Wednesday, September 16, 2020

KAPIT SA PATALIM 08

 


IKAWALONG KABANATA



        TUMATAGINTING na three hundred thousand pesos ang madaling napasakamay ni Jane dahil sa kabutihang loob ng mag-asawang Yvonne at Kristoff. Parang panaginip lamang. Ngayon lang siya nakahawak ng ganitong kalaking halaga ng pera.

Pagkatapos ng libing ay isinama siya ng mag-asawa sa bahay nito at doon ay ibinigay ng mga ito ang perang ipinangako sa kaniya. In cash. Mainit-init pa. ganoon na lang ang pag-iyak ni Jane habang nagpapasalamat kina Yvonne at Kristoff. Talaga ngang kahit mayaman ang mga ito ay mababait at mabubuti pa rin ang mga ito.

Halos yakap na ni Jane ang envelope kung saan nakalagay ang pera habang sakay siya ng jeep pauwi sa apartment ni Betty. Nangangamba siya na baka may biglang pumanhik na holdaper sa jeep at kunin iyon sa kaniya. Nakaka-paranoid din pala kapag may dala kang ganitong pera.

Inisip na rin niya na magkakaroon siya ng ganito kalaking halaga ng pera kung sasali siya sa Wowowin. Plinano na niya iyon dahil sa sobrang desperada na siyang magkapera. Pinapraktis na rin niya ang pag-iyak para maawa sa kaniya si Kuya Wil at bigyan siya ng perang kailangan niya. Ngunit hindi na pala niya iyon kailangang gawin dahil hawak na niya ang perang pangtubos sa lupa nila sa probinsiya at meron pang pa-sobra—parang Rebisco Crackers!

Ngayon pa lang ay iniisip na ni Jane kung ano ang gagawin niya sa matitirang one hundred fifty thousand pesos. Negosyo kaya sa probinsiya? Kahit maliit na tindahan para hindi na pinoproblema ng pamilya niya ang pang-araw-araw na panggastos. Atleast, hindi na palaging hihingi ang mga ito sa kaniya at magagawa na niyang makapag-ipon para sa sarili. Tama. Ganoon na lang ang gagawin niya. Bibigyan niya ng negosyo package ang pamilya niya sa probinsiya.

Pagkababa ni Jane ng jeep ay isinuksok niya sa gilid ng kaniyang pantalon ang envelope at naglakad na papunta sa apartment ni Betty. Pagdating niya doon ay naabutan niya si Betty na kumakain ng pandesal at kape habang nanonood ng telebisyon. Tanghali na kaya tawa ito nang tawa kay Vice Ganda sa It’s Showtime.

“O, friend, nandiyan ka na pala. Kumusta? Sinaktan ka ba no’ng mag-asawa? Sinampal ka ba nila?” Alam kasi nito kung saan siya galing.

Umupo siya sa tabi ni Betty at hinawakan ang dalawang kamay ng kaibigan. “Oo, friend! Sinampal nila ako!”

“Aba’t ang matapobre naman pala ng mag-asawang iyon! Saan ba ang bahay ng mga iyon at susugurin ko sila para maiganti ka—”

“Sinampal nila ako ng pera!” Malakas niyang tili sabay labas ng envelope. Binuksan niya iyon at ipinakita ang laman kay Betty. “Three hundred thousand, friend. Ibinigay nila ito sa akin kasi nahihiya sila na muntik na akong mamatay sa sarili nilang bahay!”

“Talaga?! Saan ba ang bahay nila at magpapapatay ako sa killer doon!” Itinabi nito ang pandesal at kape.

“Gaga ka, friend! Pero pwera joke. Hindi pa rin ako makapaniwala. May pangtubos na ako sa lupa namin!” Masaya niyang sabi.

“Congrats naman sa iyo, friend! O, `di ba? May purpose din talaga iyang pagkakasaksak sa iyo ng not just once but twice sa tiyan. Biruin mo, dalawang saksak ay may three hundred thousand ka na! Bongga!”

“E, siyempre, may trauma pa rin ako, `no. Pero, friend, thank you kasi hindi mo ako pinapabayaan. Dahil diyan… meron kang ten thousand pesos!” aniya at kumuha siya ng sampung libo sa envelope. Iniabot niya iyon sa kaibigan na agad nitong kinuha.

“OMG! OMG! Pakshet! Talaga ba? Akin ito, friend?” Isinasampal-sampal pa nito ang pera sa sarili nitong pisngi. Sobrang hindi ito makapaniwala.

“Oo, friend. Sa iyo na iyan. Kulang pa nga iyan sa lahat ng tulong na naibigay mo sa akin. Iyong pagpapatira mo sa akin dito, sobrang laking bagay na niyon. Kaya salamat talaga, friend!” Niyakap pa niya ito pagkatapos.

“E, sino pa ba ang magtutulungan kundi tayong magaganda lang,`di ba? What is friends is for!”

“Ano? Tama ba ang sinabi mo?”

“Hindi ko rin alam, friend! Hayaan mo na!” At nagkatawanan silang dalawa.

 

NANG sumunod na araw ay umuwi muna si Jane sa probinsiya nila. Ganoon na lang ang gulat ng pamilya niya nang sabihin niyang meron na silang pera para ipangtubos sa kanilang lupa. Alam na rin ng mga ito ang nangyari sa kaniya dahil nabalitaan nito sa telebisyon. Labis ang pag-aalala ng mga ito sa kaniya pero sinabi niya na ayos na siya ngayon upang kahit papaano ay mawala ang pag-aalala ng mga ito. Ng araw din na iyon ay nagbayad na sila sa taong pinagsanglaan ng tatay niya ng lupa.

Sinabi na rin niya sa mga magulang niya na balak niyang ipagtayo ang mga ito ng maliit na tindahan. Natuwa naman ang mga ito kaya kinabukasan ay bumili na siya ng mga gagamitin sa paggawa ng tindahan sa haparan ng kanilang bahay. Dahil sa may experience sa pagiging karpintero ang tatay niya ay ito na lang ang gumawa ng lahat. Pagkatapos ay namili na sila ng mga paninda.

Nag-stay lang si Jane ng isang linggo sa kanilang probinsiya at umalis na siya upang bumalik sa Laguna. Kailangan niya kasing maghanap na ulit ng trabaho upang kumita ng pera. Kahit may natira pang fifty thousand sa pera niya ay ayaw niyang maging panatag. Itatabi niya iyon upang meron siyang savings. Isa pa, gusto na rin niyang magtrabaho upang malibang kahit papaano. Kapag mag-isa kasi siya at walang ginagawa ay bumabalik sa alaala niya ang mga nangyari noong umatake ang White-Masked Killer sa bahay ng mga Brillantes.

Siniguro muna din ni Jane na maayos na ang tindahan nila bago umalis. Nangako naman sa kaniya ang mga magulang niya na papalaguin iyon at umaasa siya na tutuparin ng mga ito ang pangako na iyon.

Pagbalik ni Jane sa Laguna ay nakipagkita siya kay Prince. Pero sa labas na lang sila nag-meet at hindi na sa bahay nito. Baka kasi may masabi na naman sa kaniya ang nanay nito. Hindi pa siya handang makarinig ng mga negatibong bagay lalo na at hindi pa siya nakaka-move on sa nangyari sa kaniya.

Sa isang fastfood restaurant na lang sila nagkita.

“Kumusta ka na?” tanong nito sa kaniya.

“`Eto, pinipilit kong makalimutan ang lahat pero mahirap.” Naglabas siya ng ten thousand pesos at akmang ibibigay iyon kay Prince pero umiling ito. “Tanggapin mo na ito. Bayad ko sa lahat ng tulong mo.”

“Hindi ko kailangan iyan. May sarili akong pera.”

Mahina siyang tumawa. “Oo nga pala. Sigurado ka ba? Ayaw mo?”

“Itabi mo na lang iyan. May mga raket ako kaya kaya kong kitain iyan.”

“Okay.” Ibinalik niya ang pera sa kaniyang bag.

“Kapag kailangan mo ng kausap, nandito lang ako, ha.”

Isang tango na lang ang isinagot niya sa sinabi ni Prince.

 

MAKALIPAS ang isang taon…

Tuwang-tuwa si Jane nang ibalita sa kaniya ng nanay niya na naipa-semento na nito ang sahig ng kanilang bahay. Iyon ay dahil nakakapag-ipon daw ito sa kinikita nila sa tindahan. Medyo nadagdagan na rin ang paninda nila. Kung noon ay mga chichirya, candy at mga delata lang ang tinda doon ngayon ay nagtitinda na rin sila ng bigas. Hindi na rin masyadong humihingi ang mga ito sa kaniya kaya nabibili na rin ni Jane ang mga gusto niya. May ipon na rin siya kahit papaano na pwede niyang mahugot kapag nagkaroon ng emergency na pagkakagastusan.

Hindi na rin siya umalis sa apartment ni Betty. Nasanay na kasi siya na kasama ang kaibigan. Saka malaki din ang naitulong nito sa kaniya para kahit papaano ay ma-divert ang isipan niya at hindi na niya maalala ang nangyari noong nakaharap niya ang White-Masked Killer. Palagi kasi siyang may nakakausap kapag umuuwi siya mula sa trabaho niya.

Nakapasok na rin siya sa isang electonics company sa Biñan, Laguna. Pabrika pa rin pero iba na ang ginagawa niya.

Sila pa rin ni Prince. Going smooth ang relasyon nila. Paminsan-minsan ay nagkikita sila at nagde-date kapag may free time siya. Hinahayaan na lang din niya ang nanay nito kahit ayaw sa kaniya.

Para kay Jane ay maayos na ang takbo ng buhay niya sa ngayon. Talagang malaki ang naitulong ng perang ibinigay sa kaniya ng mag-asawang Brillantes. Minsan nga ay naisipan niyang pumunta sa bahay ng mga ito. Kaya lang pagpunta niya doon ay wala na palang nakatira doon. Ayon sa guard ng subdivision ay umalis na ang mag-asawa. Sa ibang bansa na daw nakatira. Naiintindihan niya kung bakit kinailangan umalis at magpakalayo-layo nina Yvonne at Kristoff. Marahil ay ayaw lang ng mga ito na manatili sa bahay kung saan namatay ang lahat ng mga anak ng mga ito.

Pero tila totoo nga yata ang kasabihan na kapag masaya ka na, kasunod naman niyon ay kalungkutan o problema. Isang araw, pagkauwi ni Betty mula sa pinapasukang night club ay umiiyak ito. Nang tanungin niya ito kung bakit ay sinabi nitong parang may nakakapa itong bukol sa kaliwa niyang dibdib. Doktor daw kasi ang nag-take out dito kagabi at nang lamasin ang dede niya ay sinabi nitong may bukol ito.

“Jane, samahan mo ako sa ospital, please! Gusto kong magpa-check up!” Umiiyak nitong sabi.

Hindi na nagdalawang-isip pa si Jane at sinamahan niya ang kaibigan sa ospital. Matapos nitong ma-check up ay doon nila nalaman na may breast cancer si Betty. Stage II na. Ganoon na lang ang iyak nito dahil ang akala yata nito ay mamatay na ito. Pero ipinaliwanag naman sa kanila ng doktor ang lahat. Ang kaliwang dibdib lang ni Betty ang apektado at kinakailangan daw na magsagawa ng mastectomy sa kaliwang dibdib ng kaniyang kaibigan.

“Mas… mas… Mas ano?” kunot ang noo ni Betty.

“Mastectomy. Isa iyong way para ma-treat ang breast cancer. We’ll surgically removed your left breast and the nearby tissues kung sakali. That way hindi na kakalat ang cancer cells sa isa mo pang breast,” paliwanag ng doktor kay Betty.

Nagkatinginan sila ni Betty. Dama niya ang kaba dito.

“Dok, h-hindi po pwedeng tanggalin kahit isang dede ko. Ginagamit ko po ito sa trabaho ko!” Hindi malaman ni Jane kung matatawa siya o malulungkot sa sinabi ng kaibigan niya sa doktor. Kaunti na lang ay parang maghihisterikal na ito.

“Pero we have to do that. Para din naman iyon sa iyo.”

Hinawakan niya ang isang kamay ni Betty para kumalma ito kahit paano. “E, dok, magkano naman po ang magagastos sa operation?” tanong niya.

“Friend!” protesta ni Betty sa kaniya.

“Friend, kailangan mo itong gawin. Kakalat sa iba mong katawan ang cancer kapag hindi tinanggal ang isa mong suso. Huwag kang mag-alala, tutulungan kita.” Muling humarap si Jane sa doktor.

“Kailangan ninyong maghanda ng kalahating milyon.”

“Kalahating milyon?!” Gulat na sigaw nilang dalawa.

 

HALOS duguin na si Jane sa pagkumbinsi kay Betty na magpa-opera ito. Napapayag lang niya ito nang mangako siya na tutulungan niya ito financially. Kahit ituloy pa niya ang pagsali sa Wowowin ay gagawin niya. Saka may naitabi naman siyang pera. Kaunti na lang ang kulang at makakaipon na sila ng pera para maoperahan si Betty.

Hindi siya nagdalawang-isip na tulungan ito dahil hindi rin ito nagdalawang-isip noong siya ang nangangailangan. Malaki ang utang na loob niya kay Betty kaya deserve nito na matulungan niya lalo na at kahit papaano ay may kakayahan siyang tulungan ito. Saka mas maganda kung maaagapan ang breast cancer nito. Mas malaking problema kapag lumala pa iyon. Baka mas malaki pa ang magastos nila. May mga kakilala kasi siya na namatay dahil sa ganoong sakit. Iyong mga nasa Stage IV na.

Pero dahil kulang pa ang perang meron si Jane ay naisipan niyang magkaroon ng sideline na trabaho o pagkakakitaan. Kaya naisipan niyang gumawa ng mga sweets gaya ng yema at graham balls. Ibinebenta niya iyon sa mga kakilala niya.

Habang si Betty ay huminto na rin sa pagtatrabaho sa bar upang maghanda sa nalalapit nitong operasyon. Oras na makumpleto na niya ang halagang kailangan nila ay ipapa-opera na niya ito agad para wala na silang problema na magkaibigan. Tinulungan din naman siya ni Prince pero hindi pa rin sapat ang perang ipinahiram nito sa kaniya.

Sa tingin naman niya ay kaya niyang magkaroon pa ng ibang trabaho lalo na at pang-umaga lang ang pasok niya. Kapag gabi ay pwede siyang rumaket.

Doon niya naisipan na maghanap sa Facebook ng trabahong pwede niyang pasukan kapag gabi. At ang trabahong nakita niya ay taga-bantay sa isang matandang babae tuwing gabi. Isang linggo lang naman daw kailangan dahil after ng one week ay darating na ang nurse na magbabantay talaga dito. Nag-apply siya at natanggap. Kaya sa loob ng isang linggo, tuwing gabi ay nagtatrabaho siyang tagabantay ng matandang babae. Sa loob ng isang linggo ay nakaipon siya ng limang libong piso.

Masaya rin si Jane na nagawa niya ang trabahong iyon. Aaminin niya, noong una ay nag-alinlangan siyang tanggapin ang trabaho na iyon dahil katulad iyon ng trabaho niya noon sana sa pamilya ng Brillantes. Isa rin sa dahilan niya kung bakit siya nag-apply doon ay upang harapin ang takot niya at sa tingin niya ay nagtagumpay siyang malampasan iyon.

Kaya naman nasundan pa ang trabahong ganoon kay Jane. Minsan ay isang gabi lang, minsan ay mas marami. Meron siyang binantayan na bata, may sakit at matanda. Dahil doon ay nakakaipon na siya kahit papaano para sa operation ni Betty.

Hanggang sa siya na mismo ang nag-post sa Facebook na pwede siyang i-hire bilang babysitter o tagabantay basta tuwing gabi lang dahil meron siyang pasok sa umaga. Marami na agad ang kumuha sa kaniya at labis siyang natutuwa dahil nag-e-enjoy na siya sa ganoong trabaho. Lalo na at madalas ay hindi bantayin ang mga binabantayan niya kaya nagagawa pa niyang makatulog sa gabi. Nagkaroon na rin siya ng lakas ng loob upang magpresyo dahil sa maganda naman ang kaniyang serbisyo.

Makalipas lang ang halos isang buwan ay nakumpleto na niya ang perang kailangan para sa operasyon ni Betty. Agad na isinagawa ang mastectomy kay Betty at naging matagumpay ang operasyon. Sa kasalukuyan ay nagpapagaling na ito at pinayuhan niya na maghanap ng matinong trabaho kapag kaya na nito.

Isang gabi, habang kumakain sila ni Betty ng hapunan ay tumunog ang cellphone niya. Isang unregistered number ang tumatawag sa kaniya. Hula niya ay iha-hire siya ng tumatawag na taga-bantay kaya agad niya iyong sinagot.

“Hello po. Magandang gabi. Sino po sila?” Magiliw niyang tanong. Nasanay na rin siyang sumagot ng tawag sa ganoong tono. Iyong mabait na tono dapat para pagkatiwalaan agad siya ng mga ito na ipabantay sa kaniya ang mga mahal nito sa buhay.

“Ikaw ba si Miss Jane? Iyong babysitter. Nabasa ko kasi ang post mo sa Facebook.” Isang babae ang nakakausap niya.

“Opo. Ako nga po. Ano pong maitutulong ko sa inyo?”

“Gusto sana kitang i-hire. One night lang naman. Kailangan kasi naming umuwi ng asawa ko sa province namin. Pero isang araw lang kami doon. Natatakot lang kami na walang kasama mga anak namin sa bahay, e.”

“Sure po, ma’am. Kailan po ba at ilan po ba ang babantayan ko?”

“Available ka ba bukas ng gabi? Tatlong bata lang.”

“Check ko po muna, ha.” Tumayo siya at tiningnan ang calendar sa kaniyang cellphone. Doon niya kasi inilalagay ang mga naka-schedule niyang trabaho. “Tamang-tama po, ma’am. Wala po akong naka-schedule bukas.”

“Hay, salamat naman. Magkano pala kapag ganoon?”

“Bale three thousand po ang one night ng tatlong bata. Sa inyo na po ang food ko dapat, ma’am.”

“Ah, sige. Push na namin. Ako pala si Mrs. Thessa Sanchez.”

“Okay, Ma’am Thessa. I-text niyo na lang po sa akin ang address ng bahay ninyo para makapunta ako bukas sa inyo.”

“Sige. Thanks ulit. Bye!”

“Grabe ka na talaga, friend. Baka iyan na ang ikayaman mo, ha. Dami mo nang parokyano!” pakli ni Betty pagkabalik niya sa hapag-kainan upang ituloy ang naudlot na pagkain. “Iyan na rin kaya ang gawin kong trabaho? Baka naman pwedeng ihanap mo din ako ng ganiyang work, friend.”

“Pwede naman, friend, pero huwag muna ngayon. Pagalingin muna natin iyang kaka-opera mong dede. Baka mamaya mabinat ka pa, e.”

“Nahihiya na kasi ako sa iyo na ikaw na ang halos gumagastos dito. Ako, eto lang. Walang ginagawa. Nakahiga lang palagi tapos kakain. Feeling ko nga, ang taba-taba ko na!”

“Keri lang, friend! Basta magpagaling ka lang dito. Kapag fully recover ka na, saka ka na maghanap ng work mo. Huwag lang iyong katulad ng work mo dati, ha!” aniya.

“Oo naman, `no. E, baka nga doon ako nagka-breast cancer! Kakalamas ng mga lalaki sa dede ko, `ayan tuloy… Ganito ang nangyari sa akin!” nakasimangot nitong sabi.

Natawa siya sa sinabi nito. “Kaya nga huwag ka nang maging pokpok ulit. Change for the better na dapat!” At nag-apir pa silang dalawa.

 

PAGKA-OUT ni Jane sa kaniyang trabaho sa pabrika ay dumiretso na siya sa address ng bahay na ibinigay sa kaniya ni Thessa sa text. Isa iyong two-storey house na may katamtamang laki. Maganda ang bahay at mahahalata mo pa lang doon na mayaman ang nakatira. Nakita niyang may doorbell kaya pinindot niya iyon. Ilang sandali lang ay isang babae na medyo chubby ang nagbukas ng gate.

“Magandang gabi po. Ako po si Jane. Iyong babysitter po.” Pagpapakilala niya at nagpakita siya ng ID bilang patunay na siya nga iyon.

“Naku! Ikaw na pala iyan. Ang ganda mo pala sa personal, Jane.” Papuri nito. “Ako si Thessa. Tara, pasok ka sa loob para makilala mo ang mga babantayan mo.”

Excited si Jane sa kaniyang babantayan dahil bata. Simula kasi nang pasukin niya ang ganitong raket ay mas naging magiliw siya sa mga bata. Saka mas madaling bantayan ang bata. Makipaglaro ka lang at kapag napagod na ay matutulog na ng kusa. Kumpara sa matanda at may sakit na madaming pangangailangan.

Maaliwalas ang loob ng bahay ng mga Sanchez. Kakaunti ang gamit kaya mukhang malaki kahit hindi ganoon kalaki. Pinaupo siya ni Thessa sa pang-isahang upuan at umalis ito saglit upang tawagin ang asawa nito na si Cedrick. Katulad ni Thessa ay may pagka-chubby din ito. Parehas na palangiti ang dalawa kaya hindi na siya nakaramdam ng pagka-ilang sa mga ito.

Kinausap siya ng mga ito upang sabihin ang mga kailangan niyang gawin. Gaya ng mga sinasabi ng mga nagiging kliyente niya ang gagawin lang niya ay bantayan ang mga aalagaan niya. Papakainin niya lang daw muna ng dinner ang tatlong anak ng mag-asawa. Pagkatapos ay tutulungan niya sa assignment ang panganay at pangalawang anak kapag kailangan. After niyon ay pwede na silang matulog. Pero ang talagang babantayan niya ay ang isang taong gulang na anak ng mga ito na lalaki.

“Gusto mo na bang makilala ang mga anak namin? Nasa itaas sila. Halika!” anyaya sa kaniya ni Thessa nang magkasundo na sila at natapos na sa dapat nilang pag-usapan.

No comments:

Post a Comment