Tuesday, September 15, 2020

KAPIT SA PATALIM 06


IKAANIM NA KABANATA


        “HUWAG kang lalapit! Huwag kang lalapit!” Paulit-ulit na sigaw ni Jane habang hawak ang isang matalim na kutsilyo. Nakaturo iyon sa isang lalaki na hindi niya malaman kung sino dahil sa malabo ang mukha nito.

Katulad niya ay may hawak din itong kutsilyo na iwinawasiwas nito sa kaniyang harapan. Nakaupo siya sa sahig at nakasandal ang likod sa dingding ng isang silid na hindi niya alam kung kanino. Kahit ang kung paano siya doon napunta ay hindi rin niya matandaan.

“Papatayin kita!” Malakas pang humalakhak ang lalaki.

Takot na takot siya dahil baka matamaan siya ng talim ng kutsilyong hawak nito.

“Parang awa mo na! Umalis ka na!” Pakiusap niya. Napapaiyak na siya ng sandaling iyon.

“Papatayin kitaaa!!!” Malakas na sigaw ng lalaki.

Sinugod siya nito. Hindi niya malaman kung bakit hindi niya magawang maigalaw ang kaniyang katawan kaya matagumpay siyang nasaksak ng lalaki sa dibdib. Ramdam niya ang pagbaon ng kutsilyo doon. Napanganga siya at agad na nahirapang huminga. Nang hugutin ng lalaki ang kutsilyo ay napasinghap siya at kasabay niyon ay ang pagbulwak ng masaganang dugo sa sugat niya sa dibdib!

 

PAGMULAT ni Jane ng mga mata ay natagpuan niya ang sarili na nakahiga sa sofa. Naroon pa rin siya sa salas ng bahay ng mga Brillantes. Agad siyang napahawak sa dibdib at nang malaman na wala siyang sugat at dugo ay doon niya nahinuha na panaginip lang ang lahat.

“Isang serial killer ang nakatakas kahapon sa kulungan na hanggang ngayon ay pinaghahanap pa rin ng mga pulisya. Si Redentor Almari o mas kilala sa alyas na White-Masked Killer ay nahuli noong nakaraang taon lamang. Siya ay may biktima na aabot sa dalawampu. Sinasabing pumapasok siya sa isang bahay at pinapatay ang kaniyang mga biktima gamit ang isang matalim na kutsilyo. Pinapayuhan ang publiko lalo na ang nasa lalawigan ng Laguna na mag-iingat. Huwag kakalimutang isarado at ikandado ang pinto at bintana ng inyong bahay bago matulog sa gabi…”

Napapitlag si Jane nang mapagtanto niyang mag-isa na lang siya sa salas at wala na si AJ doon. Bukas pa rin ang telebisyon habang umeere ang isang panggabing balita. Kung ganoon ay nakatulog na pala siya sa sofa at hinayaan lang siya doon ni AJ. Ang batang talaga na iyon, walang ka-concern-concern sa kapwa nito. Hindi man lang siya ginising nang umakyat ito sa itaas.

Alas-dos na ng madaling araw ayon sa wall clock sa salas. Kung ganoon ay matagal na pala siyang nakatulog sa sofa. Mabuti na lang at malambot ang sofa dahil kung hindi ay baka sumakit pa ang likod niya o kaya ay nagkaroon siya ng stiff neck!

Tumayo na siya at akmang papunta na sa itaas nang may maramdaman siyang malamig na hangin na humaplos sa kaniya. Resulta para magtayuan ang lahat ng balahibo sa kaniyang buong katawan.

Marahan siyang lumingon sa kaniyang likod at napasimangot siya sa kaniyang nakita. “Ano ba `yan? Talagang hindi isinara ni AJ ang pinto, ha!” Mahina niyang reklamo. Kaya pala may naramdaman siyang hangin ay dahil bukas pa rin ang main door.

Padabog siyang lumapit sa main door at isinara iyon. Hindi niya kinalimutang i-lock lalo na at narinig at napanood niya sa telebisyon na may nakatakas daw na serial killer dito sa Laguna. Mabuti na ang nag-iingat sila, `no. Isa pa, dapat naman talagang inila-lock ang mga pinto at bintana bago matulog. Upang makasiguro ay chi-neck pa niya ang lahat ng bintana sa ibaba pati pinto sa likod kung naka-lock na. nang matapos siya sa pagche-check ay pinatay na niya ang ilaw sa ibaba at umakyat na sa hagdan para puntahan si Baby Kayla sa kwarto nito.

Nasa gitna na siya ng hagdan nang marinig niya ang pag-iyak ni Baby Kayla. Kaya napabilis ang pagpanhik niya. Nagmamadali siyang pumunta sa kwarto nito pero ganoon na lang ang pagkabigla niya nang hindi ito makita sa crib.

“Baby Kayla?” Nahihintakutan niyang bulalas.

Nasaan na ito? Hindi siya pwedeng magkamali. Dito niya ito iniwan bago siya bumaba kanina!

Pero naririnig pa rin niya ang malakas nitong pag-iyak. Parang nanggagaling sa kwarto ni Yssa. Palabas na sana siya ng kwartong iyon nang may makita siyang bulto ng isang lalaki na kakaakyat lang sa hagdan kaya napabalik siya sa pinanggalingang kwarto dahil doon. Sa takot niya ay ini-lock niya ang pinto at natatarantang nagpalakad-lakad sa paulit-ulit na direksiyon.

Kahit saglit lang niyang nakita ang bulto ng lalaki ay alam na agad niya na meron itong tamang pangangatawan at tangkad. Kaya sino ang lalaking iyon? Hindi naman iyon kasing-katawan ni Kristoff kaya imposibleng ang amo niya iyon.

Hindi kaya napasok sila ng magnanakaw? O baka naman iyon `yong serial killer na ibinalita kanina! Sa huli niyang naisip siya mas kinilabutan at natakot. Kasi kung magnanakaw, pera lang at mga kagamitan ang kukunin nito. Ngunit kung iyon ay ang serial killer, buhay ang kukunin nito!

Diyos ko! Ang mga bata! Kinakabahan niyang tili sa sarili.

Doon na niya naisip na tumawag na ng pulis. Pero nang kapkapin niya ang cellphone sa kaniyang bulsa ay wala ito doon. Saka lang niya naalala na baka nasa sofa iyon. Baka nahulog nang mapahiga siya doon at nakatulog.

“Patay na! Ano na ang gagawin ko?!” Tuliro na si Jane at hindi na siya makapag-isip nang maayos.

Hanggang sa nakita niya ang bintanang nakabukas. Pwede siyang lumabas mula doon at pagkatapos ay humingi ng tulong sa mga kapitbahay. Lumapit siya sa bintana at ganoon na lang ang panlulumo niya nang makitang sobrang taas niyon. Bukod pa doon ay may mga grills na may tulis sa dulo na nakabakod sa tapat ng bintana. May mga halaman kasi doon na namumulaklak kaya may ganoong bakod. Kapag tumalon siya ay siguradong patay siya agad.

“L-lubid!” bulalas niya.

Inisa-isa ni Jane ang mga aparador sa silid na kinaroroonan niya. Pati ang ilalim ng kama at mga bag ay hinalungkat niya pero kahit sinulid ay wala siyang nakita. Iyong kumot naman ay hindi ganoon kahaba at hindi aabot hanggang ibaba. Kung pagtatali-taliin niya ang mga damit na naroon ay matatagalan pa siya at hindi siya sigurado kung kakayanin siya ng tela niyon.

Nanlulumong napaupo si Jane sa isang sulok habang naiiyak. “ Ano nang gagawin ko?” Nanghihina niyang turan habang nakayuko.

Nag-aalala siya sa tatlong bata. Baka kung ano na ang ginawa ng lalaking iyon sa mga ito. Sobrang tahimik na kasi ng paligid. Huminto na sa pag-iyak si Baby Kayla.

Ilang minuto rin na namayani ang buong kabahayan at wala na siyang naririnig na kung ano. Sa wari niya ay ligtas na ang lumabas. O mas makakabuti na lumipat siya sa kwarto ni Yssa dahil sigurado siyang naroon ang kaniyang mga alaga. Baka katulad niya ay nagtatago din ito.

Inipon ni Jane ang natitirang tapang na meron siya at marahang gumapang papunta sa pinto. Dahan-dahan siyang tumayo at nang akmang bubuksan na niya iyon ay may narinig naman siyang yabag ng paa.

Nagulat siya nang may malalakas na katok siyang narinig sa pinto. “Ano bang nangyayari? Narinig kong umiiyak si Baby Kayla! Ang tagal bago mapatahan! Anong klase ka ba magtrabaho, Jane?!” boses iyon ni Armie na galit na galit. “Ang himbing ng tulog ko tapos ganiyan! Naku, pagdating nina ma’am at sir ay isusumbong kita. Sasabihin ko na wala kang kwentang babysitter kaya palitan ka na nila! Ano ba?! Buksan mo itong pinto!” Patuloy ito sa pagkatok ng malakas.

“Hoy! Jane! Buksan mo sabi itong—” Napahinto ito sa pagsasalita. “S-sino ka? P-paano ka nakapasok dito?” Biglang naiba ang tono ni Armie. Kung kanina ay galit ito ngayon ay parang nabahiran na ng takot ang pagsasalita nito.

Hanggang sa may marinig siyang nagkakalampagan at malalakas na yabag ng paa na parang naghahabulan.

“Ahhh!!! Tulungan niyo ako! Huwaaag!!!” Panay ang sigaw ni Armie.

“Putang ina ka! Bakit mo tinanggal!” Nanlaki ang mata ni Jane nang marinig niya ang boses ng lalaki. Malaki iyon at nakakatakot.

Pagkatapos niyon ay hindi na niya narinig pang magsalita si Armie. May kakaibang tunog siya naririnig. Parang tunog ng kutsilyo na tumatama sa kung saan. Nakakangilo ang ingay. Hanggang sa isang mahabang katahimikan ang muling namayani.

Nanginginig na siya sa sobrang takot. Kung pwede nga lang na panaginip na lang ang lahat at pagkatapos ay gigising siya pero tila hindi ganoon ang sitwasyon nila ngayon. Ito ang realidad. Hindi ito isang simpleng panaginip lang.

Doon lang napansin ni Jane na meron palang peep hole ang pinto. Inalis niya ang maliit na takip ng peep hole at sumilip. Wala siyang makita. Kahit si Armie ay wala na doon. Hanggang sa may maramdaman siyang parang basa sa kaniyang paanan.

Pagyuko niya upang tingnan kung ano iyon ay muntik na siyang mapasigaw sa sobrang kilabot at takot nang malaman na may dugong umaagos sa ilalim ng pinto. Nanggagaling iyon sa labas. Mabilis niyang naitutop ang mga kamay sa kaniyang bibig kaya napigilan niya ang pagsigaw.

Muli siyang nakarinig ng malakas na yabag sa tapat ng pinto niya. Inilayo muna ni Jane ang mga paa sa umaagos na dugo bago sumilip sa peep hole upang makita kung sino ang naroon. Nanlamig siya nang husto nang makita niyang nakatapat sa butas ng peep hole ang mukha ng isang lalaki na nakasuot ng kulay puting maskara. Walang emosyon ang maskara na nagbigay ng nakakatakot na aura dito.

Nahihintakutang napaatras si Jane habang impit na umiiyak.

Bigla niyang naalala iyong sinabi kanina sa balita. “Isang serial killer ang nakatakas kahapon sa kulungan na hanggang ngayon ay pinaghahanap pa rin ng mga pulisya. Si Redentor Almari o mas kilala sa alyas na White-Masked Killer ay nahuli noong nakaraang taon lamang…”

White-Masked Killer? Kung ganoon tama ang hinala niya na ang serial killer na nakatakas ang nandito sa bahay ng mga Brillantes ngayon!

Ano na ang gagawin niya? Hindi niya pwedeng pabayaan sina Yssa, AJ at lalong-lalo na si Baby Kayla. Sigurado siya na hindi sasantuhin ng White-Masked Killer na iyon ang mga bata. Sa pagkakatanda niya noon sa balita ay hindi ito umaalis ng bahay ng biktima nito hangga’t meron doong buhay.

Kailangang may gawin siya. Kailangan niyang siguraduhin ang kaligtasan ng mga alaga niya!

Pero paano niya mapo-protektahan ang mga ito kung maging siya ay takot?

Hindi pwede ang ganito. Dapat ay lakasan niya ang kaniyang loob. Ipinagkatiwala nina Yvonne at Kristoff ang mga anak nito sa kaniya at hindi niya dapat biguin ang mga ito. Kaya naman kahit takot na takot ay nag-isip pa rin siya ng paraan kung paano niya mapupuntahan ang mga alaga niya sa kwarto ni Yssa. Nangangamba siyang baka naghihintay lang ang killer sa paglabas niya.

Dapat ay meron siyang bagay na pwede niyang gamitin para maipagtanggol ang kaniyang sarili. Agad siyang naghanap sa kwarto ng bagay na magagamit niya at ang tanging naiisip lang niya ay ang salamin sa dingding.

Ibinaba niya iyon at malakas na inihampas sa sahig. Nabasag iyon at kinuha niya ang pinaka malaking piraso na may patulis na dulo. Kumuha siya ng damit ni Baby Kayla at ibinalot niya iyon sa dulo upang magsilbing hawakan niya. Para kahit hawakan niya ang salamin ay hindi siya niyon mahihiwa.

Lakasan mo ang loob mo, Jane! Diyos ko, huwag Mo po akong papabayaan, please. Kayo na po ang bahala sa akin! Aniya sa isip.

Nag-sign of the cross muna siya bago niya marahang binuksan ang pinto. Sumilip muna siya upang siguraduhin na wala na ang killer sa paligid. Sa tingin niya ay wala na ito kaya nagdesisyon siyang lumabas na nang tuluyan. Paghakbang niya ng paa palabas ay naibitin niya sa hangin ang paa nang makita niyang matatapakan niya ang duguan at wala nang buhay na katawan ni Armie!

Iyon pala ang pinangagalingan ng umaagos na dugo sa ilalim ng pinto.

Halos hindi niya magawang tingnan ang kalunus-lunos na hitsura ni Armie. Tadtad ito ng saksak sa iba’t ibang parte ng katawan. Mas marami sa leeg nito na para bang galit na galit ang gumawa niyon. Talagang siniguro ng killer na hindi na mabubuhay si Armie. Dahil doon ay mas lalo siyang nangamba para sa tatlo niyang alaga.

Mas lalo niyang tinapangan ang sarili kahit pakiramdam niya ay bibigay na siya. Hinigpitan niya ang pagkakakapit sa salamin at hinakbangan ang katawan ni Armie. Tahimik siyang naglakad papunta sa tapat ng pinto ng kwarto ni Yssa. Kumatok siya doon nang mahina.

“Yssa, a-ako ito. B-buksan mo ang pinto…” Hindi niya malaman kung lalakasan ba niya ang pagsasalita o hihinaan. “Yssa, si Ate Jane mo ito. Buksan mo ang—” Narinig niya ang pag-alis ng lock ng pinto.

Marahan iyong bumukas at sumilip ang umiiyak na mukha ni Yssa. “J-jane.” Nangangatal sa takot na bulalas nito. Saka lang nito binuksan ng malaki ang pinto nang masigurong siya nga iyon.

Mabilis siyang pumasok sa loob ng silid nito. Nagmamadaling isinara at ini-lock ni Yssa ang pinto. Doon niya nakita si Baby Kayla. Nakahiga ito sa kama at may pacifier sa bibig. Kaya pala biglang huminto ito sa pag-iyak ay dahil doon. Ang buong akala niya kasi ay may nangyaring hindi maganda dito. Salamat sa Diyos at ligtas ito at si Yssa. Kaya lang, parang hindi niya nakikita si AJ.

“Si AJ? Nasaan siya?” tanong niya kay Yssa. May hawak itong baseball bat at nakasiksik sa likod ng pinto na para bang handa itong umatake oras na pumasok ang killer.

“Nasa room niya. H-hindi ko na siya napapunta dito dahil sa killer guy na iyon!”

Nilapitan ni Jane si Yssa. Kapwa may takot sa mga mata nilang dalawa. “A-ano bang nangyari? Sino ang lalaking iyon? Bakit siya nandito?” sunud-sunod niyang tanong.

Umiiyak na umiling si Yssa. “I don’t know who’s that fucking killer guy! Bababa sana ako to get some water tapos nakita ko siyang nakapasok kasi bukas ang door. I saw him na lalapitan ka habang natutulog pero nakita niya ako. Kaya imbes na ikaw ang lapitan niya ay tumakbo siya dito sa itaas. Mabuti na lang at nakuha ko agad si Baby Kayla sa room niya!” Pagkukwento nito.

“B-bakit ka nandito kung pinuntahan mo si Baby Kayla sa room niya?”

“Because I left my fucking phone here! Pero hindi ko na alam kung nasaan. Kanina pa ako naghahanap pero hindi ko na maalala kung saan ko inilagay. Iyong laptop ko naman, walang internet connection. I am sure, pinutol ng killer guy na iyon ang connection!”

“Si AJ. May phone siya, `di ba? B-baka tumawag na siya sa pulis or sa mommy at daddy mo!”

“Ayokong umasa kay AJ. Pero sana nga, ginawa na niya iyon kasi ayokong mamatay tonight. Not tonight! Marami pa akong gustong gawin sa life ko! Mommy! Daddy!” At tuluyan nang nag-breakdown si Yssa. Napaupo ito sa sahig habang yakap ang basebell bat at humahagulhol ng iyak. Paulit-ulit na tinatawag ang mommy at daddy nito.

Upang kumalma si Yssa ay niyakap niya ito nang mahigpit. “Shhh… Tahan na. Huwag kayong mag-alala dahil nandito ako. H-hindi ko kayo papabayaan. Hindi ako makakapayag na masaktan kayo ng hayop na iyon!” aniya kahit siya mismo ay hindi sigurado kung kaya niyang ipagtanggol ang sarili.

“R-really?” Kahit papaano ay huminto na sa pag-iyak si Yssa.

Tumango siya. “Oo naman.” Kumalas na siya sa pagkakayakap dito. “Ang kailangan lang nating gawin ay makatawag ng tulong o hindi kaya ay makaalis ang isa sa atin para humingi ng tulong sa labas.”

“Si AJ… Nag-aalala ako sa kaniya. Mag-isa lang siya sa kwarto niya.”

Katapat ng kwarto ni Yssa ang kwarto ni AJ. Habang ang kwarto ni Baby Kayla ang katabi ng kwarto ni AJ. Sa pagkakaalam niya ang isa pang kwarto sa tabi ng kwarto ni Yssa ay kina Yvonne at Kristoff. Habang ang nasa gitna at dulo ay guestroom. Nabanggit din kasi iyon noong iginala siya ng mag-asawang Brillantes sa bahay.

“Jane, gusto kong kasama din natin dito si AJ! Baka kung ano na ang nangyayari sa kaniya doon! Tulungan natin siya!” Mahigpit na hinawakan ni Yssa ang manggas ng damit niya. “Let’s help him! Please, Jane! Hindi niya kayang ipagtanggol ang sarili niya!”

Habang nagsasalita si Yssa ay nag-iisip na agad siya ng paraan kung paano nila mapapapunta si AJ dito sa kwartong kinaroroonan nila. “Okay, okay! May naisip na akong paraan,” sabi niya.

“T-talaga? Anong paraan?”

“A-ako na ang bahala. Bigyan mo na lang ako ng mga gamit na maliliit na pwede kong ipangbato. Katulad ng mga make up, pigurin o kung ano man. Basta!” Natataranta pa rin siya.

Hindi na nagtanong pa si Yssa at sinunod na lang nito ang sinabi niya. Kumuha ito ng kung anu-anong gamit at ibinigay sa kaniya. Meron doong pigurin, lipstick, lalagyan ng mga make up at kung anu-ano pa. Pumunta siya sa harapan ng pinto at marahan iyong binuksan. Sumilip din muna siya upang makasiguro na wala sa paligid ang killer.

Mukhang wala naman iyon kaya sinimulan na niya ang naisip na plano. Isa-isa niyang ibinato ang mga gamit na meron siya sa pinto ng kwarto ni AJ habang tinatawag ito. “AJ! Halika dito. Lumabas ka diyan. Bilisan mo!” Abot-langit na ang kaba niya dahil baka bigla siyang marinig ng killer at sumulpot na lang ito sa kung saan.

Bakit parang ang tagal naman yatang buksan ni AJ ang pinto nito?

Pero hindi pa rin siya nawalan ng pag-asa. Patuloy lang siya sa kaniyang ginagawa. At nang sa wakas ay bumukas na ang pinto at sumilip si AJ ay nabuhayan siya ng loob. Salamat sa Diyos ay buhay pa ito. Kinawayan niya ito at sinenyasan na tumakbo papunta sa kaniya.

“Baka nandiyan `yong killer!” anito.

“Wala siya. Baka nasa ibaba.”

“Sigurado ka ba? I’ll kill you kapag nahuli niya ako!” Kahit pilyo ito ay tinatablan din pala ito ng takot. Halata kasi sa pagsasalita nito na natatakot ito.

“Magtiwala ka sa akin. Bilisan mo na. Tumakbo ka na dito!”

Hindi na nagsalita pa si AJ. Binuksan nito nang malaki ang pinto at bumwelo ng pagtakbo. Nakakaisang hakbang pa lang ito nang bigla na lang itong matumba at malakas na napasigaw dahil sa sakit. Iyon pala ay natapakan nito ang kung anu-anong gamit na ipinagbato niya sa pinto.

Ganoon na lang ang panlalaki ng mata ni Jane nang bumukas ang pinto ng kwarto ni Baby Kayla at lumabas doon iyong killer na nakasuot ng puting maskara. Nilapitan nito agad si AJ at sinabunutan. Walang babalang ginilitan nito sa leeg ang bata.

“AJ!!!” Palahaw ni Jane. Halos mabaliw siya nang makita niya ang pagbulwak ng dugo sa malaking sugat ni AJ sa leeg.

Biglang tumingin ang killer kay Jane at mabilis itong tumakbo papunta sa kaniya. Naisara naman niya ang pinto at nai-lock bago pa ito. Nang makita ni Yssa na umiiyak siya ay napaiyak na rin ito.

“Nasaan si AJ?! Bakit wala siya?!” Hagulhol nito.

“W-wala na siya! Patay na rin siya!”

“Ano?! AJ!” Pupunta pa sana si Yssa sa pinto para tingnan sa labas ng kwarto ang kapatid pero agad niya itong pinigilan. Niyakap niya ito at puwersahang inilayo sa pinto. “AJ!!!” Panay ang sigaw nito.

“Yssa! Makinig ka sa akin! Kailangan nating magtago!”

Kapwa sila napapitlag nang sunud-sunod na katok ang marinig nila sa pinto. Maya maya ay parang binabangga na iyon. Pilit na iyong bubuksan ng killer para sila naman ang isunod kay AJ!


No comments:

Post a Comment