Thursday, September 10, 2020

Ang Halimaw Sa Sitio Pulang Buwan [Ika-1 Na Kabanata]

 


NAGISING si Crisanto mula sa pagkakahimbing nang pumunit sa katahimikan ng gabi ang sigaw na sinundan ng palahaw ng bunso niyang anak na si Eeya. Mabilis siyang bumangon sa papag na kinahihigaan at nilapitan ang bunso.


Hinila niya ito sa pagkakahiga at niyakap nang mahigpit. “Tahan na, anak. `Andito si tatay. Tahan na…” alo niya habang mabilis na hinahaplos ito sa likod.


Anim na taong gulang pa lang si Eeya. Payat na bata at maliit. Sa apat na anak nila ng kaniyang asawa na si Rowena ay ito ang pinaka mahina at matatakutin. Mas lalo pang nadagdagan ang takot nito dahil sa isang kahindik-hindik na pangyayari sa kanilang maliit na lugar—ang Sitio Pulang Buwan.


Mahigit isang taon na rin ang nakakalipas nang manalasa sa Sitio Pulang Buwan ang isang halimaw na hindi nila alam kung saan nanggaling. Halimaw na walang puso at awa!


Wala silang ideya kung saang impyerno ito nanggaling. Nakakatakot ang anyo ng Halimaw. Akala mo ay isang malaking ibon na ang katawan ay sa tao. Kulay itim na may kasamang abo ang balat ng halimaw na iyon. Ang mga kamay ay may matutulis na kuko na kayang humiwa ng laman at buto. Akala mo ay sa agila ang mga paa ng Halimaw na ginagamit nito para dagitin ang biktima nito. Wala itong buhok sa ulo. Mapula ang nanlilisik nitong mata. Ang mga ngipin nito ay parang sa lagari ngunit malalaki at mas matulis. Meron itong mahabang dila na kayang sumakal sa leeg ng isang tao. Halos dalawang dipa niya ang isang pakpak ng Halimaw kaya kapag tumapat ito sa buwan ay kayang-kaya nitong takpan ang liwanag niyon. Meron itong mahaba at payat na buntot na may patulis sa dulo na akala mo ay isang maliit na patalim.


Bukod sa pumatay ay isa rin sa kakayahan ng Halimaw ang magpalit ng anyo. Kaya nitong gayahin ang wangis ng isang tao. Kaya may mga pagkakataon na dalawang Kapitan Gabo ang nakikita nila. Minsan ay may nakikita silang bagong mukha sa kanilang lugar kapag maliwanag. Doon nila nahinuha na kaya talagang magbago ng anyo ng Halimaw tuwing umaga.


Gaya niya ay nagising na ang asawa niya at ang tatlo pa niyang anak. Magkakatabi silang natutulog sa isang malaking papag na siya mismo ang gumawa. Sa lapag naman ang nanay ni Rowena.


“May halimaw! May halimaw!” Paulit-ulit na iyak ni Eeya. Nakakaawa itong pagmasdan. Kitang-kita sa bata ang labis na takot.


“Ang ingay naman…” ungot ng pangalawa na si Cristina.


“Magtigil ka, Cristina! Alam mong natatakot ang kapatid mo!” saway dito ni Rowena.


Parang wala lang na bumalik sa pagkakahiga ang tatlo niyang anak habang si Rowena ay bumangon para kargahin si Eeya. Iyon ang mabisang paraan para mapatahan ang kanilang bunso.


Isinayaw-sayaw ito ng kaniyang asawa hanggang sa huminto na sa pag-iyak at bumalik na ulit sa pagkakahimbing. Maingat itong ibinaba ni Rowena sa higaan habang nakatingin siya.


“Isang taon nang wala ang Halimaw ngunit dama pa rin natin ang epekto ng hayop na iyon. `Kita mo ang takot na iniwan niya sa anak natin?” Sapat ang hina ng boses ni Rowena at katahimikan ng gabi para marinig niya ito nang maigi.


“Isang halimaw laban sa mahigit singkwentang tao.” Iiling-iling si Crisanto.


Tama ang kaniyang tinuran. Inubos ng Halimaw ang tao sa Sitio Pulang Buwan. Tanging ang pamilya niya lamang ang nakaligtas sa pananalasa nito.


Swerte? Marahil ay ganoon na ngang matatawag ang nangyari sa pamilya ni Crisanto.


Katulad lang din siya ng bunso nila. Hanggang ngayon ay dinadalaw pa rin siya ng Halimaw sa panaginip. Takot din siya pero kaya niyang itago. Hindi niya maaaring ipakita sa mga anak niya ang takot niya dahil siya ang haligi ng tahanan. Dapat ay matibay siya at matapang. Dapat maramdaman ng mga anak niya na kaya niyang ipagtanggol ang mga ito.


“Matulog na tayo ulit.” Bumuntung-hininga si Rowena at sa tabi na ito ni Eeya pumwesto ng higa.


Sa tingin ni Crisanto ay hindi na siya makakabalik pa sa pagtulog. Ang hula niya ay nasa pagitan ng alas dos at alas tres ng madaling araw na ang oras. Binuksan niya ang pinto ng kanilang munting kubo na may mababang silong. Umupo siya sa unang baitang ng hagdan at tumingin sa matataas na puno sa harapan ng kanilang bahay.


Mahigit isang taon na pala silang tahimik na namumuhay sa gitna ng kagubatan na sakop ng Sitio Pulang Buwan. Isang taon na rin na hindi nagpaparamdam ang Halimaw. Wala na ang malakas na pagaspas ng pakpak nito tuwing gabi. Wala na ang kaluskos. Wala na ang kalunus-lunos na paghuni nito.


Isang tanong na lang ang nasa utak ngayon ni Crisanto. Babalik pa ba ang halimaw sa Sitio Pulang Buwan?


At dahil sa katanungan niyang iyon ay hindi niya naiwasang sariwain kung saan nagsimula ang lahat dalawang taon na ang nakakalipas…




ISANG mapaminsalang pandemya ang kumitil sa halos kalahati ng populasyon sa buong mundo ang kinakatakutan ng lahat. Mahigit isang taon na ang pandemya ngunit wala pa ring nabubuong lunas para dito. Wala pa ring pag-asang nakikita ang sangkatauhan na magwawakas na ang pandemya dahil sa virus na kung tawagin ay black virus. Iyon ang ipinangalan sa naturang virus dahil ang itim daw ay kulay ng kamatayan.


Labis na nakakatakot ang black virus dahil oras na magkaroon ka nito ay bilang na ang araw mo sa mundo. Humanda ka na daw na humarap sa iyong kamatayan. Una ay manghihina ka, lalagnatin at mahihirapan sa paghinga. Pagkatapos ng mga iyon ay magkakaroon ng sensasyon ang buong katawan mo na para kang nasusunog. Hanggang sa unti-unting mabubulok ang balat mo na para bang may maliliit na insektong kumakain dito nang unti-unti. Ganoon ang magiging sitwasyon mo hanggang sa bawian ka ng buhay.


Karamihan sa tinatamaan ng black virus ay nagpapakamatay. Doon din naman daw ang bagsak nila kaya uunahan na nila ang virus.


Madali ring makahawa ang taong may black virus. Kapag nahawakan ka ng taong meron nito ay malaki ang tyansang mahawa ka. Naipapasa din ang virus kapag nahawakan mo ang bagay na kontaminado nito o malanghap mo ang hangin na may kasamang black virus. Sumasama kasi ito sa hangin at tumatagal doon ng isang araw.


Ngunit may mga lugar sa mundo na gaya ng Sitio Pulang Buwan na hindi tinamaan ng black virus. Iilan lamang ang ganitong ligtas na lugar. Hindi nga yata alam ng ibang tao na may Sitio Pulang Buwan. Labis na liblib ang kanilang lugar at napakalayo sa kabihasnan. Isa pa, labis na malayo sa ibang lugar ang Sitio Pulang Buwan kaya tatamarin ang kahit na sinong umalis o lumabas doon. May maliit silang lupa na sakahan at malawak na kagubatan. Hindi na nila kailangan na lumabas ng kanilang lugar dahil lahat ng kanilang pangangailangan ay nandoon na.


Simple lamang ang pamumuhay sa Sitio Pulang Buwan. Kakaunti ang mga tao na hindi lumalagpas sa isangdaan kaya lahat sila ay magkakakilala.


Karaniwan sa bahay ay yari sa pawid, kahoy, kawayan at bato. Hindi man marangya ang buhay pero kuntento na sila sa kung ano ang meron sila. Mas mabuti na ang ganitong buhay kesa sa magulong siyudad.


Wala silang elektrisidad. Gasera at sulo ang kanilang tanglaw sa gabi.


Kung may nakakalabas man ng Sitio Pulang Buwan ay si Kapitan Gabo lamang. Meron itong kabayo na may hinihilang paragos. Minsan ay nagtutungo ito sa kabilang bayan para bumili ng pangunahin nilang pangangailangan gaya ng mga damit, pagkain na wala sa kanilang lugar at kung anu-ano pa. Minsan ay nagpapadala sila dito ng mga ibebenta nila sa bayan kaya sila kumikita ng pera.


Isang mainit na tanghali, nakita ni Crisanto si Kapitan Gabo na paparating sakay ng kabayo nito na may paragos. Sa likuran ay may nakasampang isang sako na ang laman ay mga bagay o pagkain mula sa bayan. Ibebenta nito ang mga iyon sa tapat ng maliit nitong tahanan.


Nakasunod na ang ilan sa mga kalugar ni Crisanto sa kanilang mabait na kapitan. Paunahan kasi minsan sa mga bagay o pagkain na bibilhin ng kanilang pera. Ibibili niya ng kendi ang mga anak niya at bagong damit para sa asawa niyang si Rowena. Kaarawan kasi nito bukas at nais niya itong handugan ng regalo.


“Magandang araw, kapitan. Ano na ang balita sa labas?” tanong ni Crisanto nang nasa harapan na siya ng bahay ni Kapitan Gabo. Kumuha siya ng apat na kendi at nagbayad.


“Ang aking narinig ay may gamot na daw sa black virus kaya masaya sila doon. Ang nakakalungkot lamang ay marami na pala ang namatay dahil sa virus na iyon. Mabuti na lang talaga at hindi tayo napinsala ng virus. Talagang pinagpala ang ating maliit na bayan.”


“Tama ka diyan. May maganda din na dulot ang pagiging malayo natin sa ibang bayan. Hindi nakaabot dito ang sakit na iyon. Kung umabot siguro dito iyon ay labis tayong mahihirapan dahil wala tayong ospital dito.”


“Mabait ang Diyos sa atin, sa Sitio Pulang Buwan.” Ngumiti ng malapad si Kapitan Gabo. “O, may bibilhin ka pa ba, Crisanto?”


“Meron pa po. May damit po ba kayo diyan na kakasya kay Rowena?”


“Aba’y meron. Tingnan mo sa kulay pulang plastik na iyan.” Itinuro nito ang pulang plastik.


“Salamat, kapitan!”


Isang ngiting malaki ang isinagot nito sa kaniya.


 



HINDING-HINDI makakalimutan ni Crisanto ang ngiting iyon ni Kapitan Gabo dahil iyon na ang huling beses na nakita niya ang ganoong ngiti ng kanilang butihing kapitan. Pagsapit ng gabi ay literal na naging kulay pula ang buwan. Ng gabi din na iyon unang nagpakita sa kanila ang Halimaw. Iyon ang unang gabi na ipinakita nito kung gaano ito walang awa at kalupit. Kinatakutan na nilang lahat kapag pula ang buwan dahil senyales iyon na sasalakay ang Halimaw.


Napapitlag si Crisanto nang maramdaman niya ang pag-agos ng luha sa kaniyang pisngi. Agad niya iyong pinalis gamit ang isang kamay. Sa tuwing naaalala niya ang karumal-dumal na naganap noon sa Sitio Pulang Buwan ay hindi niya maiwasang hindi maging emosyunal. Mahal na mahal niya kasi ang Sitio Pulang Buwan.


Dito siya ipinanganak. Dito namatay ang nanay at tatay niya nang makulong ang mga ito sa kuweba sa kagubatan. Nabagsakan ng malalaking bato ang dalawa nang eksaktong lumindol habang nasa loob ang mga ito. Dito rin siya umibig at nagkaroon ng sariling pamilya. Hanggang sa umedad na siya ng treinta y kwatro ay nasa Sitio Pulang Buwan pa rin siya.


Ang buong akala niya ay mananatili ang lahat sa kung ano ito ngunit nagkamali siya. Sa mahigit isang buwan lang na pananalasa ng isang halimaw ay inubos nito ang kababayan niya.


Ganoon pa man, nagpapasalamat pa rin si Crisanto sa Diyos dahil hindi nito hinayaan na mapaslang ng halimaw ang kahit na isa sa kaniyang pamilya. May mga nasugatan ngunit ang importante ay buhay silang lahat.


Napakalayo na ng hitsura ng Sitio Pulang Buwan ngayon sa dati. Bago dumating ang Halimaw ay masayang-masaya silang lahat. Masigla ang kanilang lugar kahit maraming bagay ang wala sa kanila na meron sa ibang lugar.


Ngayon? Tahimik na ang Sitio Pulang Buwan. Wala na ang halakhakan ng mga tao. Wala na ang sigawan ng mga batang naglalaro. Wala na ang ingay ng kwentuhan tuwing umaga. Mga nabubulok na bangkay at sira-sirang tahanan ang makikita sa Sitio Pulang Buwan.


Kaya upang makaiwas sa kalunus-lunos na tagpo ay nagdesisyon sina Crisanto na sa kagubatan ng Sitio Pulang Buwan manirahan at magsimula ulit. Kahit pa sabihin na hindi na nagiging pula ang buwan ay hindi sila nagpakampante.


Maganda rin sa kagubatan dahil sa tingin nila ay poprotektahan sila ng matataas na puno. Mahihirapan ang Halimaw na makababa sa kanila kung sakaling bumalik ito. Mahihirapan itong umatake dahil halos magkakadikit ang mga puno sa gubat.


Mula sa pagkakaupo ay bumaba si Crisanto sa tatlong baitang na hagdan. Sapat lamang ang laki ng kanilang kubo para sa kanilang anim. Wala silang lamesa at mga upuan. Sa sahig na kawayan na sila kumakain. Meron lamang silang batalan at kwarto. Ang kanilang palikuran ay nakahiwalay sa kanilang mismong bahay. Nasa may likuran iyon. Kung ano lang ang meron sa gubat ay iyon lang ang ginamit niya para makapagpatayo ng bahay.


May mga tanim din silang iba’t ibang gulay malapit sa ilog upang hindi sila mahirapan na diligan ang mga iyon kapag kinakailangan. Doon sila kumukuha ng pagkain nila sa araw-araw. Ang bigas naman ay kinukuha nila sa palayan na wala nang nagsasaka. Pinagyaman iyon ni Crisanto para meron silang ilaman sa kanilang tiyan.


Tumingala siya sa langit para pagmasdan ang bilog na buwan na akala mo ay nahihiyang nakatago sa likod ng ulap.


Iniisip ni Crisanto na ang dahilan kung bakit hindi nila natalo o napatay ang Halimaw kahit mas marami sila dito ay dahil sa takot. Pinangunahan sila ng takot kaya hindi na sila nakapag-isip kung paano ito magagapi. Palagi silang nagtatago sa kani-kanilang tahanan sa tuwing ito ay sumasalakay.


Kaya naman kung sakaling bumalik ang Halimaw ay naisip niya na dapat ay handa sila ng kaniyang pamilya. Isasantabi nila ang kanilang takot at lalaban para sa kanilang buhay.


Nagtungo si Crisanto sa gilid ng kanilang bahay kung saan siya nagsisibak ng mga panggatong. Meron doong putol na katawan ng puno. Doon siya nagsisibak gamit ang isang palakol. Sa ibabaw ng katawan ng puno ay may nakatusok na itak. Kinuha niya iyon at hinila ang mga kawayan na nakatago sa silong.


Umupo siya sa katawan ng puno. Gamit ang matalas na itak ay isa-isa niyang nilagyan ng tulis ang isang dulo ng mga kawayan. Ang mga iyon ang isa sa gagamitin nila kung sakaling magiging kulay dugo muli ang buwan sa Sitio Pulang Buwan!







ITUTULOY...





(NOTE: Huwag kakalimutang mag-iwan ng komento. Maraming salamat!)

No comments:

Post a Comment