BAWAT malakas
na katok at pagbangga sa pinto na naririnig nina Jane at Yssa ay nagpapadagdag
sa takot na kanilang nararamdaman. Sumasabay pa doon ang malakas na pag-iyak ni
Baby Karla na karga na ngayon ni Jane. Nakasiksik sila sa isang sulok ng silid
habang kapwa umiiyak. Halos mamatay na silang dalwa sa takot sa pangamba na
baka mabuksan iyon ng killer. Kapag nangyari iyon ay iyon na ang kanilang
katapusan!
“Ano
nang gagawin natin?! I don’t want to die!” Palahaw ni Yssa.
“Umalis
ka na! Maawa ka sa mga bata! Parang awa mo na!” sigaw ni Jane sa pag-asang may
awa pang natitira sa puso ng killer.
Pero
mas lalong nilakasan ng lalaki ang pagbangga sa pinto. Doon na talaga sila
nagsisigaw nang husto. Ngunit makalipas ang ilang segundo ay huminto rin ang
killer sa pagbangga sa pinto. Nanginginig parehas na nagkatingnan sila ni Yssa.
Naghalo na ang luha, pawis at uhog sa kanilang mukha.
“W-wala
na ba siya?” takot na takot na tanong ni Yssa sa pagitan ng paghikbi.
“Hindi
ko alam—” Natigilan si Jane nang mula sa kabilang pinto ay nakarinig sila ng
tunog ng mga susi.
Nahihintakutan
na nanlaki ang mga mata ni Yssa. “Nakuha niya ang duplicate! Makakapasok na
siya! Papatayin niya tayo! Ayoko pang mamatay!” Akala mo ay mababaliw na si
Jane sa paghihisterikal nito.
“Lalabanan
natin siya—”
“Ayoko
pang mamatay!” Mas lalo silang natakot at nataranta nang pagtingin nila sa
pinto ay gumagalaw na ang door knob niyon.
“Nooo!!!”
Malakas na sigaw ni Yssa. Nagulat si Jane nang bigla nitong agawin sa kaniya si
Baby Kayla. “Hindi kami mamamatay ng kapatid ko! Ililigtas ko siya!”
“Yssa,
akin na si Baby Kayla!”
Umiling
ito. “Hindi! Tatakas kami ng kapatid ko! Bahala ka na sa buhay mo! Tatakas
kami!”
Sa
tingin ni Jane ay wala na sa katinuan si Yssa. Tila tinakasan na ito ng bait
dahil sa sobrang takot. Naging malikot ang mata nito na parang may hinahanap.
Marahan itong lumayo sa kaniya habang karga ang bunsong kapatid.
“Y-yssa,
akin na si Baby Kayla. Ibigay mo siya sa akin…” Natatakot siya na baka may kung
anong gawin si Yssa na ikapahamak pati ng kapatid nito.
“Ayoko!
Tatakas kami dito ni Baby Kayla!” Ulit nito. Ang takot sa mukha nito ay biglang
naglaho. Ngumiti ito nang malaki at may tinitingnan ito.
Nang
sundan niya ang direksiyon ng mata nito ay napailing siya dahil sa nakabukas na
bintana ito nakatingin. “Yssa, akin na si Baby—”
“Ayoko,
sabi!” Mahigpit na niyakap nito ang kapatid. “Baby Kayla, tahan na. Ililigtas
ka ni ate…” At walang anu-ano’y tumakbo ito papunta sa bintana.
“Yssa!!!”
Hahabulin pa sana niya ito pero huli na ang lahat dahil mabilis itong nakasampa
doon at walang takot na tumalon habang karga si Baby Kayla. “Yssaaa!!!”
Nahihintakutang sigaw ni Jane.
Mabilis
niyang tinakbo ang bintana upang makita kung anong ang nangyari sa magkapatid.
Pagdungaw niya ay halos mabaliw siya nang makitang tumusok ang mukha ni Yssa sa
grills na may patulis na dulo na siyang bakod sa halaman sa tapat ng bintana ng
silid nito. Maging doon pala ay meron din na ganoon hindi lang sa tapat ng
bintana ng silid ni Baby Kayla. Pero ang mas nagpahina sa kaniya ay nang makita
si Baby Kayla na durog ang ulo dahil humampas yata iyon sa bato na malapit lang
dito.
Napahagulhol
na lang siya ng iyak at napaupo sa sahig. Pagtingin niya sa pinto ay marahan na
iyon bumubukas. Agad niyang inisip na kailangan niyang magtago at ang una
niyang nakita ay ang malaking closet.
Tumayo
siya agad kahit tila wala nang lakas ang kaniyang mga binti na maglakad dahil
sa mga kalunus-lunos na nangyayari. Ginawa pa rin niya ang lahat para makapasok
sa closet at doon magtago. Eksaktong pagsara niya ng pinto ng closet ay ang
siyang pagbukas ng pinto ng kwarto. Sumilip siya sa mga siwang sa pinto ng
closet at kitang-kita niya ang pagpasok ng isang lalaki na may puting maskara.
Tangan nito sa isang kamay ang isang kutsilyo na nababalot ng malapot na dugo.
Sana
ay huwag siyang makita nito. Iyon lang ang hinihiling niya sa Diyos ng mga oras
na iyon. Itinakip niya ang dalawang kamay sa bibig upang pigilan ang
paghagulhol. Sumandal siya sa loob ng closet at ipinikit ang mata. Naririnig pa
rin niya ang yabag ng sapatos ng lalaki na parang hinahanap siya.
Iniisip
niya, kung mamamatay siya ngayong gabi ay magiging malaki ang epekto niyon sa
pamilya niya. Paano na mabubuhay ang mga ito ng wala siya? Parang kahit nasa
kabilang buhay na siya ay hindi niya makakayang makita na nagugutom ang pamilya
niya at wala nang matirhan ang mga ito dahil wala na silang bahay at lupa. Kaya
hindi siya maaaring mamatay pa. Kailangan niyang gawin ang lahat para mabuhay
hindi para sa sarili kundi para sa pamilyang umaasa sa kaniya.
Diyos
ko! Parang awa Niyo na! Protektahan Niyo ako! Huwag Niyo akong papabayaan!
Matagal
siya sa ganoong puwesto hanggang sa wala na siyang naririnig na yabag ng paa.
Muli siyang sumilip sa siwang at hindi na niya makita ang killer. Hindi kaya
umalis na ito at inakalang nakatakas na siya? Pero paano kung inaabangan lang
siya nitong lumabas at saka siya nito aatakihin? Wala pa naman siyang kahit na
anong bagay na pwedeng magamit upang ipagtanggol ang sarili. Iyong basag na
salamin ay hindi na niya alam kung saan niya nailagay. Nabitawan niya yata
kanina sa kung saan. Sa sobrang taranta niya ay hindi na niya nagawang kunin
ulit.
Tunay
ngang kapag nasa ganitong sitwasyon ka ay hindi ka makakapag-isip ng maayos.
Maba-blanko ka dahil sa takot.
Pawisan
na si Jane sa loob ng closet. Medyo hirap din siyang huminga dahil kulob doon.
Muli siyang sumilip at wala na talaga yata ang killer. Hanggang sa mula sa
labas ng closet ay bigla na lang sumilip ang killer na nakasuot ng puting
maskara sa siwang.
Napaigtad
paatras si Jane at napasigaw nang malakas!
Binuksan
ng killer ang closet at nagsisigaw siya nang hablutin siya nito sa braso.
Marahas siyang hinila nito palabas ng closet. Halos kaladkarin siya nito. Doon
niya naisip na iyon na ang katapusan niya. Ngayon pa lang ay humihingi na siya
ng tawad sa buong pamilya niya dahil hindi na niya matutulungan ang mga ito…
“HUWAG…
Maawa ka…” Ungol ni Jane. Tila may isang malakas na hangin na humigop sa kaniya
na dahilan para ibukas niya ang kaniyang mata. Isang mahabang paghinga ang ginawa
niya habang nanlalaki ang mga mata.
Sinubukan
niyang gumalaw ngunit napangiwi siya nang may kumirot sa bandang tiyan niya.
Nasaan
ako? Tanong niya sa sarili.
Iginala
niya ang mata sa paligid. May nakakabit na dextrose sa kaniyang kamay, nakahiga
siya sa isang hospital bed. May oxygen tank sa tabi niya. Kinapa niya ang
kaniyang noo at nalaman niya na meron siyang benda sa ulo. Doon niya nahinuha
na nasa ospital siya. Kung ganoon ay buhay siya? Nakaligtas siya sa killer na
umatake sa bahay ng mga Brillantes kagabi!
Diyos
ko! Maraming-maraming salamat! Aniya sa isip lang.
Napapitlag
siya nang bumukas ang pinto ng silid na kinaroroonan niya at may isang babaeng
nurse ang pumasok upang i-check siya. “Kumusta po ang pakiramdam ninyo, ma’am?”
tanong nito.
“M-masakit
sa bandang tiyan ko,” sagot ni Jane sa paos na boses.
“Sariwa
pa po kasi ang tahi ninyo sa may tiyan kaya ganoon. Pero magsabi lang po kayo
kung hindi niyo na kaya ang sakit, ha. Para mabigyan kayo ng pain killer.”
“T-tahi?
Bakit ako may tahi sa tiyan? Nanganak ba ako? Na-cesarean ba ako?”
Pigil
ang tawa ng nurse. “Hindi po. Nasaksak po kayo ng dalawang beses sa tiyan.
Maswerte po kayo kasi walang tinamaan or na-damage na internal organs sa inyo.
Oo nga po pala, oras na para sa pag-inom ng gamot ninyo. `Eto po…” May inabot
na dalawang tabletas ang nurse sa kaniya. Kumuha ito ng tubig sa water jug na
naroon at ibinigay sa kaniya ang baso.
Ininom
naman agad ni Jane ang mga gamot. “Salamat,” aniya.
“Saka
po pala, ma’am. May pulis po na gusto kayong kausapin. Kaya niyo na po ba o
papabalikin ko na lang siya kapag handa ka nang makipag-usap?”
Hindi
agad nakasagot si Jane sa tanong na iyon. Nakatingin lang siya sa nurse pero
maya maya ay tumango siya. “S-sige. Papasukin mo na lang siya dito. Handa na
ako.” Sa tingin niya ay hindi na dapat niya patagalin ang lahat. Kailangan na
niyang magbigay ng statement sa mga pulis.
“Okay,
ma’am.” Matipid siyang nginitian ng nurse. Lumabas na ito at ilang segundo lang
ay isang pulis naman ang pumasok.
Kinumusta
lang siya nito nang kaunti at dumiretso na agad ito sa pagtatanong kung ano ba
ang nangyari sa bahay ng mga Brillantes. Matapat naman siyang sumagot.
Ikinwento niya ang lahat. Simula sa nakalimutang pinto na isarado hanggang sa
pagtalon ni Yssa kasama si Baby Kayla sa bintana.
“H-hindi
ko na sila napigilan! Wala na akong nagawa!” Umiiyak niyang kwento. “Nang
makita kong papasok na ang killer sa kwarto ay nagtago ako sa closet pero
nahuli niya pa rin ako. Hinila niya ako palabas ng closet at pagkatapos…
p-pagkatapos…” Tila nawawalan na si Jane ng lakas para ipagpatuloy ang kaniyang
pagkukwento.
“At
pagkatapos ay ano, Miss Jane?”
Puno
ng luha sa mukha na tiningnan ni Jane ang pulis at dumaloy na sa isip niya ang mga
nangyari pagkatapos siyang hilahin ng killer palabas ng closet…
Kulang
na lang ay maputol ang braso ni Jane sa lakas ng pagkakahila at pagkaladkad sa
kaniya ng killer. Matagumpay siya nitong nailabas sa closet. Takot na takot
siya. Panay ang sigaw niya ng saklolo. Nagpupumiglas siya. Gusto niyang
makawala sa pagkakahawak ng lalaki. Hanggang sa magkaroon siya ng pagkakataon
na masipa ito sa maselang bahagi ng katawan ito—sa pagkalalaki nito!
Sa
wakas ay nabitawan siya ng lalaki. Hindi na niya sinayang ang pagkakataon.
Tumakbo na siya palabas ng kwarto ni Yssa. Ngunit nang tatakbo na sana siya
papunta sa may hagdan pababa ay nagulat siya nang humarang ang lalaki sa
kaniya.
Kaya
imbes na bumaba ng hagdan ay napatakbo na lang siya sa pinto sa dulo. Pumasok
siya sa guest room. Nang isasarado na niya ang pinto ay bigla naman iyong
pinigilan ng lalaki. Malakas nitong itinulak ang pinto. Natamaan siya sa noo ng
pinto. Tumalsik siya at napaupo sa sahig.
May
naramdaman siyang dugo na umaagos sa kaniyang mukha. Pagsapo niya sa kaniyang
noo ay nasaktan siya dahil sa sugat na naroon dahil sa pagkakauntog niya sa
pinto. Nahihilo na siya at pagapang siyang gumalaw.
Nakapasok
na ang lalaki sa silid. Sinabunutan siya nito at hinila pataas. Wala nang
nagawa si Jane nang dalawang magkakasunod na itinarak nito ang matalim na
kutsilyo sa kaniyang tiyan.
Binitawan
siya ng killer at padapa siyang bumagsak sa sahig.
“Ano
na ang nangyari pagkatapos ka niyang saksakin ng dalawang beses sa tiyan?”
Putol ng pulis sa pagkukwento niya.
“N-nagkunwari
akong patay. Hindi na ako lumaban at hindi na ako gumalaw. Nang akala niyang
patay na ako ay umalis na siya. Matagal ako na nakadapa hanggang sa natakot ako
dahil baka maubusan ako ng dugo. T-tumayo ako pero hindi ko na kaya. Nawalan na
talaga ako ng malay at pagkatapos nang magising ako ay nandito na ako sa
ospital. I-iyon po ang natatandaan kong nangyari.” Pagtatapos niya.
Tumango-tango
ang pulis. May isinusulat ito sa maliit na notebook. “Sige po, Miss Jane. Iyon
lang po ang nais kong malaman,” anito. “Aalis na po ako.”
“S-sandali
lang po, sir. Iyong killer… Nasaan na po siya?”
“Wala
na po kayong dapat pang ipag-alala dahil nahuli rin siya kanina. Bago po kasi
siya pumasok sa bahay ng mga Brillantes ay biniktima rin niya ang katapat na
bahay ng mga Brillantes. Nakakalungkot lang na walang nakaligtas sa mga naging
biktima niya sa kabilang bahay.”
“Ano
po?” Hindi makapaniwalang react ni Jane.
“Opo,
ma’am. Nahuli rin siya nang papalabas ng Carmelridge Town pagkatapos niya
kayong biktimahin. Sa ngayon ay nakakulong na siya ulit.”
“Gusto
ko po siyang makita!” Mabilis niyang sabi.
“Pwede
naman po para ma-identify niyo siya. Makikilala niyo naman po siguro siya kahit
may suot siyang maskara nang inatake kayo, `di ba?”
Tumango
siya. “Opo, sir. Naaalala ko pa rin ang bulto ng katawan niya!” tugon niya.
“May itatanong din po ako, sir. May nawala po ba sa bahay ng mga Brillantes?”
naisip niya kasi baka ninakawan din ng White-Masked Killer ang mga Brillantes
dahil puro mamahalin ang gamit na naroon.
“Hindi.
Walang nawawala sa bahay ng mga Brillantes ayon na rin sa mag-asawang nakatira
doon. Isa pa, hindi nagnanakaw ang White-Masked Killer. Talagang pinapatay lang
niya ang mga biktima niya,” sagot ng pulis sa kaniya.
KINABUKASAN
ay nagtungo si Jane sa kulungan upang harapin ang White-Masked Killer. May
escort siyang pulis para na rin sa kaniyang seguridad. Dinala siya sa
pinagkukulungan ng killer. Mag-isa lang ito doon dahil nagiging bayolente ito
minsan. Matapang niya itong tiningnan habang nakaupo ito sa isang sulok. Nasa
likuran lang niya ang mga pulis.
Naramdaman
ng lalaki ang presensiya nila kaya tumayo ito at naglakad palapit sa kanila.
Nangingig ang buong katawan ni Jane nang titigan siya ng lalaki ng diretso sa
mata. Marahang gumuhit ang nakakatakot na ngiti sa mukha nito. Agad na
nagtayuan ang balahibo ni Jane.
“Siya
po ba, Miss Jane?” tanong ng isang pulis.
“Opo!
Siya iyong umatake sa amin!” Walang gatol na sagot niya.
Labas
sa ilong na tumawa ang lalaki. Huminga ito nang malalim na para bang inaamoy
siya. Nakakatakot ang mata nito. Matalim kung tumitig. May peklat ito sa
kaliwang pisngi na sa tantiya niya ay apat na pulgada ang haba. Medyo manipis
na ang buhok nito pero umaabot ang haba niyon sa leeg nito.
“Hahanapin
kita. Oras na makatakas ulit ako dito, hahanapin kita. Hindi na ako
makapaghintay na makita kang nahihirapan habang unti-unti kang nalalagutan ng
hininga!” Banta ng killer sa kaniya.
“Hoy!
Tumigil ka diyan! Huwag ka nang umasa na makakatakas ka ulit dito! Mabubulok ka
na diyan habangbuhay!” saway dito ng pulis.
Labis
ang takot na naramdaman ni Jane sa binitawang salita ng killer. Alam niyang
seryoso ito sa sinabi nito at tototohanin nito ang mga iyon. Nahihintakutang
napaatras si Jane palayo sa killer.
“G-gusto
ko na pong umalis dito!” aniya at niyakap ang sarili.
Inalalayan
siya ng dalawang pulis palayo sa kulungan ng White-Masked Killer.
“Hahanapin
kita! Papatayin kita!” Habol na sigaw pa ng killer na sinundan ng tila
nababaliw na pagtawa. Habangbuhay na niya yatang hindi makakalimutan ang paraan
ng pagkakatitig nito sa kaniya kanina. Maging ang mga tawa nito ay alam niyang
hindi siya papatahimikin sa kaniyang panaginip!
MAKALIPAS
ang dalawang araw ay medyo bumuti na ang lagay ni Jane. Nakalabas na siya ng
ospital at bumalik na sa bahay ni Betty. Tinuruan na lang siya ng nurse kung
paano niya lilinisin ang kaniyang sugat. Mabuti na lang at nandiyan sina Betty
at Prince para gabayan siya. Ang mga ito muna ang nagtutulong para sa pagbili
ng gamot niya. Lalo na ngayon na hindi pa siya pwedeng magtrabaho dahil hindi
pa ganoon kagaling ang sugat na tinamo niya.
Sa
mga nakalipas na gabi ay hindi nagagawang matulog ni Jane nang matiwasay.
Palagi siyang nagigising kapag nakakarinig kahit kaunting kaluskos lang.
Naaalala niya pa rin kasi ang banta ng White-Masked Killer na hahanapin siya
nito kapag nakatakas ulit ito. Kapag ganoon ay maiiyak na lang siya sa sobrang
takot.
Nabalitaan
ni Jane na sa araw na iyon ang libing nina Yssa, AJ, Baby Kayla at Armie. Kaya
kahit nahihiya siyang humarap sa mag-aswang sina Yvonne at Kristoff ay
naglakas-loob pa rin siya na pumunta sa libing. Iniisip niya kasi na baka galit
ang mga ito sa kaniya dahil wala siyang nagawa para mailigtas ang mga anak nito
pati si Armie.
Sa
isang pangmayamang sementeryo siya pumunta at doon ay naabutan niyang
sabay-sabay na tinatabunan ng lupa ang libingan ng magkakapatid. Narinig niya
na nauna nang ilibing kanina si Armie. Nais daw ng mag-asawang Brillantes na
magkaroon ng hiwalay na paglilibing ang tatlong anak ng mga ito.
Umiiyak
halos lahat ang naroon maging sina Yvonne at Kristoff. Hindi muna niya
nilapitan ang dalawa. Hinintay muna niyang matapos ang paglilibing at kaunting
seremonya. Nang matapos na at isa-isa nang nag-aalisan ang mga naroon ay saka
lang niya nilapitan ang mag-asawa.
“Ma’am,
sir…” Napatingin ang dalawa sa kaniya. Nakasuot ng salamin na itim ang mga ito
pero bahagyang sumisinghot dahil sa pag-iyak. “S-sorry po! Wala po akong
nagawa! Sorry po!” At napaiyak na rin si Jane. Hindi na niya napigilan ang
kaniyang mga luha at kumawala na ang mga iyon.
Inaasahan
na ni Jane ang panunumbat at pagsampal o pananakit ng mag-asawa sa kaniya kaya
labis siyang nagulat nang mahigpit siyang niyakap ni Yvonne. “Jane, wala kang
dapat ihingi ng sorry sa amin. Wala kang kasalanan. You’re a victim too. And
we’re still thankful na nakaligtas ka. Unfortunantely, hindi ganoon ang
nangyari sa tatlo naming anak!” Umiiyak nitong turan.
“M-ma’am?
S-sir?” Talagang hindi siya makaniwala sa kaniyang mga narinig.
Tinapik
pa siya ni Kristoff sa balikat. “Tama si Yvonne. Huwag mong isipin na sinisisi
ka namin sa nangyari. Walang dapat sisihin sa nangyari kundi ang killer na
iyon!” May pait sa pagsasalita nito.
Kumalas
na si Yvonne sa pagkakayakap sa kaniya. Hawak nito ang dalawa niyang kamay.
“Patawarin
niyo po ako kung wala akong nagawa. Wala po kasi akong kalaban-laban…”
“Shhh…
Stop that, Jane. Masakit para sa ating lahat ang nangyari. You don’t have to be
sorry.”
Nahihiyang
tumingin siya sa mag-asawa. “M-maraming salamat po sa inyo. Ang akala ko po
kasi talaga ay galit kayo sa akin.”
“Of
course not. Kami pa nga ni Kristoff ang nahihiya sa iyo dahil sa nangyari.
Hindi ka na tuloy makakapagtrabaho muna at alam naman namin na kailangan mo ng
malaking pera para sa lupa ninyo sa probinsiya. Nasabi mo iyon sa amin, `di
ba?”
“Opo.”
“Kaya
bilang kabayaran ay kami na ang magbibigay sa iyo ng pera para pangtubos sa
lupa ninyo. Napagkasunduan namin ni Kristoff ng three hundred thousand.”
“Ano
po?” Hindi makapaniwalang bulalas ni Jane.
“Yes,
Jane. Three hundred thousand pesos.” Pagkumpirma ni Kristoff. “Kung kulang pa
iyon ay pwede naming dagdagan. Alam namin na hindi mababayaran ng salapi ang
takot at trauma na pinagdadaanan mo pagkatapos ng nangyari pero hayaan mong
tulungan ka namin sa paraan na alam at kaya namin ni Yvonne.”
No comments:
Post a Comment