Sunday, September 27, 2020

Kapit Sa Patalim 09

 

IKASIYAM NA KABANATA



        NASA ikalawang palapag ng bahay ang silid ng mga anak nina Thessa at Cedrick. Habang paakyat sila ay parang may isang eksena sa utak ni Jane ang bumabalik. Agad niyang ipinilig ang ulo upang alisin ang nasa isip niya ng sandaling iyon. Hindi na dapat niya inaalala ang pangyayaring iyon. Matagal na iyong tapos at sigurado siyang hindi na iyon mauulit pa.

Sa iisang kwarto lang natutulog ang tatlong anak nina Thessa. Dalawa lang kasi ang kwarto sa itaas. Isa sa mga anak nila at isa para sa mag-asawang Sanchez. Pagkabukas ng pinto ng kwarto ng mga bata ay nakita niya ang isang teenager na babae. Nasa pang-isahang kama ito. May nakasuot na headseat dito at nagbabasa ng aklat. Sa kabilang kama ay isang batang lalaki na mas bata sa babae. Nakaharap ito sa laptop at hindi niya alam ang ginagawa. Nakasuot ito ng salamin sa mata. Sa gitna ng kama ay mayroong crib at naroon ang bunso na one-year old pa lamang.

Natigilan si Jane sa kaniyang nakita. Parang may naririnig siyang babaeng nagsasalita. Boses ni Yvonne! “Siya si Yssa. Siya naman si AJ. Siya si Baby Kayla…” Parang nauulinagan niya ang boses nito.

“Sila ang mga anak namin, Jane.” Napapitlag at bumalik sa reyalidad si Jane nang marinig ang boses ni Cedrick. “Si Cristine, Calvin at Baby Toby.” Ipinapakilala na pala nito ang mga aalagaan niya. “Kids! Attention, please.” Tumingin ang dalawa sa kaniya. “Ito si Ate Jane ninyo. Siya muna ang magbabantay at mag-aalaga sa inyo ngayong gabi. Tonight lang naman dahil bukas ng hapon ay nandito na rin kami.”

Pilit siyang ngumiti kahit balisa na siya. Kumaway siya sa dalawa. “Hello!” Kulang sa sigla na bati niya sabay baling sa mag-asawa. “Mukha naman silang mababait,” aniya. Nababalisa siya dahil naaalala niya sa tatlong anak ng mga Sanchez ang tatlong anak ng mga Brillantes. Iyon nga lang, lalaki ang bunso ng mga Sanchez habang babae naman sa mga Brillantes.

“Yes. Mababait sila at wala kang magiging problema sa kanila. Si Calvin nga pala, kapag sobra na sa kaka-laptop ay pagbawalan mo na, Jane. Lumalabo na kasi ang mata niyan kakalaro ng games sa laptop niya,” paalala ni Thessa. “Saka pwede ka nang umalis ng six ng umaga kasi alam ko na may work ka pa ng eight ng umaga, `di ba? Darating naman dito iyong kapatid ko para siya naman ang tumingin sa mga anak namin. Hindi lang talaga siya pwede ngayong gabi dahil may anak din siya.”

Nakangiting tumango si Jane. “Walang problema po, ma’am. Alam ko na po ang gagawin ko,” wika niya. “Ako na po ang bahala sa kanila. Iu-update ko din po kayo everytime para hindi kayo mag-aalala sa kanilang tatlo.”

 

PAGKATAPOS na makausap ni Jane ang mag-asawang Sanchez ay umalis na rin ang mga ito. Tinanong niya ang magkapatid na sina Cristine at Calvin kung ano ang gusto ng mga ito para sa dinner at nag-request ang mga ito ng pizza. May iniwan naman na budget para sa food ang mag-asawa kaya nagpadeliver na lang siya ng dalawang pizza para sa kanilang dinner. Nagtimpla na lang siya ng iced tea para may panulak.

Pagdating ng in-order nilang pizza ay kumain na silang tatlo. Nasa harapan sila ng TV sa salas at doon sila kumakain habang nanonood. Si Baby Toby ay nasa itaas at tulog pa rin. Kapag nagising iyon ay saka niya bibigyan ng gatas.

Habang nanonood sila ay pasimpleng tiningnan ni Jane ang kabuuan ng bahay. Doon niya napansin na lahat ng bintana ay merong grills. Pati iyong pinto ay meron pang isang pinto na yari din sa bakal na grills. Hindi na niya tuloy napigilan ang magtanong sa magkapatid ng tungkol doon dahil sa kaniyang curiosity.

“Bakit lahat yata ng pinto at bintana ninyo ay may grills?” tanong ni Jane.

Si Cristine ang sumagot sa kaniya. “Ewan ko nga po kina mama at papa. Kakapalagay lang po nila niyan last week. Nang mabalitaan kasi nila last month na nakatakas na naman `yong White-Masked Killer ay nagpalagay na sila niyan. Para daw sa safety namin. Ipapatanggal din naman daw po iyan kapag nahuli na iyong killer na iyon.” Pabalewalang sagot nito sa kaniya.

Parang binuhusan ng malamig na tubig si Jane sa kaniyang narinig. “N-nakatakas ang White-Masked Killer?” Natitigalgalan niyang tanong.

“Oo, ate. Balita iyon sa TV last month pa, a. At hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nahuhuli!”

Nanlalaki ang mga mata ni Jane at para siyang nahihirapan sa paghinga. Parang nag-e-echo sa loob ng ulo niya ang mga huling salitang sinabi sa kaniya ng White-Masked Killer nang makaharap niya ito noon sa kulungan…

“Oras na makatakas ulit ako dito, hahanapin kita. Hindi na ako makapaghintay na makita kang nahihirapan habang unti-unti kang nalalagutan ng hininga!”

“Hahanapin kita! Papatayin kita!”

Natatarantang tumayo si Jane. “Anong gagawin mo, Ate Jane?” takang-tanong ni Calvin.

“I-isasarado ko lang ang mga bintana at pinto.”

“Pero maaga pa naman, ate.”

“H-hindi. Mas mabuting magsarado na tayo. Sandali lang, ha?”

Iniwan muna ni Jane sandali ang dalawa upang magsara ng mga pinto at bintana sa buong kabahayan. Pati iyong bintana sa kwarto sa itaas ay isinara na rin niya dahil natatakot siya na baka doon pumasok ang killer. Maging ang back door sa kusina ay isinara na niya dahil nakabukas iyon nang makita niya. Pwedeng doon din pumasok ang kung sino man.

Bakit hindi man lang niya nabalitaan na nakatakas na naman pala ang White-Masked Killer? Ganoon na ba siya ka-busy at hindi niya man lang nalaman. Ngayon tuloy ay takot na takot siya dahil merong binitiwang salita ang naturang killer na hahanapin siya at papatayin. Paano pala kung matagal na siya nitong minamatyagan at naghihintay lang ng tamang pagkakataon?

Mariin na umiling si Jane. “Hindi! Hindi na ako makakapayag na maulit ang gabing iyon!” aniya habang pababa ng hagdan. Bumalik na siya sa tabi ng magkapatid. Nakatulala na lang siya sa TV at hindi na nagawang kumain dahil sa sobrang kaba.

“Okay ka lang, ate? Parang balisa ka…” untag ni Cristine.

Isang pilit na ngiti ang pinakawalan niya. “A-ayos lang ako. Kain na kayo para pagkatapos ay magawa niyo na ang assignments ninyo,” wika ni Jane.

Sa pagkakataon na iyon ay biglang umiyak si Baby Toby sa itaas. Napatayo agad si Jane at tumakbo paitaas. Talagang natataranta na siya simula nang malaman niyang nakatakas na ang White-Masked Killer. Pagdating niya sa kwarto ay agad niyang chi-neck kung bakit ito umiiyak. Iyon pala ay puno na ng ihi ang diaper nito. Kaya nilinisan niya ito at pinalitan ng diaper. Isinama na niya ito pagbaba at pansamantalang ipinabuhat kay Cristine dahil magtitimpla siya ng gatas sa kusina.

Pagdating ni Jane sa kusina ay kinuha niya na ang lalagyan ng gatas sa itaas ng ref. Nilagyan na niya niyon ang feeding bottle. Nang ibabalik na niya ang gatas sa itaas ng ref ay may nahagip siya sa gilid ng kaniyang mata. Ganoon na lang ang pagkasindak niya nang makitang nakabukas ang back door!

Natataranta niyang isinara iyon at ini-lock sabay takbo sa salas. “Bakit nakabukas `yong back door? Sino ang pumasok?!” Hindi na niya napigilan ang pagtaas ng boses.

“A-ako, ate,” ani Calvin. “Pinapasok ko lang si Mingming. Iyong pusa ko—”

“Pero sana isinara mo, Calvin! Delikado na ang panahon ngayon lalo na at gabi. Hindi niyo dapat pinapabayaan na nakabukas ang pinto. Paano kung may pumasok doon nang hindi natin alam?! Paano?!”

Tila natatakot na tiningnan siya ng magkapatid. Doon lang niya napagtanto na natatakot niya ang mga ito dahil sa pagtaas ng kaniyang boses.

Huminga siya nang malalim at kinalma ang sarili. “Sorry. Hindi ako galit o kung ano. Gusto ko lang masiguro ang safety ninyong lahat. Nag-aalala lang kasi ako kaya medyo tumaas ang boses ko. Sorry talaga. Hindi ko na uulitin.” Paghingi niya ng paumanhin. Baka kasi natatakot na sa kaniya ang mga bata.

“Okay lang, ate. Nagulat lang din ako sa reaction mo. Pero kasalanan naman talaga ni Calvin dahil hindi niya isinara ulit iyong pinto. Don’t worry, naiintindihan ka namin, ate.”

“Salamat. Gawin niyo na assignments ninyo, ha. Kung kailangan niyo ng tulong ay tawagin niyo lang ako. Akin na pala si Baby Toby. Doon muna kami sa taas para mapadede ko na siya,” aniya at kinuha na niya kay Cristine ang bunsong kapatid ng mga ito.

 

ALAS ONSE na ng gabi ngunit mailap pa rin ang antok kay Jane. Hindi pa rin nawawala sa isip niya na nakatakas pala sa kulungan ang White-Masked Killer noong nakaraang buwan pa. Nasa itaas na ang tatlong magkakapatid at tulog na ang mga ito. Bumaba siya sa salas upang manood ng TV. Hininaan na lang niya ang volume upang hindi siya makaistorbo sa mga natutulog. Baka kasi kapag pinagod niya ang mata ay aantukin na siya at makakatulog na rin.

Cartoons ang pinapanood niya para tamarin siya at antukin.

Nasa kalagitnaan siya ng panonood nang marinig niyang umiiyak si Baby Toby. Agad siyang tumayo upang puntahan ito. Pero nang akmang bubuksan na niya ang pinto ay tumigil na iyon sa pag-iyak. Naisip niya na baka naalimpungatan lang ito at muling nakatulog.

Hindi na niya itinuloy ang pagpasok dahil lilikha pa ng ingay ang pinto kapag binuksan niya. Paniguradong magigising na naman si Baby Toby. Kaya imbes na i-check ang baby ay bumalik na lang siya sa salas upang ipagpatuloy ang panonood. Ngunit pagbalik niya doon ay ganoon na lang ang laki ng kaniyang pagtataka. Ang huli niya kasing natatandaan ay bukas ang TV nang umakyat siya sa itaas pero bakit ngayon ay naka-off na iyon?

Dahil doon ay bigla siyang kinilabutan. Hindi kaya…

Ipinilig niya ang ulo upang alisin ang negatibong bagay na naroon. Imposible! Sobrang imposible na nakapasok siya dito, tukoy niya sa White-Masked Killer.

Naiisip niya kasi na baka nasundan siya nito. Pero inisip na lang niya na imposibleng alam nito na nandito siya ngayon. Ang naging paghaharap nila noon sa bahay ng mga Brillantes ay ang una at huli na. Hindi na iyon mauulit pa.

Ang mabuti pa siguro ay matulog na rin siya. Kesa sa gising siya tapos kung anu-ano ang naiisip niya. Pipilitin na lang niya ang sarili na makatulog. Doon na lang siya sa itaas magpapaantok. Sa kwarto ng magkakapatid din siya matutulog. Binigyan naman siya ng kutson, comforter, unan at kumot. Kaya kahit sa sahig siya ay kumportable pa rin.

Paakyat na sana si Jane nang biglang tumunog ang telepono sa salas kaya napabalik siya upang sagutin iyon. “Hello po?” aniya pagkaangat ng telepono at maidaiti niya iyon sa kaniyang tenga.

Wala siyang naririnig na nagsasalita pero may naririnig siyang malalalim na paghinga.

“Hello. Sino po `to?” Muli niyang tanong pero wala pa ring nagsasalita sa kabilang linya.

Ibinaba na lang niya ang telepono dahil walang sumasagot. Baka nangti-trip lang. Uso pa naman ang mga ganoon ngayon. O baka wrong number or bata ang nag-dial at hindi sinasadyang natawagan ang number sa bahay na ito.

Ipinagkibit-balikat na lang ni Jane ang pangyayaring iyon at nagdesisyon na umakyat na sa itaas. Pero eksaktong pagtalikod niya sa telepono ay muli iyong nag-ring. Napatingin ulit siya doon at mabilis niya iyong sinagot.

“Hello. Sino ba ito?” Mga malalalim na paghinga na naman ang sumagot sa kaniya kaya nalaman niyang ito rin iyon tumawag noong una.

Doon na siya nainis dahil feeling niya ay niloloko na siya. “Hello?! Sino ka ba? Bakit hindi ka nagsasalita?! Hindi ako nakikipaglokohan sa iyo kaya tumigil ka na—”

“Gusto kong maligo sa dugo mo, Jane! Gusto kong makitang unti-unti kang namamatay habang nahihirapan!” Labis ang kilabot na gumapang sa katawan ni Jane sa sinabi ng lalaki sa kabilang linya. Malaki ang boses niyon at nakakatakot!

Sa sobrang takot ni Jane ay nabitawan niya ang telepono at malakas iyong bumagsak sa sahig. Mabuti na lang at hindi iyon nasira. Agad niya iyong dinampot at ibinalik nang maayo sa dati. Nanghihinang napaupo siya sa upuan habang sapo ang dibdib. Iyong boses no’ng nakausap niya sa telepono—parang pamilyar sa kaniya. Ayaw man niyang isipin pero tila kahawig iyon ng boses ng White-Masked Killer!

Diyos ko! Huwag naman po sana na siya iyon! Taimtim niyang dasal.

Muling napapitlag si Jane nang tumunog muli ang telepono. Kulang na lang ay atakihin siya sa puso sa sobrang gulat. Ngunit sa pagkakataon na iyon ay gusto niyang ipaalam sa kung sino mang tumatawag na hindi siya dito natatakot. Kaya dinampot niya ang telepono.

“Hayop ka! Tigilan mo na ako!” galit niyang sigaw.

“Jane? Bakit mo ako minumura?” Tila nahimasmasan si Jane nang mapagtanto niya na si Thessa pala ang tumatawag sa pagkakataon na iyon.

“M-ma’am?”

“Yes. Ako nga ito. Bakit mo ako minumura?”

“Sorry, ma’am. Hindi po kayo ang minumura ko. May tawag po kasi nang tawag dito kanina pa. Nananakot po siya, e. Kaya akala ko ay iyo na naman ang tumatawag. Kayo po pala.”

“Okay. I understand. Uso talaga iyang mga nanloloko sa phone. After nitong tawag ko sa iyo ay huwag ka nang sumagot ng kahit na anong tawag. Okay? By the way, I just called para itanong kung kumusta na ang mga bata? Tulog na ba sila?”

“Tulog na po silang lahat, ma’am. Nakakain at tapos na rin po nila ang kanilang assignments.”

“Good. Sige, I have to go na. Ikaw na muna ang bahala diyan, ha. Thank you, Jane. Bye…”

“Ma’am, paano po `yong lalaking tumatawag na nananakot?”

“Ah, iyon ba? Prank caller lang siguro iyon. Don’t worry, may access kami sa phone diyan sa bahay at may features iyan na pwedeng malaman namin kung nasaan or taga-saan ang tumatawag. Iche-check ko ang call history para malaman ko ang number niya at ma-trace ko kung taga-saan ang prank caller na iyon. Then tatawagan kita sa mismong phone mo na.”

“Okay, ma’am. S-salamat po. Bye po.”

Nanginginig pa rin ang kamay ni Jane nang ibaba niya ang telepono. Pakiramdam niya tuloy ay mas lalong hindi siya makakatulog ngayong gabi dahil sa lalaking tumawag na kaboses ng White-Masked Killer.

At muling tumunog ang telepono. Napatitig siya doon at hindi niya malaman kung sasagutin ba niya iyon o hindi. Nagtatalo kasi ang isip niya na baka si Thessa iyon o baka iyong prank caller. Pero mas nanaig sa kaniya ang sagutin na lang ang naturang tawag.

“H-hello…” May pag-aalinlangan niyang sabi. Ayaw na niyang magmura. Baka si Thessa ulit iyon, e. Mapagalitan pa siya.

“Kumusta ka na, Jane?” Nanlaki ang mata niya nang malaman na iyong lalaki ang tumatawag sa kaniya sa pagkakataon na iyon. “Ang tagal kitang hinanap. Alam mo ba iyon?” Parang pumapasok sa loob ng ulo niya ang boses nito at umaalingawngaw doon.

“Tigilan mo na ako!” Pagtatapang-tapangan niya. “Ano ba ang gusto mo? Kung inaakala mong matatakot ako sa iyo, nagkakamali ka! Hindi ako natatakot sa iyo!” Bakas sa mukha niya ang takot habang sinasabi iyon.

“Talaga? Hindi ka natatakot sa akin? E, bakit kitang-kita ko sa mukha mo na takot na takot ka!”

Lalong gumapang ang takot at kilabot kay Jane sa sinabi ng lalaki. Ibig bang sabihin niyon ay nakikita siya nito?!

“N-nakikita mo ako? N-nasaan ka?” At biglang naputol ang kabilang linya.

Nahihintakutang ibinalik niya ang telepono. Luminga siya sa paligid. Marahil ay nakikita siya nito mula sa labas dahil gawa sa glass ang mga bintana sa bahay na ito. Kaya ang ginawa niya ay ibinaba niya ang mga kurtina sa bintana at pinatay ang ilaw.

Napatingin siya sa telepono. Naisip niyang tawagan si Thessa upang ipaalam dito ang nangyari. Pero nagdadalawang-isip siya na baka mag-alala ito nang husto tapos nangpa-prank lang naman pala iyong tumatawag. Talagang hindi na niya alam ang kaniyang gagawin.

Naglakad-lakad siya sa salas habang kinakagat ang kuko sa kamay. Nag-iisip siya ng gagawin niya nang muling tumunog ang telepono. Mabilis niya iyong nilapitan at dinampot.

“Hello?” Mga malalalim na paghinga na naman ang sumagot sa kaniya. “Tama na, please! Tigilan mo na ako. Hindi ka na nakakatuwa. Okay! Kung gusto mong matakot ako? Oo na! Takot na takot na ako! Nagtagumpay ka na kaya tumigil ka na—” Napahinto siya sa pagsasalita nang mag-ring ang sarili niyang cellphone na nasa bulsa ng kaniyang shorts.

Nang malaman niyang si Thessa na ang tumatawag sa kaniya ay ibinaba na niya ang telepono at sinagot ang tawag sa kaniyang cellphone. “Hello, ma’am! Tumatawag na naman po siya—”

“Jane, nasaan ka? Ang mga bata?!” Naramdaman agad ni Jane ang pagkataranta sa boses nito.

“N-nandito po sa loob ng bahay. Bakit po?”

“Diyos ko! Jane, lumabas kayo ng bahay! Ngayon na!”

“Ano po? Bakit po, ma’am?”

“Sa loob ng bahay nangagaling ang tawag! Nasa loob ng bahay namin ang caller na nananakot sa iyo! Bilisan mo. Lumabas na kayo! Tatawag na ako sa mga pulis!”

Hindi na sumagot pa si Jane. Tinapos na niya ang tawag at kahit takot na takot sa nalaman niya ay lakas-loob pa rin siyang umakyat sa hagdan papunta sa kwarto ng mga alaga niya. Bawat hakbang niya sa baitang ng hagdan ay isa-isang bumabalik sa alaala niya ang nangyari noon sa bahay ng mga Brillantes. Iyong pagpatay kay Armie, kay AJ at ang pagtalon ni Yssa kasama si Baby Kayla sa bintana sa sobrang takot. Pati na ang pagsaksak sa kaniya ng taong iyon! Lahat ay bumalik sa kaniya.

Natatakot siya na maulit ulit iyon. At paano kung ang tumatawag pala ay ang White-Masked Killer? Paano kung ngayong gabi nito bibigyan ng katuparan ang banta nito sa kaniya?

Sa tingin niya ay nakapasok ito dahil sa back door. Noong naiwanan ni Calvin na bukas ang pinto.

Mas lalo niyang binilisan ang pag-akyat sa itaas. Malakas niyang binuksan ang pinto ng kwarto kung saan naroon ang magkakapatid. Kailangan nilang makalabas agad doon. Ngunit ganoon na lang ang pagkabigla niya nang makitang nakatali sina Cristine at Calvin sa mga kama ng mga ito. Nakatali ang mga kamay at paa ng dalawa sa bawat sulok ng kama at may busal din sa bibig. Nagpupumiglas ang dalawa at nagpupumilit na makawala. Habang si Baby Toby ay nakatayo sa crib at tahimik na nakatingin sa kaniya. Wala itong kamalay-malay sa nangyayari.

Akmang lalapitan na niya ang dalawa para pakawalan nang may maringi siyang yabag ng sapatos na papalapit sa kwartong iyon. Kaya imbes na mapakawalan ang dalawa ay kinuha niya si Baby Toby at isinama niya iyon sa pagtatago sa aparador. Pagkasara niya ng pinto ng aparador ay doon niya nalaman na merong siwang ang pinto. Bigla niyang naalala noong nagtago siya sa closet sa bahay ng mga Brillantes!

Napaiyak na lang siya doon. Niyakap niya nang mahigpit si Baby Toby. Hiling niya ay huwag sana itong umiyak o lumikha ng ingay. Palakas nang palakas ang yabag ng paa. Hanggang sa mawala iyon. Marahan siyang sumilip sa siwang at labis siyang nagimbal nang may makita siyang lalaki na nakatayo sa pintuan. Nakasuot ito ng puting maskara at may dalang maso sa isang kamay habang isang bag sa isa pang kamay. Hindi siya maaaring magkamali. Iyon ang White-Masked Killer!

No comments:

Post a Comment