NAGISING si
Jane na kumikirot ang ulo. Nanatiling nakapikit ang kaniyang mga mata dahil
pakiramdam niya kapag iminulat niya iyon ay mas lalong sasakit ang ulo niyang
parang binibiyak gamit ang itak. Patihaya siyang nakahiga.
Umungol
siya ng mahina. “Aray ko… Ang sakit ng ulo ko. Pucha naman, o!” Pumaling siya
sa kaliwa at may nahawakan siyang katawan ng isang tao. Sino `to? Tanong
niya sa sarili.
Medyo
nagulat siya kaya ibinukas niya nang bahagya ang mata at nakita niya ang
natutulog habang nakanganga na si Prince. “Ay, pucha…” Mahina niyang mura nang
maalala ang nangyari kagabi.
Pinuntahan
nga pala siya ni Prince kagabi at nag-aya ito na mag-inom silang dalawa sa
apartment ni Betty. Dalawang long neck na Empi Lights pa talaga ang tinira
nila. Malakas kasing mag-inom ang nobyo niya. Dati ay hindi siya malakas
mag-inom pero tila nahawaan siya dito. Ang pulutan nila kagabi ay mani na
tig-pipiso. Bumili sila ng isang banig niyon. Tubig lang ang chaser. Kaya naman
pala ang sakit ng ulo niya ngayon. Naiintindihan na niya kung bakit.
“Good
morning sa inyong mag-jowa! Breakfast? Gutom na ba kayo? Amoy ulam na ako!”
Muntik
pang mapasigaw si Jane nang makita niya si Betty na may hawak na siyanse.
Naka-hanging blouse ito at T-back na panty. Nagising na si Prince at upang
hindi makita nito ang ayos ng kaibigan niya ay mabilis niyang hinablot ang unan
at itinakip sa mukha nito.
“Ano
ba?” Nalilitong react ni Prince. “Alisin mo nga iyan sa mukha ko!” reklamo
nito.
Pinanlakihan
niya ng mata si Betty. “May shorts ka nga diyan, friend! Ang halay! Bilis,
friend!”
“Ay,
sorry naman! Gising na pala ang boyfie mo. Wait lang. Nakakahiya naman at baka
may makita siya.” Kinuha nito ang nakasabit na pekpek shorts sa likod ng pinto
at isinuot iyon sa harapan niya.
Saka
lang niya inalis ang unan sa mukha ni Prince.
“Bakit
mo ba tinakpan ng unan ang mukha ko?” Nagtatakang tanong nito.
“Ah,
e… wala. May gagamba kasi. Takot ka do’n, `di ba? Ang laki ng gagamba!”
“Hindi
ako takot sa gagamba!” Kakamot-kamot sa ulo itong tumayo at pumasok sa CR.
Nilapitan
siya ni Betty upang kausapin. “Grabe kayong dalawa, friend. Lasing to the max
talaga kayo, ha. Pag-uwi ko kaninang madaling araw ay nakita ko kayong
nag-iinom pa. Inaya niyo pa nga ako pero `di ko na keri dahil napainom na rin
ako sa bar. Bakit ba kayo nag-inom na dalawa? At hindi lang basta inom kundi
walwal to the max and highest level! May problema ba kayo ni Prince?” usisa
nito.
Umiling
si Jane at bumangon. “Wala. Trip lang niya na mag-inom kami kagabi.” Inayos
niya ang mga ginamit nila sa pagtulog. Tiniklop niya ang kumot at isinalansan
nang maayos ang mga unan.
“O,
siya. Mukhang tapos na naman kayong matulog na dalawa. Ako naman ang i-sleep,
ha!” Ibinigay nito sa kaniya ang siyanse. “May almusal na. Nagluto na ako.
Tirhan niyo na lang akong dalawa. Okay? I’m going to sleep na! May pasok pa ako
later, e.” Pagkasabi nito niyon ay humiga na ito.
Saktong
lumabas na si Prince sa banyo. Inaya niya na itong kumain ng almusal.
Habang
kumakain silang dalawa ay isang tawag mula sa kaniyang tatay ang natanggap
niya.
“Hello,
anak.” Naramdaman agad ni Jane na may problema ito base sa tono ng pagsasalita
nito.
“Bakit
po kayo napatawag, `tay? May problema po ba?” Medyo kinakabahan na siya.
“Anak,
huwag ka sanang mabibigla, ha. Huwag ka rin sanang magagalit sa akin. May
sasabihin kasi ako sa iyo. Kailangan namin ang tulong mo, anak…”
“Tatay,
ano po ba iyon? Sabihin niyo na. Huwag na po kayong magpaliguy-ligoy pa.”
Nagkatinginan
sila ni Prince.
“Naniningil
na kasi iyong pinagsanlaan ko ng lupa natin. Kailangan na nating makabayad sa
kaniya bago matapos ang buwan na ito. Kung hindi ay papaalisin na niya tayo.”
“Ano
pong pinagsanlaan? Nakasangla ang lupa natin? Paki-explain po.” Gulat na tanong
ni Jane.
“Oo,
anak. Naisangla ko noong magkasakit ang nanay mo. Hindi ba at pina-opera natin
siya noong nagkaroon siya ng appendicitis? Iyon ang ginamit naming pera para
doon.”
Labis
siyang naguluhan. “Ang sabi niyo sa akin ay sa charity kayo nakakuha ng—” Hindi
na niya itinuloy ang sasabihin dahil mukhang alam na niya ang nangyayari. Hindi
sinabi ng tatay niya na isinangla nito ang lupa nila dahil magagalit siya.
Bagkus, nagsinungaling na lang ito. Napahawak si Jane sa noo. “`Tay, dapat
sinabi niyo sa akin noon ang totoo. Nagawan ko sana ng paraan.” Bigla tuloy
siyang nanghina.
Ang
bahay at kakarampot na lupa na nga lang ang pagmamay-ari ng pamilya niya tapos
nanganganib pang mawala.
“Pasensiya
ka na. Nahihiya na rin kasi kami sa iyo dahil alam namin na hindi biro ang
buhay mo diyan. Alam namin na nahihirapan ka nang mag-isang bumubuhay sa aming
lahat dito. Kung kaya ko nga lang sanang magtrabaho pa.”
“Wala
pong problema sa akin iyon, tatay. Kailan niyo ba ako narinig na magreklamo?”
Pilit niyang kinakalma ang sarili upang makapag-isip nang maayos. “Magkano po
ba ang kailangan ninyo?”
“One
hundred fifty thousand pa, anak.”
Napapikit
si Jane sa sinabing presyo ng tatay niya. Kahit nga isandaang piso ay wala
siya. Iyon pa kayang one hundred fifty thousand? Saan siya kukuha ng ganoong
kalaking halaga?
“Gagawan
ko po ng paraan. Hanggang matapos ang buwan na ito, `di ba?” sagot niya kahit
hindi siya sigurado kung makakahanap siya ng ganoong pera. May tatlong linggo
pa bago matapos ang buwan na ito. Kaya niya kaya iyon?
“Oo,
anak. Pasensiya na talaga at ikaw lang ang pwede naming malapitan.”
“Ayos
lang po. Naiintindihan ko. Ang nanay at mga kapatid ko, kumusta po sila?”
“Ayos
lang silang lahat. Tinitipid namin iyong huli mong padala. Nakakaraos kami dito
kahit papaano. Ikaw, anak, kumusta ka diyan?”
“Okay
lang ako dito, `tay. S-sige po. Nakain pa po ako, e. Mag-iingat kayong lahat
diyan.”
“Salamat
ulit, anak.” At doon na natapos ang pag-uusap nila ng kaniyang ama.
Pagkabalik
niya ng cellphone sa ibabaw ng lamesa ay napamura na lang si Jane. Nawalan na
siya ng ganang kumain. Napatulala na lang siya. Tumatakbo ang utak niya kung
saan siya maghahanap ng pera. Gusto niyang umiyak pero alam niyang walang
maitutulong ang pag-iyak niya sa problemang pasan niya ngayon. Pinalayas na nga
siya sa kaniyang apartment tapos ngayon ito naman. Mukhang pati ang pamilya
niya ay mapapalayas din.
Ah,
hindi. Hindi siya papayag na mawala sa kanila ang bahay at lupa nila sa
probinsiya. Kahit maliit lang iyon ay mahalaga iyon para sa kaniya. Doon siya
lumaki, nagka-isip at nagsimulang mangarap. Iyon na lang ang meron sila kaya
hindi siya papayag na mapunta iyon sa ibang tao. Gagawin niya ang lahat kahit
pa ang kumapit siya sa patalim!
“Jane?”
untag ni Prince sa kaniya. Napatingin siya dito. “Bakit? Ano `yong sinabi ng
tatay mo?”
Walang
pag-aalinlangan na sinabi niya sa nobyo ang napag-usapan nila ng kaniyang ama.
“Ayokong mawala sa amin ang bahay at lupa namin, Prince! Hindi ako papayag!”
Himutok niya.
“E,
saan ka kukuha ng one hundred fifty bago matapos ang buwan? Ang laki no’n!”
Nawawalan
ng pag-asa na umiling siya. “H-hindi ko alam… Mangungutang sa mga katrabaho ko
ulit. O kaya hahanap ng part time job. Kahit ano. Basta makaipon lang ako ng
pera. Gagawin ko ang lahat, Prince! Ayokong mawala iyon, e.” Iniisip pa lang
niya na mawawala sa kanila ang bahay at lupa ay para na siyang naiiyak agad.
Isinubsob niya ang mukha sa dalawang palad upang pigilan ang pagpatak ng luha.
“May
alam akong pwede mong gawing part time job.” Biglang sabi ni Prince.
Mabilis
na umangat ang mukha ni Jane. “Ano?” Mabilis din niyang tanong.
Iniunat
ni Prince ang mga paa. Sumubo muna ito ng tinapay. “Ano… Madali lang.”
“Ano
nga? Anong trabaho? Malaki ba ang sahod diyan?”
“Babysitter.
Naghahanap kasi ng babysitter iyong kaibigan ng kakilala ko. Wala daw kasing
nagbabantay sa mga anak nila tuwing gabi. Ang trabaho yata no’ng mag-asawa ay
night shift.”
Kumunot
ang noo niya. “Babysitter? Ano naman iyon?”
“Hindi
mo alam ang babysitter?” Umiling siya bilang sagot. “Tagapag-bantay ng mga
bata. Pansamantala lang habang wala ang mga magulang nila. Ganoon lang!”
“Yaya?”
“Oo.
Parang gano’n na nga. Pero tuwing gabi ka lang magbabantay. Kapag bumalik na
ang parents nila, aalis ka na. Sayang din ang dalawang libo kada gabi. Mayamang
pamilya kasi iyon. Malay mo, matuwa sa iyo kapag nagustuhan ang serbisyo mo.
Bigyan ka pa ng bonus. Two thousand times twenty one days… Aba! Malaki din!
Tapos sa gabi ka lang magtatrabaho. Sa araw ay makakapahinga ka pa.”
“Magkano
ba?”
“Teka…”
Inilabas ni Prince ang cellphone at doon ito nagkuwenta. Kung makapagsabi naman
ito ng malaki ay parang alam na nito kung magkano. Iyon pala ay kailangan pa
nito ng tulong ng calculator. “Forty two thousand! Baka pwedeng pakiusapan
iyong naniningil na mag-aabot muna kayo ng kahit kaunti. Papayag siguro iyon
kesa sa wala kayong maibigay, `di ba?”
Aba.
Malaking halaga na ang sinabi ni Prince. Pwede rin nilang gawin ang suggestion
nito. Kaya lang may pagdadalawang-isip pa rin siya. “Gusto ko sana kaya lang
may regular job ako na shifting ang schedule. Paano kung magpang-gabi ako sa
trabaho ko? Paano ko mababantayan ang mga bata?”
“Nag-suggest
lang naman ako, Jane. Kung tatanggapin mo o hindi, ayos lang. Pero sayang kasi
lalo na at kailangan mo ng pera. Iyan lang kasi ang trabahong alam ko na pwede
mong pasukan ngayon.”
“Hanggang
kailan ba nila kailangan ng babysitter? Baka naman pansamantala lang.”
Tumaas-baba
ang balikat ni Prince. “Iyon ang hindi ko alam.” Nakalabi nitong sagot.
Bigla
tuloy siyang napaisip. Ano nga ba ang pipiliin niya? Ang regular na trabaho na
hindi ganoon kalaki ang sahod o ang trabahong malaki ang sahod pero hindi siya
sigurado kung hanggang kailan?
Trabaho?
Hindi niya alam kung bakit bigla iyong isinigaw ng utak niya.
Muntik
nang mahulog si Jane sa kaniyang kinauupuan nang maalala niya na may pasok nga
pala siya ng ala-sais ng umaga! Napatalon tuloy siya sa kaniyang kinauupuan
dahil malapit nang mag-ala-siyete. Late na late na siya.
“O,
bakit? Ano na naman ba?” Nagtatakang tanong ni Prince.
“May
pasok ako ngayon ng six! Shit! Bakit hindi ko naalala?” sagot niya habang
hinahalungkat ang mga damit. Kumuha siya ng tuwalya at panloob.
“E,
lagpas na ng six. Papasok ka pa ba? Huwag ka nang pumasok. Late ka na rin
naman, e.”
“Hindi
pwede. Na-warning-an na nga ako dahil palagi akong late! Kailangan kong pumasok
kahit late na ako!” Tumakbo na siya sa banyo at mabilisang naligo. Nagbuhos
lang siya ng dalawang tabo ng tubig, nag-shampoo, nag-sabon at nagbanlaw.
Tinuyo ang sarili at nagsuot ng panty at bra.
Kinukuskos
niya ng tuwalya ang basang buhok habang naglalakad. Sa harapan na rin ni Prince
siya nagbihis ng damit at nagsuot ng sapatos.
“Teka,
sasabay na ako sa iyo pag-alis,” anito.
KULANG
na lang ay lumipad si Jane sa pagtakbo habang papasok sa kumpanyang kaniyang
pinapasukan. Pagka-check ng guard ng kaniyang bag ay dumiretso na siya sa may
locker room upang magpalit ng uniform. Binilisan na lang niya ang pagkilos.
Pagkatapos niyon ay sa production area na siya pumunta. Pagkapasok niya ay
nakita niyang nagsisimula nang magtrabaho ang lahat.
Pagpunta
niya sa kaniyang puwesto ay may ibang nakapuwesto na doon na isang babae.
“`Te,
ako na diyan. Na-late lang ako. Ako nakapwesto diyan.” Nakangiti niyang sabi
dito.
Tiningnan
lang siya ng babae at hindi umalis sa puwesto.
May
tumapik sa kaniyang balikat at paglingon niya ay ang supervisor pala nila na si
Ma’am Erika.
“Ma’am,
nandito na po ako!” Medyo nilakasan niya ang pagsasalita dahil maingay sa
production area. “Sorry po dahil na-traffic po ako. Grabe nga po ang traffic.
Nakaka-stress!” Pagdadahilan niya.
“Jane,
traffic na naman ba ang sisisihin mo? Marami sa nagtatrabaho dito including me
ay mas malayo pa ang inuuwiang bahay kesa sa iyo at hindi kami nale-late. Alam
mo ba ang ginagawa namin? Gumigising kami ng maaga at kumikilos kami ng
mabilis. Iyon ang ginagawa namin kaya hindi kami nale-late!” Halatang naiinis
na ito sa kaniya. Naiintindihan naman niya dahil halos sunud-sunod na siyang
late.
Hindi
niya na kasi kayang matulog ng maaga sa sobrang dami ng iniisip. Kaya ang
nangyayari ay late na siyang nagigising kahit pa mag-alarm siya. Tapos nag-inom
pa sila ni Prince kagabi kaya lalo na siyang hindi nakagising ng maaga. Medyo
masakit pa nga ang ulo niya hanggang ngayon dahil sa hang over na nararamdaman
niya.
“Sorry
na po, Ma’am Erika. Hayaan po ninyo at hindi na mauulit.”
“Talagang
hindi na mauulit, Jane.”
“Bakit
po? Ia-approve niyo na po ba `yong nire-request ko na eight na ng umaga ang
pasok ko?”
“Hindi!
Alam mo kung bakit? Dahil you are fired!” Malakas nitong sabi sa pagmumukha
niya.
Natigalgal
si Jane sa sinabi ni Ma’am Erika. Parang alingawngaw na nagpaulit-ulit pa iyon
sa loob ng ulo niya. Napatulala na lang siya dito. “A-ano po? F-fired? As in
sisante na ako, ma’am?” Marahan siyang umiling. “Ma’am, huwag naman po kayong
mag-joke ng ganiyan—”
“Mukha
ba akong joker?!” Itinuro nito ang sariling mukha. “Naaapektuhan ang takbo ng
production dahil sa pagiging late mo. Pati mga tao sa nauunang shift,
inirereklamo ka na. Nakikita mo ba iyang nasa puwesto mo? Galing pa iyang sa
twelve-hour na trabaho tapos kailangan pa niyang magtrabaho ng another twelve
hours kasi late ka na naman!”
“Kaya
nga po nandito na ako, `di ba? Ma’am, huwag niyo po akong sisantihin, please!
Kailangan ko po ang trabahong ito. I love this job po, ma’am!”
“Love?
Love mo mukha mo! Kung love mo ang trabaho mo, hindi ka magpapaka-late lagi.
Umalis ka na dahil sisante ka na, Jane. I am sorry. Ayokong ako pa ang
mapagalitan ng mga head dito dahil nagki-keep ako ng trabahador na katulad mo.
Ihuhulog na lang namin ang huling sahod mo this week. Okay?”
Lumuhod
siya sa harapan ni Ma’am Erika. “Parang awa niyo na po. Hindi po ako pwedeng
mawalan ng trabaho ngayon! Please po, ma’am!” Naiiyak na pagmamakaawa niya
dito. Wala na siyang pakialam kahit marami pa ang nakakakita sa ginagawa na
niya. Mas importante ang trabaho kesa sa kahihiyan sa mga ganitong sitwasyon.
Kapag
kasi nawalan siya ng trabaho ay maghahanap na naman siya ng panibago. Mahigit
isang buwan ang kailangan niyang hintayin bago makapag-umpisa kung makakahanap
agad siya dahil mag-aasikaso pa siya ng requirements gaya ng medical. Hindi
naman siya agad sasahod kung sakali. E, sa katapusan na ng buwan ay kailangan
niya ng malaking halaga ng pera. Paano na siya makakaipon ngayon?
Nakatingin
lang sa kaniya si Ma’am Erika. Walang ekspresiyon ang mukha.
“Maawa
naman kayo sa akin, ma’am!”
“Jane,
hindi ako charity para maawa. Ginagawa ko lang ang trabaho ko dito. Pasensiya
ka na.” Tumalikod na ito sa kaniya at naglakad palayo.
“Ma’am!
Hindi pantay ang kilay ninyo!” sigaw niya dito. Hindi naman talaga pantay. Nadi-distract
nga siya kanina habang nag-uusap sila, e.
Wala
nang nagawa pa si Jane kundi ang tumayo at umuwi na lang sa apartment ni Betty
na luhaan at walang trabaho. Bakit ngayon pa nangyari ito kung kailan kailangan
na kailangan niya ng pera? Parang gusto na tuloy niyang sumuko. Magpakamatay na
lang para tapos na ang lahat.
Hindi
ka pwedeng magpakamatay, Jane! Marami ka pang binubuhay!
Sigaw sa kaniya ng isang bahagi ng utak niya. Oo nga pala, hindi siya pwedeng
mamatay. Kapag ginawa niya iyon ay baka mamatay sa gutom ang pamilya niya. Ayaw
niyang mangyari iyon.
Ang
kailangan niyang gawin ay mag-isip kung paano kikita ng pera nang mabilis!
“FRIEND,
magkano ba ang bentahan ng kidney ngayon?” Nakatulalang tanong ni Jane kay
Betty habang kumakain sila ng isaw sa labas ng apartment. Pagkalabas kasi ng
apartment ni Betty ay may nagtitinda ng mga inihaw na kung anu-ano.
“Kidney?
Bato?”
“Ay,
hindi! Iyong singer! Si Kidney Spears!” pilosopong turan niya.
Natatawang
hinampas siya nito sa braso. “Gaga ka! Britney Spears kasi `yon!”
“E,
nagtatanong ka pa kasi. Siyempre, bato. Kidney nga, `di ba?”
“Hindi
ko alam, e. Itanong mo diyan kay Ate Mabel at baka alam niya!” Tukoy nito sa
tindera ng inihaw. “Panay ang ihaw niyan ng lamang-loob, e.”
“Seryoso
ako! Alam mo naman na natanggal ako sa trabaho ko tapos kailangan ko pa ng one
hundred fifty thousand bago matapos ang month na ito, `di ba?” Pagkauwi niya
kanina mula sa dati niyang pinagtatrabahuhan ay nagising ito. Sinabi niya dito
ang lahat. Wala kasi siyang inililihim kay Betty. Kahit ganoon ito ay
mapagkakatiwalaan naman ito kahit papaano.
“Gaga
ka! Magbebenta ka ng kidney mo? Bad na magbenta ka niyan, friend. Baka katawan
mo naman ang mag-suffer kasi isa na lang kidney mo. Ikaw din. Baka pagsisihan
mo iyan.”
“Wala
na akong maisip na ibang paraan, e!” Himutok niya.
“`Wag
na lang kidney ang ibenta mo. Magbenta ka na lang ng laman katulad ko! Joke
lang! Huwag iyon. Huwag ka nang tumulad sa akin!”
“Ewan
ko sa iyo. Seryoso kasi ako! Bakit mapapautang mo ba ako, friend?”
Tumango
si Betty. “Oo naman pero hindi nga lang one hundred fifty thousand. Iyong one
hundred fifty lang ang kaya ko. Walang thousand!” Malakas itong tumawa. “Joke
lang, friend. Pinapatawa lang kita at alam kong pasan mo ang daigdig ngayon.
Pero don’t worry, magtatanong-tanong ako kung saan pwedeng umutang o kaya ay
work na pwede mong pasukan.”
“Thank
you talaga, friend, ha! Palagi kang nandiyan para sa akin. Hindi ko na tuloy
alam ang gagawin ko kung wala ka.”
Pabirong
umirap si Betty. “`Sus! Ang drama! Tama na nga iyan. Kumain na lang tayo nitong
isaw!” Isinawsaw nito ang isaw sa suka. “Ate Mabel, pabalot ng apat na betamax,
tatlong ulo at dalawang hotdog. Ulam namin iyan ng friend ko!”
“Okay.
Ang hilig mo talaga sa hotdog at ulo, Betty!” Puna ni Ate Mabel.
“Siyempre
naman. Iyan ang bumubuhay sa dugo ko. `Yong dugo ay `yong betamax! O, `di ba?!
Ang witty ko!” At nag-apir pa sina Betty at Ate Mabel. Pagkatapos ay kinausap
na ulit siya ng kaniyang kaibigan. “Teka, ikaw ba ay hindi maarte sa trabaho,
Jane? Kahit ano ay pwede mong pasukin at gawin?”
“Oo.
Hindi ako maarte basta `wag lang illegal at huwag katulad ng trabaho mo dahil
not for sale ang keps ko. Bakit may alam ka na ba?” Excited siyang malaman ang
sagot nito.
Matagal
na nag-isip si Betty bago sumagot. “Ah, e… Wala pa!” anito sabay tawa ng
malakas.
No comments:
Post a Comment