Monday, September 14, 2020

KAPIT SA PATALIM 04

 

IKAAPAT NA KABANATA



        MAGNAKAW na lang kaya ako sa banko? Ay, kaya lang wala pala akong baril. Kapag kutsilyo ang dala ko sa pangho-holdap sa banko, madaling maagaw. Huwag iyon. Iba na lang… Poproblemahin ko pa kung saan ako kukuha ng baril. Kainis! Kung anu-ano na lang ang pumapasok sa utak ni Jane habang nakatitig siya sa kisame.

Bukas ang TV at naririnig niya ang pagjo-joke ni Vice Ganda doon pero wala doon ang kaniyang atensiyon. Nakahiga siya sa sahig ng katanghaliang-tapat. Mas malamig kasi sa sahig kaya hindi na niya kailangang magbukas ng electric fan. Siyempre, gusto rin niyang magtipid ng kuryente at baka lumaki ang babayaran ni Betty.

Nakikitira lang siya dito kaya dapat ay marunong siyang makisama at magtipid. Kakatapos lang niyang maglaba at idinamay na niya ang mga damit ni Betty. Hindi siya nahirapan sa paglalaba ng mga damit ng kaibigan dahil puro maliliit lang iyon. Parang wala naman siyang nakitang malaki o mahabang damit si Betty. Tipid pa sa sabon at kusot. Hindi siya gaanong napagod.

Pero iyon nga, wala pa rin siyang maisip na paraan kung paano siya magkakaroon ng one hundred fifty thousand pesos sa loob ng tatlong linggo lang. Lahat na nga yata ng kakilala niya ay natawagan na niya pero puro kakarampot lang ang kayang ipautang sa kaniya.

“Ay puking malaki!” Gulat niyang sambit nang malakas na nag-ring ang cellphone na nasa ulunan niya. Kinuha niya iyon at agad na sinagot nang malaman na si Prince ang tumatawag. “Hello, Prince. Bakit?”

“Ano? Gusto mo ba iyong trabaho na sinabi ko sa iyo? `Yong babysitter.”

Oo nga pala. May trabahong sinabi si Prince sa kaniya at sa dami ng nasa utak niya ay nakalimutan na niya ang tungkol doon. “Kailangan na kailangan na ba talaga nila? Kailan ba mag-uumpisa doon?” tanong niya.

“Bukas ng gabi nga sana, e. Kinukulit na ako no’ng kakilala ko na baka may kilala akong pwedeng ipasok ko doon. Kaya ikaw nga sana gusto ko, Jane. Alam ko kasi na kailangan mo ng trabaho. `Di ba, nakwento mo sa akin kagabi na nasisante ka na doon sa pinagtatrabahuhan mo? Ano, gusto mo ba?”

Mabilis na nag-isip si Jane. Sa tingin niya ay wala na siyang pagpipilian kundi tanggapin ang trabahong iyon. “Dalawang libo kada gabi, `no? Sige. Tatanggapin ko na. Saan ba iyon?” Pagpayag niya.

“Carmelridge Town.”

“Doon sa pang-mayaman na subdivision?” Medyo malapit lang iyon dito at sa pagkakaalam niya ay puro mayayaman ang nakatira doon. “Mayaman nga!”

“Bukas ng umaga ay kailangan mo nang pumunta doon para makausap mo `yong mag-asawa.”

“Mag-a-apply pa ako? May interview pa talaga?”

“Siyempre! Kailangan iyon. Kaya nga galingan mo, Jane, para ikaw ang piliin nila. Mahirap nang makahanap ng trabaho na dalawang libo ang sweldo tapos ilang oras ka lang magtatrabaho. Para ngang hindi ka na nagtatrabaho no’n kasi nasa bahay ka. Tapos gabi. Tulog na mga babantayan mo.”

“Kung makapagsalita ka naman diyan parang may hati ka sa sahod ko.”

“Wala, `no. Gusto lang talaga kitang tulungan dahil kailangan mo talaga ng trabaho. Malay mo ito na ang trabaho na magpapayaman sa iyo.”

“Ha? Magpapayaman talaga? Hay naku. Ewan ko sa’yo, Prince! Pero sige, push na ako diyan. I-text mo na lang sa akin iyong address para hindi ko makalimutan. Saka iyong mga kailangan kong dalhin para bukas. Huwag kang mag-alala dahil hindi kita ipapahiya. Promise!” Determinado niyang turan.

 

NAPANGIWI si Jane naman makita ang ayos niya sa salamin na nasa kaniyang harapan. Nakasuot siya ng kulay puting blouse at pencil cut na palda. Ipinahiram sa kaniya iyon ni Betty dahil wala siyang damit na maayos-ayos. Puro kasi pantalon ang mga pang-alis niyang damit. Nilagyan din siya ng make up ni Betty kaya lang ay naghilamos din siya pagkatapos dahil sa sobrang kapal. Ang akala yata nito ay mag-a-apply siya sa pinagtatrabahuhan nitong night club. Naglagay na lang siya ng face powder, lip tint at nagpakilay siya dito ng maganda.

Umikot siya at pinagmasdan nang maigi ang hitsura. “Sure ka ba na maganda itong suot ko? Hindi ba para akong nagtatrabaho sa SM?” tanong niya.

“Oo naman, `no. Pak na pak kaya! Saka sabi mo, mayaman iyong mag-asawa kaya dapat ay presentable ka. Para kapag nakita ka pa lang nila ay tanggap ka na agad kahit wala pang interview! Oh, `di ba? Push mo na `yan, te!”

“Sigurado ka, ha. Kapag ako hindi natanggap dahil sa damit kong ito, humanda ka sa akin!”

“Ikaw naman. Ako pa talaga sisisihin mo. Nag-help lang naman ako sa iyo! Ay, teka. Wait ka lang at may kukunin pa ako!” May kinuha si Betty sa ilalim ng higaan. Isang sapatos na kulay itim na may takong na ang taas ay apat na pulgada yata. “Dyaraaan!” Hinipan niya iyon sa harapan ko dahil kulapol ng alikabok. Sabay pa kaming napaubo dahil sa nagliparang alikabok sa paligid namin.

“Ano ba iyan, friend? Hihikain naman ako sa sapatos mo!”

“Sorry naman!” Kumuha siya ng pamunas at pinunasan ang sapatos hanggang sa maging malinis iyon. Inilagay nito iyon sa paanan niya na agad niyang isinuot.

Kasyang-kasya iyon sa kaniya kaya natuwa siya. Talagang parang kambal na nga sila ni Betty. Hindi lang sila sa mga damit magkaparehas ng sukat kundi maging sa sapatos.

“`Ayan! For sure, ikaw na ang matatanggap na babysitter!”

“Naku! Sana nga. Magdilang-anghel ka sana, friend. O, siya. Aalis na ako at hahanapin ko pa ang bahay ng pag-a-applyan ko. Ipagdasal mo ako, ha!” Nagbeso silang dalawa at saka siya umalis.

 

MATAPOS ang pagsakay sa jeep, isang tricycle at halos kalahating oras na paglalakad ay narating na rin ni Jane ang bahay ng mag-asawang Kristoff at Yvonne Brillantes. Nang papasok na siya sa Carmelridge Town ay hinarang na ang tricycle dahil hindi daw nagpapapasok ng sasakyan na hindi pagmamay-ari ng nakatira sa naturang subdivision. Kaya wala siyang choice kundi ang maglakad hanggang sa makarating sa pupuntahang bahay.

Ang taas ng gate ng mga Brillantes. Kulay ginto iyon. Sa likod niyon ay kitang-kita ang malaki at marangyang bahay na moderno ang disenyo. Pwede na nga yatang gawing mall ang naturang bahay sa sobrang laki niyon.

Sumilip siya sa loob at wala siyang nakikitang kahit na isang tao. Kaya tumawag na lang siya. “Tao po! Tao po! Mag-a-apply po ako!” Talagang nilakasan niya ang pagkakasigaw upang marinig siya agad. Ilang ulit pa siyang sumigaw bago may lumabas sa bahay na isang babae na medyo maliit.

Hula niya ay kasambahay ito base sa uniform na suot nito. Nakasimangot ito sa kaniya habang papalapit. “May doorbell, oh!” itinuro nito ang doorbell na nasa tabi lang ng gate. “Talagang dapat ay may pagsigaw ka, girl?” May kasama pa itong pag-irap na parang ang laki ng atraso niya dito.

“Ay, sorry naman. Hindi ko kasi nakita.” Paghingi niya ng paumanhin. Mayaman nga ang mga ito dahil may doorbell, e.

“Sino ka ba? Anong kailangan mo?”

“Dito po ang bahay nina Mr. and Mrs. Brillantes, `di ba? Mag-a-apply po kasi ako bilang babysitter. Ako po si Jane Panal. Alam na nila na darating ako. Nag-text na ako doon sa number nila kagabi pa at ini-expect nila ako today.”

Tiningnan siya nito mula ulo hanggang paa na para bang isa siyang paninda sa palengke. Parang kinikilatis siya nito nang maigi. Naglabas ito ng cellphone at may tinawagan. “Ma’am, nandito na po iyong nag-a-apply na babysitter. Opo. Jane Panal daw po ang name. Okay po, ma’am. Okay po. Copy po!” At ibinalik na nito ang cellphone sa bulsa sa palda nito. Kung kanina ay parang tigre ito na manununggab noong kausap niya ay para naman itong maamong kuting nang kausapin ang amo sa cellphone.

Pagtingin nito sa kaniya ay sumimangot ulit ito. Binuksan na nito ang gate at pinapasok siya.

“Thank you po!” Nagpa-cute siya bilang pang-aasar dito.

Nagpatiuna na ito sa kaniya habang nakasunod siya dito. Ganoon na lang ang pagkamangha ni Jane nang makapasok siya sa bahay ng mga Brillantes. Ang lalaki ng paintings na nakasabit sa dingding. Napakalaki niyon at halatang mamahalin ang mga gamit. Ang laki-laki ng sofa. Parang mas malaki pa nga iyon sa higaan nila sa apartment ni Betty, e. Pinaupo na siya ng babae sa pang-isahang upuan.

“Ang sabi ni ma’am ay hintayin mo na lang sila dito ni sir.” Masungit pa rin ito sa kaniya.

Umalis ito at doon na siya nagkaroon ng pagkakataon na pagmasdan nang mabuti ang kabuuan ng bahay na pinasok niya. Sa tanang ng buhay niya ay ngayon lang siya nakapasok sa ganitong bahay ng mayaman. Nakakalula sa laki at parang natatakot siyang kumilos dahil baka makabasag siya. Baka madagdagan pa ang babayaran niya. Imbes na iyong one hundred fifty thousand lang, e.

May isang hagdan siyang nakita na parang ang hawakan sa gilid ay yari sa gitno. Talagang nakakamangha talaga ang bahay ng mga Brillantes!

Ang ganda! Naku, for sure ay maiinggit si Betty sa akin kapag nalaman niyang nakapunta ako sa pang-rich na bahay! Pakli niya sa kaniyang sarili.

Mamayang pag-uwi niya at kapag nandoon pa si Betty ay ikukwento niya ang lahat ng nakita niya sa bahay na ito. Kaya lang baka hindi ito maniwala kapag wala siyang ebidensiya.

Luminga-linga siya at mukhang hindi pa naman parating ang mag-asawang Brillantes kaya naisipan niyang ilabas ang kaniyang cellphone at picturan ang kaniyang mga nakikita. Hindi pa siya nakuntento na mga gamit at paligid lang ang kinunan niya ng litrato. Tumayo pa siya at nag-selfie sa magagandang gamit na naroon. Sa mga vase, flat screen TV at kung anu-ano pa.

“Ay, ang ganda! Pumatay pa yata sila ng tigre para dito!” Manghang turan niya nang may makitang parang carpet sa isang parte ng sahig. Ang disenyo niyon ay balat ng tigre kaya niya iyon nasabi. Labis niya iyong nagustuhan kaya humiga pa siya sa tabi niyon upang makapag-selfie kasama ang naturang carpet.

Akala mo ay pusang binuhusan ng mainit na tubig si Jane sa kaniyang mabilis na pagtayo nang may marinig siyang tumikhim. Pagtayo niya ay may nakita siyang dalawang tao na nakatayo sa ibaba ng hagdan. Isang babae at isang lalaki. Sigurado siyang iyon ang mag-asawang Brillantes dahil sa ayos ng mga ito. Kahit nasa bahay lang ay maganda pa ring tingnan ang damit ng dalawa at mukhang mababango. Mala-porselana ang kutis ng mga ito at maganda ang tindig at katawan. Sexy ang babae sa damit nitong dress at ang machong tingnan ng lalaki sa simpleng t-shirt at shorts. Parang kahit ano yatang isuot ng dalawa ay bagay sa mga ito at magmumukhang mamahalin lahat.

“S-sorry po.” Namumula sa pagkapahiyang paumanhin ni Jane. Huling-huli kasi siya ng mga ito sa nakakatawang ayos kanina.

“Are you Miss Jane Panal?” tanong ng babae. Maganda ang tono ng boses nito. Kalmado lang.

Tumango siya. “Y-yes po. I am Jane Panal. I’m apply… applying… ah…” Napapa-english tuloy siya dahil parang hindi nakakaintindi ng Tagalog ang kaniyang mga kausap. “Ah, nagta-tagalog po ba kayo?” Kahit nakakahiya ay itinanong na lang niya.

“Oo naman.” Nakangiting sagot ng lalaki. Maganda din ang boses nito. Buo at tunog mabait.

Nakahinga na rin siya nang maluwag nang malamang nagta-Tagalog ang dalawa. “Ako po iyong nag-a-apply na babysitter,” aniya.

Agad siyang pinaupo ng mga ito sa pang-isahang upuan. Pumwesto ang dalawa sa harapan niya. Tinawag nito ang kasambahay na sumalubong sa kaniya kanina at nagpakuha ito ng maiinom niya. Pagbalik ng kasambahay na narinig niya na Yaya Armie ang pangalan ay saka lang siya kinausap ng mag-asawa. Nagpakilala ang mga ito sa kaniya. Kristoff at Yvonne ang pangalan ng dalawa. Mukhang hindi naman galit ang mga ito sa double letter!

Pagkatapos ay hiningi ang kaniyang resumӗ. Binigyan niya ng tig-isa ang mag-asawa. Ilang minuto rin na tiningnan ng dalawa iyon bago siya ulit kinausap.

“Before ay may agency kaming pinagkukunan ng babysitter para sa mga anak namin, Jane,” ani Yvonne. “Kaya lang naubos na yata namin ang mga tao nila dahil hindi kinakaya ang pagbabantay sa isa sa mga anak namin na sobrang kulit at pilyo. Kung kukunin ka namin, this will be the first time na kukuha kami ng tao sa labas ng agency na iyon. Nahihiya na rin kasi kaming kumuha sa kanila.”

Patango-tango lang si Jane habang nagsasalita si Yvonne. Ang ganda-ganda kasi nito at nakakatulala. Maging si Kristoff ay ubod din ng gwapo. Bagay ang dalawa. Sa pagkakaalam niya ay thirty nine years old na ang mga ito pero parang mas mukhang bata pa ang mga ito sa kaniya.

Kilala kaya ng dalawang kaharap niya ang salitang stress? Parang hindi kasi. Walang bakas ng stress at problema ang mukha ng dalawa, e.

“Can we trust you, Jane?” seryosong tanong ni Kristoff sa kaniya.

“Oo naman po!” Mabilis niyang sagot dahil alam niyang mapagkakatiwalaan. “Wala po akong ibang pakay kung bakit ako nandito kundi ang magkaroon ng trabaho. Kung hindi niyo po kasi naitatanong ay kailangan ko po talaga ng malaking pera ngayon dahil nakasangla ang lupa namin sa probinsiya. To be honest po, malaki ang pasahod ninyo kaya naisipan kong mag-apply agad dito.”

Nagtinginan ang mag-asawa at tumango-tango ang lalaki. “Mabuti naman kung ganoon. Alam mo na, mahirap na ang panahon ngayon. Maraming manloloko. Akala mo mabait sa labas pero nasa loob pala ang kulo. And we’re sorry kung tinatanong ka namin ng ganoon. Gusto lang naming masiguro na mapagkakatiwalaan at mabuting tao ang pag-iiwanan namin sa mga anak namin tuwing gabi dahil sa trabaho naming mag-asawa,” ani Kristoff habang diretsong nakatingin sa mga mata niya.

Ngumiti si Jane sa dalawa. “Naiintindihan ko po. Huwag po kayong mag-alala dahil mapagkakatiwalaan niyo po ako,” aniya.

“That’s good to hear!” sabi naman ni Yvonne. “Pero ikaw, matiyaga ka ba sa mga bata? I am telling you, sobrang pilyo ng second child namin. Kahit kami ay problema siya.”

“Opo. Sanay po ako sa bata at kahit makukulit pa ang mga iyan. May mga kapatid din po kasi ako na maliliit at ako ang palaging napag-iiwanan noon kapag umaalis ang mga magulang namin. Kaya huwag po kayong mag-alala, kahit anong kulit ng anak ninyo ay kaya ko pa rin siyang alagaan nang maayos.”

“Are you sure?” Paniniguro ni Kristoff.

Tumango siya. “Yes, sir. Hindi rin po ako nananakit ng mga bata kahit anong kulit nila. Naniniwala po kasi ako na kaya sila ganoon ay dahil iyon ang natural na nature ng pangkaraniwang bata. Makukulit talaga sila at mapaglaro,” sagot naman niya.

Muling nagkatinginan ang mag-asawa at sabay siyang tiningnan ng dalawa.

“You’re hired!” deklara ni Yvonne. Inilahad nito ang isang kamay na agad niyang inabot.

“Talaga po?! Naku! Thank you po, ma’am at sir. Salamat po talaga!” Mangiyak-ngiyak niyang sabi. Hindi siya makapaniwala na agad siyang tatanggapin ng mag-asawang Brillantes. Ang buong akala niya kasi ay mahaba ang mangyayaring interview. Hindi niya akalain na ganoon kabilis niyang makukuha ang tiwala ng mag-asawa.

“Yes, Jane. You are qualified,” sabi pa ni Kristoff na siya namang nakipag-shake hands sa kaniya.

Labis ang pasasamalat ni Jane sa mag-asawa. Kulang na lang ay umiyak siya sa sobrang saya dahil nakuha niya ang trabahong ito. Pinapirma agad siya ng kontrata ng mga ito. Isang buwan muna siyang magtatrabaho sa mga ito at kapag nagustuhan siya o gusto pa niyang magpatuloy ay pwede pang i-extend ang kontrata.

Ipinaliwanag na rin ng mag-asawa ang magiging trabaho niya. Ang babantayan niya talaga o tututukan ay ang one-year old na anak ng mga ito. Pero siyempre, kasama na rin sa titingnan niya ang dalawa pang anak ng mga Brillantes. Isang sixteen years old at isang ten years old.

Mula ala-siyete ng gabi hanggang ala-siyete ng umaga siya nasa bahay ng mga ito para gampanan ang kaniyang trabaho. Pagkatapos ay uuwi na siya. Lahat ng pagkain ay pwede niyang kainin. Libre ang WiFi, toiletries at paggamit ng lahat ng appliances. Matutulog siya sa kwarto ng babantayan niyang baby. Ang sahod niya ay dalawang libo. Kapag nagustuhan daw ang serbisyo niya ay pwede pang madagdagan kaya determinado siyang husayan ang kaniyang pagtatrabaho.

Bawal na magdala ng bisita bilang pag-iingat na rin lalo na at merong tatlong bata sa bahay. Nag-iingat lang daw ang mag-asawa. Ayos lang iyon kay Jane. Hindi naman talaga siya magdadala doon ng bisita lalo na at gabi ang trabaho niya. Alangan naman na magdala siya ng bisita doon ng ganoong oras.

Kung iisipin ay sobrang dali lang ng gagawin ni Jane at doon siya natutuwa.

“Ngayong alam mo na ang mga gagawin mo pati na ang rules and regulations, it’s tima na para ma-meet mo na ang mga anak namin,” ani Yvonne. Umakyat sila sa second floor ng bahay. Dalawang palapag lang ang bahay pero sobrang laki niyon.

Isang pinto ang binuksan nila na nasa bungad lang. Doon niya nakilala ang panganay na anak ng mga Brillantes na si Yssa. Magandang bata ang panganay. Pinaghalo ang mukha ng nanay at tatay nito. Halatang anak-mayaman dahil sa kutis at ganda nito. Halos kulay baby pink ang kwarto nito at maraming stuffed toys. Maayos at malinis. Tipikal na kwarto ng isang teenager na babae. Sa tingin naman ni Jane ay mabait si Yssa dahil nag-hello ito sa kaniya na may kasamang pang matamis na ngiti.

Ang kasunod na kwarto na pinuntahan nila ay sa pangalawang anak na si AJ. Medyo magulo ang kwarto nito. Nakabusangot ang mukha nito at parang hindi sila nakikita. Para bang meron itong sariling mundo at hindi sila nag-e-exist doon. Naabutan nila itong naglalaro ng video games at may malaking headset na suot. Hindi man lang ito nag-abalang alisin iyon kahit ipinapakilala siya ng parents nito dito. Mukhang tama nga ang sinabi nina Yvonne at Kristoff na hindi masyadong maganda ang ugali ng batang iyon. Pero ayos lang. Magtitiis na lang siya siguro. Ang goal lang niya ay ang makapag-ipon ng pera para matubos na niya ang lupa nila na nakasangla.

“Pasensiya ka na kay AJ. Kapag naglalaro siya ay hindi talaga siya nakakausap.”

“Okay lang, Ma’am Yvonne.” Nakangiti niyang sabi.

At ang huli nilang pinuntahan na kwarto ay ang sa bunso na si Kayla. Nasa isang magandang crib ito at mahimbing na natutulog. Kahit baby pa lang ito ay sobrang laki na rin ng kwarto nito. Meron doong isang kama na may katamtamang laki at ayon kay Kristoff ay doon siya matutulog. Iyon ay upang mabantayan niya nang maayos si Kayla at agad niya itong maasikaso kung meron itong kailangan.

Nilapitan niya si Kayla upang matingnan ito nang maigi. Sobrang cute nito. Sigurado siyang paglaki nito ay maganda din ito gaya ng kapatid at nanay nito.

Medyo nagtaka nga lang siya kung bakit isang taon pa lang si Kayla ay nagtatrabaho na agad ang ina nito. `Di ba, kung sa ibang mayaman ay hindi muna magtatrabaho ang bagong panganak? Pero baka tutok lang talaga ang mag-asawa sa trabaho ng mga ito na nag hula niya ay family business. Kaya lang, gabi talaga? Ah, bahala na nga ang mga ito. Ang dapat niyang bigyan ng pansin ay ang magiging trabaho niya. Doon siya babayaran ng mga ito at hindi sa pakikialam ng buhay ng mga Brillantes.

Matapos na makita at makilala kahit papaano ang tatlong anak nina Yvonne at Kristoff ay bumalik na sila sa ibaba.

“Handa ka na ba sa magiging trabaho mo mamayang gabi, Jane?” tanong sa kaniya ni Kristoff.

“Opo, Sir Kristoff! Excited na nga po ako dahil first time kong pumasok sa ganitong trabaho. For sure po ay magkakasundo kami ng mga anak ninyo.”

“Remember, si AJ. Pilyo iyon at makulit. Ikaw na ang bahalang magpasensiya sa kaniya, ha. Kung anu-ano kasi ang ginagawa noon sa mga babysitter kaya walang nagtatagal.”

“Walang problema, sir. Mahaba po ang pasensiya ko sa mga bata kaya wala kayong dapat ipag-alala. Gagawin ko po ng maayos ang trabaho ko!” Pangako pa ni Jane sa mag-asawa.

No comments:

Post a Comment