila ako? Paano kung may mangyaring hindi maganda sa akin? Paano kung—”

“Paano kung ipadakip kita sa mga baranggay tanod dahil ayaw mo pang umalis?! Don’t dare me! Kayang-kaya ko iyon gawin, Jane!” Pinanlakihan pa siya nito ng mata.

“Ipadakip talaga? Grabe ka, Manang Elsa! Kakarmahin ka. Ang pangit naman ng apartment mo!”

“Aba! Bunganga mo rin, `no! Walang utang na loob! Ikaw na nga may utang sa akin, ikaw pa nagmamataas! Alis! Umalis ka at dalhin mo ang lahat ng basura mo! Tsupi!” Pagtataboy ni Manang Elsa. Malakas pa itong tumawa bago siya tinalikuran at naglakad papasok ng bahay nito.

Masama ang tingin ni Jane habang sinusundan ng mata si Manang Elsa. Nang wala na ito ay isa-isa niyang dinampot ang mga gamit. Inilagay niya ang mga damit niya sa travelling bag na naroon. Nagkasya naman. Binitbit niya iyon pati na ang maduming electric fan. Pero nang makita niya na ubod ng dumi ang electric fan ay ibinato na lang niya iyon sa gate ng apartment. Wala na rin naman iyong kwenta. Masisira na rin naman iyon kaya mabuting ibato na lang niya.

“Leche!” gigil niyang sigaw at naglakad na palayo sa lugar na iyon.

Ang unang naisip niya ay ang kaibigan niyang si Betty. Medyo malapit lang ang tinutuluyan nitong apartment sa kinaroroonan niya. Kayang-kaya niyang lakarin kahit nakakapagod at sobrang init pa. Kailangan na niyang tipirin ang perang meron siya kaya kesa mag-tricycle ay maglalakad na lang siya.

Halos sampung minuto pa lang na naglalakad si Jane ay tagaktak na ng pawis ang mukha niya. Nauuhaw na siya at pagod na. Grabe kasi ang araw. Tirik na tirik! Tapos may bitbit pa siyang mabigat na bag na ang laman ay mga gamit at damit niya.

“Kaunti na lang, Jane. Kaya mo `yan…” bulong niya sa kaniyang sarili.

Medyo malapit na naman siya sa bahay ni Betty. Kaunting lakad na lang at nandoon na siya. Lakad lang siya nang lakad hanggang sa makarating na siya sa inuupahang apartment ni Betty. Eksaktong nasa may bungad ito ng pintuan at nakaupo doon habang nagbubunot ng buhok sa kili-kili gamit ang tyani. Nakita siya agad nito at napahinto ito sa ginagawa.

“Jane! Anong nangyari sa iyo?!” bakas sa mukha nito ang gulat nang makita siya.

“Pakitulungan naman ako, Betty! Nakakapagod!” Nanghihina niyang sabi.

“Ay, wait lang!” Tumayo ito at nilapitan siya. Tinulungan siya nitong magbitbit ng kaniyang travelling bag. “Anong nangyari at para kang pinalayas sa hitsura mo?”

“Pinalayas talaga ako, `no. Pero pwedeng papasok muna sa loob? Uhaw na uhaw ako, e.”

Pagkapasok nila sa apartment ni Betty ay napaupo siya sa maliit na upuan na naroon. Hindi malaki ang apartment ni Betty. Studio-type lang din iyon.

Ikinuha siya nito ng isang basong tubig. “Pasensiya ka na, wala akong malamig, ha. `Di ko naman alam na darating ka,” aniya pagka-abot niya sa akin ng baso na agad kong inubos.

“Ayos lang!” napahinga ako nang malalim. Nakaramdam ako ng ginhawa nang masayaran ng tubig ang aking lalamunan. “Hay, salamat. Ang sarap ng tubig! May pagkain ka ba diyan? Nagugutom na rin kasi talaga ako, e.”

Napangiwi si Betty. “Wait lang, ha. Check ko lang muna.” Iniwan siya ulit nito. Pagbalik ay may dala itong pinggan na may nakalagay na dalawang turon. “`Eto na lang meron ako. Hindi pa kasi ako nakakapagluto.”

“Okay na iyan. Akin na!” Iniabot sa kaniya ni Betty ang pinggan at agad niyang sinimulang kainin ang turon.

Hindi na crispy ang wrapper pero ayos na iyon kesa sa wala.

Pinanood lang siya ni Betty pero hindi rin ito nakatiis at nagtanong na rin. “Ano ba talaga ang dahilan at nandito ka? Gutom na gutom ka pa at dala mo pa yata lahat ng gamit mo,” pag-uusisa nito.

Nilunok muna ni Jane ang nasa bibig bago sinagot ang tanong ng kaibigan. “Pinalayas na kasi ako ni Manang Elsa sa apartment kasi tatlong buwan na akong hindi nagbabayad ng upa. Kaya, friend, baka naman…”

“Anong baka naman?”

“Baka naman pwedeng dito muna ako sa iyo habang wala pa akong pera na pang-upa? Please…”

“Friend, ayos lang sa akin pero siyempre dalawa na tayo dito. Doble na rin ang magiging gastos ko kasi sabi mo wala kang pera. Paano `yan?”

“Hmm… Magbibigay ako sa iyo sa sahod ko. Sa ngayon, ikaw muna ang gagastos. Ilista mo na lang. Babayaran ko rin naman, e. G na G lang talaga ako ngayon. Puro pa ako utang. Nakakaloka na nga itong buhay ko, friend.”

Ngumuso ito sabay irap. “Anong ginagawa ng jowa mo na si Prince? `Di ba, marami `yong raket na hindi mo alam?” anito.

“Sa kaniya nga ako unang humingi ng tulong kaya lang iyong nanay niyang dragon ay masyadong kontrabida. Pinagsalitaan ba naman ako ng kung anu-anong masasakit na salita. Akala niya ay siya ang nagpapalamon sa akin! Grabe siya!” Himutok niya. “Kaya dito na lang ako sa iyo pansamantala, friend. Alam ko naman na hindi mo ako itatakwil, `di ba?” Nagpa-cute pa siya dito sa pamamagitan ng pagkurap-kurap ng mga mata.

“`Sus! Pa-cute pa ang pota! Oo na. Basta help me na lang sa mga gawain dito saka sa gastos na rin kapag may pera ka na. Saka maliit lang itong apartment ko kaya tiis na lang, ha.”

“Walang problema, friend. Ako ang mag-a-adjust for you!” Tumayo pa si Jane at mahigpit na niyakap si Betty. “Salamat talaga, friend! Talagang BFF kita kasi hindi mo ako kayang pabayaan. Thanks!” Mangiyak-ngiyak pa niyang pasasalamat.

Tinapik siya nito sa likod. “Oo na. Tama na. Masyado nang madrama!” Biro nito at kapwa sila nagkatawanan nang malakas.

 

GABI na. Nakahiga na si Jane sa kama ni Betty. Mag-isa lang siya doon dahil pumasok na ito sa night club kung saan nagtatrabaho ito bilang isang dancer at prostitute na rin. Lumalabas ito kasama ng mga lalaki upang makipag-sex. Iyon ang ikinabubuhay nito.

Kahit ganoon ang trabaho ni Betty ay mabuti naman ito bilang kaibigan sa kaniya. Katulad na lang ngayon, ito ang tumanggap sa kaniya. Kung wala ito ay baka sa kalsada o kalye na siya natutulog ngayon. Talagang nagpapasalamat siya na merong isang Betty sa buhay niya.

Sa dami ng nangyari ngayong araw na ito ay hindi siya dalawin ng antok dahil sa pag-iisip. Napalayas siya ni Manang Elsa, nabungangaan siya ng nanay ng boyfriend niya at naglakad siya na may bitbit na mabigat na bag.

“Sana naman ay antukin na ako. May pasok pa ako bukas, e,” aniya habang nakatingin sa kisame.

Ipipikit na sana ni Jane ang mga mata upang subukang makatulog nang may marinig siyang kaluskos sa may pinto ng apartment ni Betty. Kaya imbes na pumikit ay napamulat siya. Bigla siyang kinabahan dahil baka may magnanakaw o masama ang loob.

Pero ano naman kaya ang mananakaw sa bahay ni Betty? Wala naman itong mamahaling gamit?

Ipinilig niya ang ulo. Baka naman pusa lang. `Wag ka ngang paranoid, Jane! Saway niya sa sarili at muling sinubukang ipikita ang mga mata.

Wala pang limang segundo siyang nakapikit ay muli niyang narinig ang kaluskos. At hindi na lang basta kaluskos dahil dinig na dinig niya na parang may tumulak sa pinto. Parang pilit iyong binubuksan! Gawa kasi sa makapal na plywood ang pinto kaya dinig niya talaga kapag ginagalaw iyon o binubuksan.

Dahil doon ay mas lalong lumakas ang kabog ng dibdib niya. Unti-unti na rin siyang nakakaramdam ng takot. Imposible kasing si Betty iyon. May susi ito at papasok agad ito kung ang kaibigan niya ang nasa labas ng pinto.

Lord, please… Sana pusa lang. Sana pusa lang `yon! Taimtim niyang dasal.

Kaya lang, may pusa ba na kayang itulak ang pinto?

Lord, sana malaking pusa na kayang magtulak ng pinto lang! Muli niyang dasal.

Hanggang sa marinig niyang bumukas ang pinto. Nanlamig ang buong katawan niya dahil doon. May nakaharang kasi na makapal na kurtina sa buong kama kaya hindi niya makita kung sino ang nagbukas. Kung magnanakaw ang pumasok ay nasa panganib siya ngayon at kailangan niyang kumilos!

Baka kapag wala itong nakuha sa bahay ni Betty ay siya ang pagbalingan nito. Baka gahasain siya niyon at patayin. Ayaw pa niyang mamatay dahil marami pa siyang gustong gawin sa buhay. Hindi pa nga niya naiaahon sa kahirapan ang pamilya niya, e. Kaya hindi pa siya maaaring mamatay. Hindi ngayong gabi! Hindi talaga!

Tahimik na gumulong si Jane papunta sa gilid ng kama at bumaba siya. Gumapang siya at nagtago sa ilalim ng kama. Doon ay nakita niya ang paa ng taong pumasok. Nakasapatos iyon at mabagal na naglalakad sa loob ng apartment ni Betty.

Itinakip niya ang dalawang kamay sa bibig dahil baka bigla na lang siyang mapasigaw nang wala sa oras. Mariin din niyang ipinikit ang mga mata dahil natatakot siyang makita ang paa ng taong iyon. Taimtim siyang nagdasal na sana ay hindi siya makita ng taong pumasok sa bahay ni Betty.

Maya maya ay wala na siyang naririnig na tunog ng naglalakad. Marahan niyang iminulat ang mga mata at sumilip. Wala na siyang nakikitang paa. Ang ibig bang sabihin ay umalis na ang taong iyon? Baka wala itong makitang mananakaw kaya umalis na lang.

Pero dapat ay makasiguro siya. Kaya naghintay pa siya ng ilang minuto. At nang wala na talaga siyang maramdaman na ibang tao doon ay saka siya marahang lumabas sa kaniyang pinagtataguan. Pinagpagan niya ang sarili dahil puno siya ng agiw at alikabok.

“Grabe naman ang dumi doon!” reklamo niya.

Bigla siyang natigilan nang may maramdaman siyang mainit na hininga sa kaniyang likuran. Para bang may huminga nang malakas at tumama iyon sa kaniyang likod. Naka-backless kasi siya na blouse kaya ramdam niya. Pati ang malalim na paghinga ay bahagya niyang naririnig.

Nagtaasan ang balahibo ni Jane sa buong katawan. Malakas ang pakiramdam niya na may tao sa likuran niya.

Ano kaya kung magsisigaw siya at tumakbo sa nakabukas na pinto?

Pero paano kung maabutan siya ng nasa likod niya?

Makiusap na lang kaya siya?

“K-kung sino ka man, parang awa mo na. Huwag mo akong papatayin, please—” Hindi na niya nagawang tapusin ang pagsasalita dahil may kamay na tumakip sa kaniyang bibig mula sa kaniyang likuran. Pumulupot pa ang isang braso nito sa kaniyang beywang at kinabig siya palapit dito. Nagkadikit ang katawan niya at ng taong nasa likuran niya.

“Talagang papatayin kita!” Malaki ang boses nito. Isang lalaki!

Nanlaki ang mata ni Jane. Sinubukan niyang makawala sa pamamagitan ng pagpupumiglas pero sadyang mas malakas ang lalaki kesa sa kaniya kaya hindi siya nagtagumpay.

“Papatayin kita sa sarap!” Tumawa ito nang malakas na parang isang demonyo.

Pilit siyang sumigaw pero dahil sa kamay nito na nakatakip sa bibig niya ay puro ungol lang ang nagawa niya. Hanggang sa naisipan niyang manlaban na talaga nang husto. Bumwelo siya at buong lakas na tinapakan ang paa ng lalaki. Napasigaw ito sa sakit. Nang maramdaman niyang lumuwag ang pagkakahawak nito sa kaniya ay saka niya ito siniko sa tagiliran. Hindi pa siya nakuntento at humarap pa siya dito. Hinawakan ng dalawa niyang kamay ang ulo ng lalaki at iniuntog iyon sa kaniyang tuhod nang malakas!

Natumba ang lalaki habang dumadaing sa sakit. Sinamantala na niya ang pagkakataon. Tinakbo na niya agad ang pinto para tumakas at humingi ng tulong. Pero nasa bungad na siya ng pinto nang marinig niyang magsalita ulit ang lalaki.

“Aray ko! Jane! Ako ito… Araaay! Ang sakit!”

Nilingon niya ang lalaki dahil kilala niya ang normal nitong boses. Kinapa niya ang switch ng ilaw sa gilid ng pinto at binuksan iyon. Nanlaki ang mata niya dahil sa gulat nang makitang si Prince pala ang lalaking iyon.

“Prince!” Buong pag-aalala niyang binalikan ang nobyo. “Ikaw pala iyan! Naku, sorry! Hindi ko alam. Kailan ka pa naging akyat-bahay, ha?!” Pinalo ko pa siya sa braso.

“Aray ko! Hindi ako akyat-bahay! Jino-joke lang naman kita. Grabe ka naman manakit!”

“Hindi naman kasi maganda ang joke mo! Kasalanan mo iyan. May black eye ka tuloy!” Hindi niya tuloy alam kung maaawa o matatawa siya sa hitsura ni Prince. May black eye kasi ito sa kaliwang mata. Mukha itong panda na hindi maintindihan. “Saka ano bang ginagawa mo dito? Paano mo nalaman na nandito ako?”

“`Di ba, sabi mo ay kay Betty ka hihingi ng tulong? Kaya alam kong nandito ka.”

“Dapat kasi kumatok ka na lang. Akala ko kasi ay magnanakaw ka!”

“Hindi ba pwedeng gusto kong i-surprise ka? Ang sakit talaga! Aray!”

“Sorry na talaga, Prince… Ikaw kasi, e!” Paninisi pa niya sa kaniyang nobyo.





ITUTULOY...

No comments:

Post a Comment