Monday, September 14, 2020

KAPIT SA PATALIM 05

 

IKALIMANG KABANATA


        “HALA! Grabe naman sa pagka-rich iyang mga amo mo, friend! Ang laki-laki ng bahay nila. Wala ba silang mapa? Baka maligaw ka diyan, friend!”

“Ang OA naman ng maliligaw, friend!” Natatawang turan ni Jane matapos niyang ipakita kay Betty ang mga pictures na nakunan niya sa bahay ng mga Brillantes.

Kasalukuyan silang nasa Jollibee at kumakain ng tanghalian. Kasama din nila si Prince na siyang nanlibre sa kanilang magkaibigan. Pagkatapos kasi niyang pumunta sa bahay ng mga Brillantes ay agad niyang tinawagan si Prince para sabihin dito na natanggap na siya bilang babysitter. Sa sobrang tuwa ng boyfriend niya ay inaya siya nitong kumain sa Jollibee. Treat daw nito dahil ginalingan niya kaya siya natanggap sa in-applyan na trabaho. Siyempre, gusto din niyang makabawi kay Betty dahil ito ang tumulong sa kaniya nang palayasin siya ni Manang Elsa ay ipinagpaalam niya kay Prince kung pwedeng isama nila ito. Pumayag naman si Prince kaya umuwi agad siya upang sabihan si Betty na sa labas sila kakain at treat ng kaniyang boyfriend. Kahit inaantok pa ito ay talagang bumangon ito, naligo at nagbihis upang sumama sa kaniya. Tuwang-tuwa din si Betty nang sabihin niyang meron na siyang trabaho. Atleast daw kahit papaano ay makakapag-ipon na siya ng pera para matubos ang nakasanglang lupa nila sa probinsiya.

“Pero true naman talaga, friend. Ang laki ng bahay nila. Walang duda na rich talaga sila. As in, richness to the max! Grabe! Kailan kaya ako magkakaroon ng ganiyang bahay?” nangalumbaba si Betty na parang nangangarap.

“Patingin nga ako.” Kinuha ni Prince ang cellphone niya upang tingnan ang mga pictures sa bahay ng mga Brillantes. Tatango-tango ito sabay balik sa kaniya. “Mamahalin ang gamit nila. Malaki ang kikitain kapag naibenta iyan.”

Sabay silang napatingin ni Betty kay prince dahil sa sinabi nito.

Tumaas ang dalawang kilay ng lalaki. “Bakit? Sinasabi ko lang na parang mahal ang mga gamit nila. Wala akong ibig sabihin,” anito sabay subo ng fries na isinawsaw nito sa ketchup.

“Agree ako sa sinabi ng boyfie mo. Halos lahat yata ng gamit nila ay may touch ng gold! Ano bang trabaho ng mag-asawang iyon at sobrang yaman nila?”

Kumibit-balikat siya sa tanong ni Betty. “Ewan. Hindi ko rin alam, e. Hindi na ako nagtanong at baka isipin nila na usisera at pakialamera ako. Basta umaalis sila ng seven o’clock ng gabi tapos bumabalik ng seven o’clock ng umaga. Iyon kasi ang oras ng pasok ko,” sagot niya.

“Basta, friend, pagbutihin mo diyan, ha. Gawin mo ang lahat para matuwa sa iyo `yong mag-asawang Brillantes. I-friend mo sila at baka malay natin, lakihan nila ang sahod mo! O, `di ba?” At natatawang nag-apir pa silang magkaibigan habang nakatingin lang sa kanila si Prince.

 

NAGPAHATID si Jane kay Prince sa bahay ng mga Brillantes sa unang gabi niya bilang babysitter doon. Para alam din nito kung saan siya susunduin bukas. Dahil sa may permiso na nina Yvonne at Kristoff ang pagpasok niya sa Carmelridge Town ay nagawa niyang maisama doon papasok si Prince.

Nasa may labas pa lang sila ng gate ni Prince dahil nagpupumilit itong pumasok sa loob. Gusto kasi nitong makita ang loob ng bahay dahil namamangha daw ito sa mga pictures na ipinakita niya.

“Sige na, Jane. Kahit sisilip lang ako tapos aalis din ako agad.”

“Prince, hindi nga kasi pwede. Kabilin-bilinan nina Mr. at Mrs. Brillantes na bawal ang bisita.”

“Ano ba iyan? Aalis din ako agad kapag nakasilip na ako. Promise!” Patuloy nitong pamimilit.

Mariin siyang umiling. “Ay, naku! Huwag nnag makulit. Okay? What if makita nila na nagpapasok ako ng ibang tao? Edi, nawalan agad ako ng trabaho na may malaking sahod. Alam mo naman kung gaano kahalaga sa akin ang trabaho na ito, `di ba?” Hiling niya ay tumigil na ito sa pangungulit sa kaniya.

“Hindi naman ako ibang tao, e.”

“Sa akin, hindi. Pero sa mga Brillantes, oo. Kung akin lang iyang bahay kahit mag-stay ka pa diyan forever. Okay lang!” aniya pa. “Sige na. Umuwi ka na. Magkita na lang tayo bukas ng umaga. Abangan mo ako sa may gate nitong Carmelridge Town.”

“Saglit lang naman, e…” ungot ni Prince. Akala mo ay isang batang hindi pinagbigyan sa gustong bilhin na laruan. Tiningnan na lang niya ito nang seryoso. “Oo na. Sige na nga. I-kiss mo na lang ako!” request nito sabay nguso.

Agad niya itong pinagbigyan. Idinikit niya ang labi niya sa labi ni Prince. Niyakap na din niya ito. “I love you, Prince!” aniya.

“I love you too! Mag-iingat ka, ha.”

“Ikaw din. Mag-iingat ka pag-uwi mo. Mag-text ka kapag nasa inyo ka na. Saka huwag ka nang gumala-gala pa. Mapapagastos ka na naman, e.”

“Opo, mahal na reyna!” At pabiro pa itong yumukod at saka naglakad paalis.

“Umalis ka na!” Kinikilig pa niyang habol na sabi.

Inihatid niya ito ng tanaw. Manaka-naka ay lumilingon pa ito sa kaniya at nagfa-flying kiss sa kaniya. Halos maihi naman siya sa kilig sa ginagawa ni Prince. Nang wala na ito sa kaniyang paningin ay saka siya humarap sa gate upang pindutin ang doorbell. Pero muntik na siyang maihi sa sobrang gulat nang makitang nakatayo na pala si Yaya Armie sa may gate. Nasa loob ito at parang kanina pa nanonood sa kanila ni Prince.

“Ay, tikbalang ka!” Gulat niyang bulalas na may kasamang paghawak sa dibdib. “Armie! Nakakagulat ka naman. Hindi ko man lang naramdaman na nandiyan ka na. Pusa ka ba?”

Matalim ang mata nito sa kaniya. “Ang haharot!” pakli nito. Binuksan nito ang gate at pumasok na siya. Nakakahiya. Nakita pala nito ang paglalandian nila ni Prince. Siyempre, hindi pa niya ito ka-close kaya nahihiya siya.

Nauuna sa kaniya si Armie. “Bakit ngayon ka lang? Alam mo bang kanina ka pa hinihintay nina ma’am at sir?” Ang sungit talaga nito sa kaniya.

“Seven pa naman ang sabi nila na start ng trabaho ko—”

“Kahit na! Kapag ba sinabing seven ay seven ka talaga darating? Dapat before seven ay nandito ka na. Ugaliin mo ang ganiyan at tingnan ko lang kung matuwa sa iyo ang mga amo natin.”

Ang sungit naman! Para five minutes before seven pa lang naman! Sagot ni Jane pero hindi na lang niya isinatinig at baka magkasagutan pa sila ni Armie.

“Okay. Noted.” Iyon na lang ang isinagot niya.

Pagkapasok sa loob ng bahay na nasa salas na sina Yvonne at Kristoff. Nakabihis na ang dalawa na parang pupunta sa office. Naroon din sina AJ at Yssa na karga ang kapatid na si Kayla. Nanonood ang mga ito ng Netflix sa telebisyon.

“Magandang gabi po.” Pagbati ni Jane.

“Oh, nandito na pala si Jane, honey!” ani Yvonne kay Kristoff. Sabay na tumayo ang dalawa at nilapitan siya. “Ikaw na ang bahala sa mga anak namin, ha. Lalo na kay Kayla. Kapag may tanong ka, kay Yaya Armie ka magtanong. Alam niya lahat.”

Nakangiti siyang tumango. “Okay po, Ma’am Yvonne.”

“Honey, we have to go,” singit ni Kristoff.

“Okay. Sige na. Aalis na kami,” ani Yvonne. Binigyan muna ng mag-asawa ng tig-iisang halik sa pisngi ang mga anak nito bago tuluyang umalis.

 

KAYA ko `to. Mabilis lang na matatapos ang gabi at mamaya ay uuwi na ako. Kaya ko ito! Huminga nang malalim si Jane habang nakaharap sa salamin sa banyo. Paulit-ulit niya iyong ginawa hanggang sa medyo nawala na ang kaba sa dibdib niya. Kinakabahan siya dahil unang gabi niya sa trabahong ngayon lang niya gagawin. Natatakot siya na baka makagawa siya ng pagkakamali.

Pagkatapos na pakalmahin ang sarili ay lumabas na siya. Muntik pa siyang mapasigaw nang bumulaga sa kaniya si Armie na matalim ang tingin sa kaniya.

“Armie naman! Aatakihin na ako sa iyo sa puso. Palagi ka na lang sumusulpot!”

“Bakit? May sakit ka ba sa puso?”

“Wala.”

“Edi, hindi ka aatakihin sa puso. Echosera! Tabi. Gagamit ako ng banyo. Tatae ako!” Walang preno nitong sabi at hinawi siya nito. Hindi man lang nag-excuse o ano. Basta walang galang siya nitong pinatabi.

Naku! Bahala nga ito sa bahay nito. Hindi na lang niya ito pagbibigyan ng pansin. Baka may dalaw si Armie ngayon kaya masungit. Pero kung wala, bakit kaya ito ganoon sa kaniya? Wala naman siyang matandaan na nagawa niya ditong hindi maganda nang nagpunta siya dito kahapon. Baka ganoon talaga ang attitude nito kasi mag-isa lang itong kasambahay ng mga Brillantes. Pagod siguro sa maghapong gawain tapos wala pa itong katulong na gumawa niyon.

Isa pa iyon sa ipinagtataka ni Jane. Sobrang yaman ng mga Brillantes pero iisa lang ang afford na kasambahay. Bakit kaya? Cost cutting o nagtitipid lang talaga?

Bumalik na si Jane sa salas at nanonood pa rin sa Netflix ang magkakapatid.

Umupo siya sa tabi ni Yssa at kinuha si Kayla dito. Si AJ ay nakadapa sa sahig at naglalaro ng isang game sa cellphone nito. “Anong pinapanood ninyo?” tanong ni Jane upang magkaroon sila ng mapag-uusapan. Kailangan niyang makapalagayan ng loob ang mga magiging alaga niya. Lalo na at siguradong isang buwan siyang magtatrabaho dito.

“American Horror Story Murder House,” sagot ni Yssa na hindi inaalis ang mata sa pagkakatutok sa telebisyon.

“Murder? Patayan?”

“Yah.” Matipid nitong sagot.

“Hindi dapat kayo nanonood ng ganiyan. May violence pala iyan. Saka hindi ba kayo nandidiri sa ganiyang palabas?”

“Nope.”

“Will you shut your mouth, Jane?! Wala kang rights para i-dictate sa amin kung ano ang papanoorin namin. Okay?” Masungit na turan ni AJ.

`Ayan na nga. Na-sampolan na siya ng magaspang nitong ugali kaya tumahimik na lang siya at nakinood. Parang ayaw na tuloy niyang magsalita at baka mas malala pa ang sabihin ni AJ sa susunod. Si AJ kasi iyong parang tipikal na brat na anak. Palaging nakasimangot, magkasalubong at kilay at mukhang bully talaga. Iiwas-iwas na lang siya dito hangga’t maaari. Tutal kay Kayla naman siya dapat talaga nakatutok. Hindi na naman ito alagain at si Yssa.

Medyo brutal nga ang patayan sa pinapanood nina Yssa. Kahit papaano ay sanay siya sa ganoong panoorin kaya ayos lang sa kaniya. Ang hindi lang niya maintindihan ay kung bakit mahilig sina Yssa sa mga ganoong palabas. Noong nasa edad kasi siya nito ay puro romance movies ang gusto niyang panoorin dahil natuto na siyang kiligin noon. Gumagarutay na siya, kumbaga.

Series pala ang pinapanood nila. Pagkatapos ng isang episode ay niyaya siya ni Yssa sa kwarto ni Kayla. Gusto daw nito ng makakakwentuhan kaya pumayag siya. Atleast, ito ang gumagawa ng paraan para maging close sila, `di ba?

Umupo sila sa kama habang naglalaro si Kayla ng baby rattle.

“So, Ate Jane, may boyfriend ka na ba?” Nabigla siya sa tanong ni Yssa.

“Ha? M-meron na. Bakit ganiyan talaga ang topic natin? May crush ka na ba sa school? Uy, sino? Gwapo ba siya? Mayaman din? Sino, ha?” Sinakyan na lang ni Jane ang topic na gustong pag-usapan ni Yssa kahit parang hindi siya kumportable na ganoon agad ang kanilang pagkwentuhan.

“Hmp! Kahit sabihin ko sa iyo, hindi mo rin naman kilala. He’s name is Charles. Classmate ko. But meron na siyang girlfriend.”

“Ay, sayang… Pero `wag kang mag-alala kasi pretty ka. Sure ako na maraming nagkakagusto sa iyo. Ipapaputol ko ang lahat ng daliri ko kung wala!”

“Maganda nga but still hindi pa rin ako gusto ng crush ko…” Naramdaman ni Jane ang pagkadismaya sa pagsasalita ni Yssa. “Ang sabi mo, meron ka nang boyfriend…”

“Oo. Bakit?”

“So, nagsi-sex kayo?”

Nanlaki nang husto ang mga mata ni Jane sa tanong ni Yssa. “Ano ba namang tanong iyan, Yssa? Hindi pa tayo pwedeng mag-usap tungkol sa ganiyang topic. Okay? Change topic na lang—”

“Ano’ng feeling? Masarap ba talaga?”

“Sobrang sarap—Ay! Ano ba?! Hindi nga sabi pwedeng ganiyang topic, Yssa. Iba na lang!” Pinagpawisang tuloy siya ng malamig kahit airconditioned ang kwarto. “May mga tanong na lang ako. Magpapa-tsismosa na lang ako ngayon para makilala ko kayo nang husto. Si AJ—ganoon ba talaga ang ugali niya? Binigyan na rin kasi ako nina mommy at daddy niyo ng babala sa kaniya, e.”

Tumaas ang balikat ni Yssa sabay baba. “Yes. Lahat ng babysitter namin ay pina-prank niya. Si Yaya Armie lang ang hindi dahil sanay na sa kaniya si yaya. Wala nang talab kay yaya ang ugali ni AJ,” sagot nito.

“Ay ganoon? E, bakit isa lang ang kasambahay ninyo? Si Armie lang.”

“Dahil may trust-issue ang parent ko. Hindi sila nagha-hire ng tao nang hindi nila pinagkakatiwalaan. Kahit driver, wala kami. Well, binabayaran naman nina mommy si Yaya Armie ng malaking halaga ng money kaya okay lang kahit mag-isa lang siya. Sulit ang pagod niya. So, dapat maging proud ka kasi nakita nilang trustworthy ka.”

Parang utang na loob pa pala niya ang pagkakatanggap sa kaniya dito.

“Salamat naman, ha.” Pilit siyang napangiti. “`Yong work ng parents mo, ano pala? Bakit gabi sila umaalis para magtrabaho?”

“Siguro may mga bagay na dapat ay off limit ka na, Jane. Hindi ba sinabi sa iyo nina mommy at daddy na bawal ang magtanong about sa work nila? Ayaw din namin sa tsismosa. Pinuputol namin ang dila!” Natakot siya sa sinabi ni Yssa. Seryoso kasi ang mukha nito at titig na titig sa kaniya. Maya maya ay bigla itong tumawa. “Joke lang po! Stock holders sina mommy at daddy. May mga shares sila sa iba’t ibang malalaking company. Here and abroad. At may pinapatakbo silang casino that’s why umaalis sila sa gabi para personally na tingnan kung ayos ba ang casino namin.”

Napalunok na lang siya ng sariling laway. “Ah, k-kaya pala…”

“May gusto ka pa bang itanong?”

“Ah, e, w-wala na. Wala na.” Natataranta niyang sagot.

“If that so, pupunta na ako sa room ko. Magpapaantok na ako. Ikaw na ang bahala sa baby namin, ha!” Hinalikan nito sa noo ang kapatid. “Good night, Baby Kayla!” anito at iniwan na siya nito sa kwarto nila ng kaniyang alagang baby.

Tumayo saglit si Jane upang isarado ang pinto. Pagharap niya kay Kayla ay nagulat siya nang makitang gumagapang ito at malapit nang mahulog sa gilid ng kama! Akala mo ay kidlat sa bilis na tinakbo niya ang kinaroroonan nito. Hinablot niya ito at kinarga.

“Muntik ka na! Huwag mo naman akong alisan ng trabaho, Kayla. Diyos ko!” Kinakabahan pa rin niyang turan.

Kung nahulog ito at may hindi magandang mangyari, siguradong lagot siya sa mag-asawang Brillantes. Baka ipakulong pa siya ng mga iyon. Hindi siya pwedeng makulong. Sino na lang ang maghahanap ng perang pangtubos sa lupa nila kapag nasa kulungan na siya?

Upang hindi na mangamba si Jane na baka mahulog si Kayla sa kama ay inilipat niya ito sa crib. Umiyak ito nang malakas pagkababa niya. Nang i-check niya ang diaper nito ay nakita niyang meron na itong tae. Kaya dinala muna niya ito ulit sa may kama upang linisan at palitan ng diaper. Ibinalik niya na ito sa crib pagkatapos. Pinagtimpla ng gatas at ibinigay iyon dito. Hindi pa man nauubos ni Kayla ang gatas ay nakatulog na agad ito.

“Ay, tulog na agad?” Tiningnan niya ang oras sa wall clock. Alas nuebe pa lang ng gabi. Maaga pa at hindi pa siya inaantok.

Ang akala pa naman niya ay mahihirapan siya sa pag-aalaga kay Kayla. Inisip niya na mahilig itong umiyak at sobrang maligalig. Hindi pala. Ang daling dalawang libo pala nito kung ganoon. Pero siyempre, hindi pa tapos dito ang trabaho niya. Kailangan pa niyang tingnan ang magkapatid na Yssa at AJ kung ayos lang ang dalawa. Saka baka mamaya magising si Kayla. Dapat kung matutulog siya ay hindi iyong sobrang himbing. Mababaw lang dapat.

Siniguro muna ni Jane na mahimbing na ang tulog ni Kayla bago siya lumabas ng kwarto upang i-check ang dalawa pa niyang alaga. Pagakalabas niya ng kwarto ay may biglang tumakbo sa harapan niya at siniko siya sa may bandang puson. Halos lumuwa ang mata niya sa labis na sakit. Nanghihinang napasandal na lang siya sa pinto habang sapo ang nasaktang puson.

Nakita niya na si AJ ang tumakbo at sumiko sa kaniya. Huminto ito malapit sa hagdan pababa at pilyong ngumiti. Wala man lang itong balak na mag-sorry sa kaniya.

“Hindi ka dapat tumatakbo, AJ. Tulog na si Kayla. Baka magising siya,” saway niya dito.

“I don’t care! Edi, patulugin mo ulit kapag nagising. Trabaho mo `yon, `di ba?” At patakbo ulit itong bumaba ng hagdan habang tumatawa ng malakas.

Napapailing na minasahe ni Jane ang kaniyang puson. Talaga ngang iba ang ugali ng batang iyon. Si Yssa, medyo pilya pero sa pakikipag-usap lang. Si AJ, matabil ang dila at namimisikal pa.

“Para sa lupa. Para sa pera. Para sa pamilya…” Paulit-ulit na sinabi iyon ni Jane nang mahina habang humihinga nang mabagal. Iyon ang mga dapat niyang sabihin kapag feeling niya ay susuko na siya.

Nang medyo nawala na ang sakit sa kaniyang puson ay kinatok na niya si Yssa sa kwarto nito. May kausap ito sa cellphone at ang sabi ay matutulog na rin. Si AJ na lang ang problema niya. Sinundan niya ito sa ibaba at nakita niya itong nasa harapan ng TV. Naririnig niya ang paghuhugas ni Armie ng mga pinagkainan sa kusina. Parang nagdadabog ito.

“AJ, anong oras ka pala natutulog?” tanong niya.

“Wala kang pakialam!” Pabalang nitong sagot.

“Sige. Aakyat na ako sa itaas, ha. Kapag inaantok ka na, umakyat ka na lang din sa kwarto mo.”

Babalik na sana si Jane sa itaas nang marinig niyang tinawag siya ni Armie. “Hoy! Hoy! Saan ka pupunta?” Nakapameywang ito nang lingunin niya.

“Sa itaas. Magpapaantok na po.”

“Ha? Anong magpapaantok, Jane? E, `eto? Paano?” itinuro nito si AJ.

“Hindi pa daw siya inaantok, e.”

“Kaya magpapahinga ka na? Aba, Jane! Hindi tayo binabayaran dito para magpa-prente lang. Hindi ka pwedeng matulog hangga’t may gising pa sa mga alaga mo. Mamaya ka na matulog. Bantayan mo muna si AJ at ako ay magbu-beauty rest na. Trabaho mo iyan kaya gawin mo. Saka iyong pinto, `wag mong kakalimutang isarado kapag aakyat na kayong dalawa sa itaas. Okay?” Inirapan muna siya ni Armie bago ito bumalik sa kusina para ipagpatuloy ang gagawin.

Bagsak ang balikat na umupo si Jane sa sofa habang walang ganang nakinood sa pinapanood ni AJ sa telebisyon. Gusto na sana niyang masubukang humiga sa kama niya sa itaas. Nang umupo siya doon kanina ay talagang sobrang lambot! Kaya sigurado siya na mahimbing ang tulog niya doon mamaya.

Kaya lang ang problema niya ay si AJ. Uminom yata ito ng ilang galon ng kape at hindi pa tinatablan ng antok. Hindi pa rin naman siya inaantok. Pero paano kung makipagpuyatan sa kaniya si AJ? Iyon ang magiging problema niya kung sakali!

No comments:

Post a Comment